Unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa Pilipinas, naitala ng DOH

Isinulat ni Regina Elaine Vendivil

Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa bansa nitong Linggo, ika-15 ng Agosto 2021.

Ayon sa pahayag ng DOH, ang unang kaso ay isang 35-anyos na babaeng walang sintomas ng COVID-19 (asymptomatic) at idineklara nang recovered matapos sumailalim sa sampung araw na isolation period.

Sa kasalukuyan, tinutukoy pa ng mga awtoridad kung ito ba ay isang lokal na kaso o nagmula sa isang returning overseas Filipino (ROF). Iniimbestigahan na rin ito ng DOH at nagsasagawa na ng mga contact tracing. 

Unang natukoy sa Peru ang Lambda variant noong Agosto 2020 at opisyal na itinuturing bilang isang Variant of Interest (VOI) ng World Health Organization (WHO) simula ika-14 ng Hunyo, 2021. 

Ayon sa DOH, may potensyal na makaapekto ang Lambda variant sa transmissibility ng SARS-CoV-2 at kasalukuyang sinusubaybayan para sa posibleng clinical significance nito.

Samantala, nakapagtala ang DOH ng 182 na bagong kaso ng Delta variant, na ngayon ay may kabuuang bilang na 807 na kaso sa bansa.

Nakapagtala rin ang Pilipinas ng 14,749 na bagong kaso ng COVID-19, ang pangalawang pinakamataas na bilang sa isang araw. 

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa Lambda variant ng COVID-19, maaaring basahin ito. 

References:

Balita Online. (2021, August 15). DOH, naitala ang unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa ‘Pinas. Balita. Retrieved from https://balita.net.ph/2021/08/15/doh-naitala-ang-unang-kaso-ng-lambda-variant-ng-covid-19-sa-pinas/

Bueza, M. (2021, August 15). PH logs 14,749 new COVID-19 infections; active cases top 100,000 again. Rappler. Retrieved from https://www.rappler.com/nation/coronavirus-cases-philippines-august-15-2021 

Cargullo, D. (2021, August 15). Unang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 naitala sa bansa. NewsFlash PH. Retrieved from https://newsflash.ph/13470-2/ 

Rappler. (2021b, August 15). Philippines detects first case of COVID-19 Lambda variant. Retrieved from https://www.rappler.com/nation/philippines-first-case-covid-19-lambda-variant-august-15-2021 

Advertisement