Isinulat ni Ana Rufa Padua
Mahigit isang daang Pilipino ang kinakailangan umuwi sa Pilipinas matapos sakupin ng puwersang Taliban ang gobyerno ng Afghanistan.
Agosto 16 nang itinaas ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) sa Alert level 4 ang kalagayan ng seguridad ng mga Pilipino sa bansang nasakop. Tinatakda ang alert level na ito kapag mayroong “large-scale internal conflict o full blown external attack.”
Tatlumpu’t dalawa (32) na ang nakaalis mula sa Kabul noong Linggo at ngayon nasa Doha, Qatar upang hintayin ang kumpirmasyon para sa paglipad nila pabalik ng Pilipinas.
Labing siyam (19) ang nakatakdang lumisan kaagad habang ang natitirang 79 ay nakikipag-ugnayan pa sa Philippine embassy sa Pakistan, ayon sa DFA Assistant Secretary for Public and Cultural Diplomacy na si Eduardo Meñez.
Nasakop muli ng puwersang Taliban ang mga pangunahing lungsod sa Kabul pati na rin ang palasyo ng pangulo matapos ang dalawang dekada mula noong pinalayas sila sa kabisera ng Afghanistan ng hukbong Amerikano.
Ang Taliban ay itinatag noong 1994 at binubuo ito ng dating resistance fighters ng Afghanistan o mas kilala sa tawag na mujahedeen. Layunin nilang ipataw ang interpretasyon nila ng Islamic law at pawiin lahat ng impluwensya ng dayuhan sa bansa.
Taga-pamuno nila si Mawlawi Haibatullah Akhundzada, isang senior religious cleric mula sa henerasyong nagtatag ng Taliban—itinakda siya bilang taga-pamuno nang mamatay ang dating pinuno na si Akhtar Mohammad Mansour mula sa isang airstrike galing sa Estados Unidos sa Pakistan.
Tuluyang nananawagan ang DFA sa mga Pilipino sa Afghanistan upang sumali sa repatriation effort at agarang tawagan ang Philippine embassy sa Islamabad o OFWHelp gamit ang mga sumusunod na detalye:
Whatsapp/Viber: +923335244762
Messenger/Facebook: www.facebook.com/atnofficers.islamabadpe o www.facebook.com/OFWHelpPH
Email: isbpeatn@gmail.com.
SANGGUNIAN:
- Department of Foreign Affairs [DFAPHL]. (2021, August 15). Read: Situation Bulletin on the Armed Conflict in Afghanistan as of 15 August 2021 [Tweet]. Twitter. twitter.com/DFAPHL/status/1426914884487311365/photo/1
- Hollingsworth, J. C. (2021, August 17). Who are the Taliban and how did they take over Afghanistan so swiftly? CNN. edition.cnn.com/2021/08/16/middleeast/taliban-control-afghanistan-explained-intl-hnk/index.html
- Lee-Brago, P. (2021, August 16). Pinoy repatriation from Kabul underway. Philstar.Com. www.philstar.com/headlines/2021/08/17/2120477/pinoy-repatriation-kabul-underway
- Licsi, A. (2021, August 16). DFA orders mandatory repatriation of Filipinos in Afghanistan following Taliban takeover. L!Fe: The Philippine Star. philstarlife.com/news-and-views/147902-dfa-orders-mandatory-evacuation-for-filipinos-in-afghanistan?page=2
- Tomacruz, S. (2021, August 16). Philippines orders evacuation of 130 Filipinos in Afghanistan. Rappler. www.rappler.com/nation/philippines-evacuates-filipinos-afghanistan-august-2021
Photo Source: Financial Times