Mga kwentong kahali-HALINA ng mga ASHS iskolar

Likha ni Skyla Abesamis
ni Kean Laurente
Bawat bukang-liwayway ay nagsisilbing mainit na paanyaya sa bagong simula, lalo na sa loob ng mga paaralan. Babangon ang mga mag-aaral, mag-aalmusal, gagayak, at aapak na sa mga pamilyar na pasilyo na balang araw ay ang huhubog sa kanilang mga pangarap. Tutunog na ang mga kampana. Maririnig na ang beep sa tuwing may ID na nababasa ng scanner. Kapansin-pansin ang dagsa ng mga mag-aaral na magsisitungo sa sari-sariling pagtitipon ng kuwentuhan at kalibangan. Unti-unting nabubuhayan ang paaralang minamahal.
Ngunit sa kabila ng mga ngiti na sinusuot ng mga mukha ng karamihan ng mga mag-aaral, mayroong mga iba na nabibigatan sa mga pinapasang pangarap—ang pangarap na bumangon at makaranas ng kaginhawaan na taglay ng ibang mag-aaral. Kadalasan, ang mga minimithi ng mga mag-aaral na ito ay makatamo ng kaluwagan, kasaganaan, at higit sa lahat, ang kinabukasang kanilang nais makamit.
Sila ang mga iskolar—mga mag-aaral na may taglay na apoy na patuloy na lumagablab. At bilang pagtugon, ang organisasyong Samahan ng mga Iskolar na Naglilingkod at Gumagabay (SINAG) ay nagsagawa ng programang HALINA noong Oktubre 10, 2026. Nilayon ng programang ito na umpisahan ang akademikong taon ng mga iskolar sa pamamagitan ng mainit na pagyakap sa kanila ng SINAG Core, ang mga opisyal na iskolar ng organisasyon. Bunsod ng programang ito, ating ilalantad ang mga kwentong kahali-halina ng ilang mag-aaral tungkol sa kanilang buhay-iskolar sa Ateneo Senior High School (ASHS).
PAGSUSUNOG NG KILAY
Tuwing lumilitaw ang katangiang “iskolar” sa mga pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, madalas na ipinagpapalagay ng mga tao na likas na matalino ang mga mag-aaral na ito at todo-buhos sa pag-aaral.
Ngunit para kay Kira Arroyo ng 11-Grande, parte lamang ito ng identidad ng isang iskolar. Hindi lamang ang pagsusunog ng kilay ang natatanging katangian ng mga iskolar sapagkat may mga iba rin silang pasanin na kinakailangang buhatin sa araw-araw. “What’s most important is ‘yung pagsusumikap mo para sa pag-aaral, idinideboto mo kumbaga with passion and you don’t just devote it to yourself, for your own personal gain,” ika ni Arroyo.
Sa katotohanan, normal ding makaranas ng pagkabagsak ang mga iskolar, ayon kay Arroyo. Sa mga iskolar, mayroong mga sitwasyon na nanghihikayat ng pagduda kung karapat-dapat nga ba talaga ang kanilang pagtanggap ng tulong-pinansiyal. Sabi ni Arroyo: “Talagang umiyak ako because of the academic pressure and I just started to question if my scholarship was, if it was, you know, meant for me.”
Ang mga sitwasyong nagpapababa ng self-esteem ng mga iskolar ay likas na mapanghamon. Nakaramdam si Arroyo ng pag-aalinlangan kung sapat ba ang kaniyang binubuhosna pagsisikap para maging isang ganap na iskolar. Pero hindi pinapabayaan ni Arroyo na hatakin lang siya palalim ng pagdududang ito. Nananatili siyang panatag na kaya niyang malampasan ang mga madidilim na pagsubok na ito. Sabi ni Arroyo tungkol dito, “And as long as I remember the reason why I do this, I study, I study well, I realized that I can continue on this responsibility and this obligation.”
Gayunpaman, patuloy pa ring lumalaban si Arroyo upang mabayaran ang kaniyang utang na loob para sa mga taong nagsilbing pundasyon niya sa pagpili sa Ateneo. Sapagkat, ang mga taong ito ang nagiging katuwang ni Arroyo sa kaniyang buhay-iskolar. “I think about that almost every single day tuwing nag-aaral ako. Kahit naghihirap, pinag-iisipan ko pa rin yung mga tao na nakapagdala sa akin dito,” ani Arroyo. Sila ang mga tao na nagtutulak kay Arroyo na balang araw ay makapagbalik sa lipunang kaniyang ginagalawan dahil sa mga biyayang natamo niya.
Hindi tunay na nag-iisa lamang ang mga iskolar tulad ni Arroyo. Sinisigurado ng SINAG na sa kalaunan, makararamdam din ng mainit na haplos ng araw ang mga mag-aaral na ito. Patunay rito ang naging panayam ni Arroyo nang matapos ang programang HALINA ng organisasyon, “I didn’t feel as though I had to pretend to try to fit in with the crowd because they were already my crowd.”
PIPILIING PILITIN
Ang buhay-iskolar ay tunay na mapanubok. Husto sa dami ang mga binabatong hamon ng buhay sa mga partikular na mag-aaral na ito. Pero para kay Elisha Pajaganas ng 11-Torres, pipiliing pilitin niyang harapin ang mga pagsubok na ito nang nakataas ang kaniyang noo.
Minsan, sa mga oras ng kabiguan, sa mga pinakamababang punto ng mga iskolar sa kanilang buhay, ang kanilang maaaring uwian ng lakas at pag-asa ay walang iba kundi ang kanilang sarili. Ang sarili ay nagsisilbing matatag na haligi ng katatagan laban sa puwersa ng mga hamon. “Kapag gusto ko na sumuko, iniisip ko na lang na ang aking mga nalagpasan na pagsubok at ang bilang ng mga isinakripisyo para makapag-aral sa institusyon na ito, kaya I owe it to myself to see this through,” sabi ni Pajaganas.
Naging partikular si Pajaganas sa pagbabahagi ng kaniyang pinakamatinding pagsubok sa pagkakaroon ng buhay-iskolar: ito ang pagko-commute. Ang pagko-commute ay tila giyera—kung saan nakauubos ng buhay ang pakikipag-unahan sa mga transportasyong siksik, liglig, at nag-uumapaw ng mga pasahero. Sabi ni Pajaganas patungkol sa mga akademikong implikasyon ng pagko-commute, “Dahil dito, mahirap nang magkaroon ng sapat na enerhiya para makilahok man lang sa klase. Nasanay na rin naman ako, but I just wish this wasn’t something I had to get used to.”
Nananatiling panatag si Pajaganas sa kabila ng mga kaakibat na pasanin—mga pasanin na kinakailangang balansehin kasama ang mga inaasahan sa kaniya sa aspetong edukasyon. Kabilang si Pajaganas sa mga mag-aaral na pursigidong makamit ang kaniyang mga hangarin. Siya ay lumalaban nang patas sa buhay, ngunit hindi mapagkakaila na ang buhay ay sadyang hindi patas sa lahat ng pagkakataon. Gayunpaman, iniwan ni Pajaganas ang mensaheng ito sa mga kapwa-iskolar, pati na rin sa mga magiging iskolar, “I hope that you don’t let the label of being a scholar limit you, but rather, let it be something you take pride in. Kung may mabigat man kayong dinadala, makatitiyak kayong tutulungan kayo ng SINAG at OAS na buhatin ito.”
SUSUBOK, HINDI MATATAKOT
Isa sa mga tanyag na kasabihan sa SINAG ay ang linyang: “Ang pagiging iskolar ay pagiging totoo.’ Ang mga iskolar ay danas na sa mga pagsubok—sa pagkabutas ng bulsa, akademikong pagdududa, at pati ang simpleng pagpasok at pag-uwi galing paaralan. Pero mainam na maunawaan na hindi pare-pareho ang buhay ng mga iskolar.
Sa mahigit tatlong buwan na pag-aaral dito sa ASHS, nararamdaman ni Jari Diuco, isang junior iskolar ng 11-Torres ang kahabaan ng pagkalayo niya mula sa kaniyang pamilya. Si Diuco ay nanggagaling sa probinsiyang Bataan, malayo sa mga urbanisadong kalunsuran ng Metro Manila. Nariyan ang pakiramdam ng pag-iisa—lumilitaw ang mga emosyong pangungulila sa mga araw na kasama niya ang kaniyang pamilya.
Sa kabila ng pagiging malayo sa kaniyang mga kadugong minamahal sa buhay, nananatili pa rin itong “bakit” ni Diuco para magpatuloy na sumubok. Ito ang nagsisilbi niyang rason upang bumangon sa kada araw na hindi kapiling ang pamilya. Ika niya, “Nakikita ko kasi ang mga sakripisyo ng aking mga magulang upang mapag-aral at maranasan ko ang buhay Maynila kaya ay ginagawa ko ang aking lubos na makakaya upang masuklian ito.”
Laganap sa bansa ang kulturang pakikipagkapwa na naglalayong pagbuklurin ang lahat ng miyembro ng lipunan. Kaugnay ng konseptong ito, tuwing nararamdaman ng mga iskolar tulad ni Diuco ang kapanglawan ng pag-iisa, malaki ang papel naginagampanan ng mga organisasyong tulad ng SINAG.
Nang magwakas ang programang HALINA ng SINAG, para kay Diuco, tuwiran niyang naramdamang “nakatadhana” ang kaniyang pananatili sa SINAG dahil sa programang HALINA. “Dati ay pinapangarap at pinagdarasal ko lamang na makapag-aral dito at ngayong natapos na ang welcoming ceremony para sa mga iskolar ay naging mas ganap sa akin na tunay na nga akong nandito,” ani Diuco. Ito ay patunay na sa kalaunan, maaabot ng mga iskolar ang kanilang pangarap—gamit ang kanilang katatagang humarap sa paghihirap dala ng buhay.
SANDALAN
Kung ihahalintulad ang buhay-iskolar sa pag-aakyat ng mga matatarik na bundok, kinakailangang mayroong kinakapitan. Mahalaga ang pagkapit upang hindi mapagod, matalisod, at mahulog sa pag-usad pataas ng bundok. Para sa mga junior scholars na patuloy sa pagtutuklas ng kanilang landas, nariyan ang kanilang SINAG ates/kuyas na lubusang handa sa paglilingkod at paggagabay sa kanila.
Tulad ng ningas na taglay ni Sybil Singson ng 12-Miki, ang Senior Representative ng organisasyong SINAG, patuloy na nag-aalab ang kaniyang apoy upang makapagbigay-liwanag sa kapwa niyang iskolar. Sa buong kahabaan ng programang HALINA, ginampanan ni Singson ang pagiging isa sa mga emcee nang puno ng kasiglahan at buhay. Talagang naipakita ni Singson ang kaniyang pagmamahal para sa mga kapwa-iskolar sa kaniyang masigasig na pagpapaalala na ang pagiging isang iskolar ay hindi nalilimitahan ng pinansyal na kapasidad. Ika niya, “Ang yaman ng isang iskolar ay hindi lamang nasusukat sa mga materyal na bagay na mayroon siya, kundi sa kuwentong dala niya.”
Patunay sa sinabi ni Singson ang mga kuwentong bitbit ng mga tatlong nakapanayam na iskolar sa kanilang landas patungo sa liwanag, maging patungkol man ito sa pagsubok sa akademiko, pagko-commute, o kaya pagkalayo sa pamilya. Lahat ng mga kuwentong ito—kahit ang mga hindi pa naikukuwento—ay mayroong sariling taglay na kayamanan at saysay.
Binigyang-diin ni Singson na hindi lamang ang mga iskolar ang nakatatanggap ng liwanag mula sa sinag ng araw. Nanindigan siya sa kaniyang pahayag sa kaniyang mga kapwa-iskolar na “Tayo rin ay mga sinag na nagpapaalala kung para kanino dapat umiral ang liwanag na iyon.” Iniaalay ni Singson ang kaniyang mga kakayahan bilang iskolar upang makapagbalik ng kabutihan tungo sa kapwa, bayan, at sa kabataang nagnanais na makatikim ng de-kalidad na edukasyon na karapatan ng lahat—hindi pribilehiyo ng iilan.
Hindi madali ang pagiging sandalan ng iba habang binabalanse ang sariling buhay-iskolar. Pinagsasabay ni Singson ang mga inaasahan sa kaniya sa akademikong aspeto, responsibilidad sa SINAG, at pangkabuoang kalusugan. Upang matugunan ang pagbabalanseng ito, nagtatakda si Singson ng mga prayoridad, sinasanay niya ang kaniyang sarili sa time management, at kinikilala niya ang sarili niyang hangganan bilang iskolar. “Kailangan ko ring alagaan ang aking sarili upang patuloy akong makapaglingkod nang buong puso,” sabi ni Singson.
Sa mga sandalan tulad ni Singson, sila ay sarili nilang mga liwanag na hindi mapupundi. At nilalayon niya na maging makabuluhan ang kaniyang pagbibigay liwanag sa mga kapwa-iskolar, dahil ika niya sa kaniyang panghuling mensahe, “Upang balang araw, sila naman ang magiging gabay ng iba.”
Ang mga kwento nina Arroyo, Pajaganas, Diuco, at Singson ay mga makatotohanang halimbawa ng realidad ng pagkakaroon ng buhay-iskolar. Mainam na matandaan ng sangkaestudyantehan, partikular sa institusyon tulad ng ASHS, na hindi lahat ay mayroong pare-parehong pribilehiyo na magpapagaan sa buhay-akademiko. Ang pagiging iskolar ay hindi nasusukat sa kung gaano karaming suliranin ang hinaharap. Bagkus, ang pagiging iskolar ay dapat makilala sa taglay na tibay at tindig na magpatuloy sa araw-araw na pamumuhay upang maabot ang mga pangarap. Bagaman may mga oras ng kadiliman na dala ng mapanghamon na buhay-iskolar, lagi’t laging sisinag ang maliwanag na araw.