Tulong, Hindi Kulong

Kinagabihan ng unang araw ng Abril, hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa kanyang televised nation address. Ito ang kanyang unang ulat sa bansa at kongreso tungkol sa ipinasang Bayanihan to Heal as One Act. Sa samu’t saring suliraning kanyang tinalakay, isang malinaw na mensahe ang ating nakuha mula sa kanyang mga bibig:Gulo, barilan, o patayan, I will not hesitate to let my soldiers shoot you [Hindi ako magdadalawang-isip hayaan ang mga sundalo kong barilin kayo].”

Puno ng pangamba ang puso ng bawat mamamayan habang sinusubukang iligtas ang sarili sa kalabang hindi nakikita. Sa gabing iyon, maraming paglilinaw ang inasahang marinig ng mga Pilipino tungkol sa P200 bilyong budget na inilaan para sa Bayanihan Act, ngunit mas pinagtuunan ng pansin ng pangulo ang naganap na pagprotesta ng mga residente ng Sitio San Roque sa Lungsod ng Quezon. Noong araw ring iyon, 21 residente ang inaresto dahil sa kanilang walang pahintulot na pagprotesta. Sila ay nagdemanda lamang ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangang pinangako ng gobyerno sa gitna ng pandemyang ito. Dagdag pa rito, napuno rin ang social media ng pagprotesta sa pagpapatupad ng pamahalaan ng batas, at sumikat ang #OustDuterte.

Ngunit, gulo, barilan, o patayan – hindi ito ang tawag ng Diyos sa atin. Sa panahon ngayon, malinaw ang Kaniyang utos na mahalin natin ang isa’t isa, kaibigan man o kaaway. Ngayon, higit pa sa kailanman ay kinakailangang mas mangibabaw ang pagtutulungan kaysa pananakot. Sa panahon ng krisis kagaya ng ngayon, mahalagang magsama-sama at makiisa ang bawat isa, kasama ang pamahalaan, upang malampasan ang malaking balakid na ito.

Lagi’t lagi tuwing panahon ng krisis, may dahilan kung bakit nilalalakasan ng masa ang kanilang boses at hinaing. Sa simula pa lamang ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (o mas kilala bilang ECQ) noong Marso, marami na ang pagkukulang at pagkakamali ng gobyerno. Maraming Pilipino ang naapektuhan at nasawi sa laban na ito: 177 pasyente ng COVID-19 at 17 doktor, kasama na rin ang ilang PUI at PUM. Maaaring naiwasan sana ito kung hindi nagkulang ang pamahalaan sa paghahanda at suportang medikal, at kung pinakinggan lamang ang sigaw ng mga taumbayan: #MassTestingNowPH. Kung hindi magsisilbing salamin ang masa, hindi kailanman malalaman ng gobyerno kung ano nga ba ang kaniyang itsura. 

Sa anumang panahon ng krisis, ang masa, lalo ang ating mahihirap na kababayan, ang pinakaapektado. Kaisa ang Hi-Lites ng masa sa pagkondena sa tahasang pananakot ng pangulo. Bigas, hindi bala, ang tutugon sa hunkag na tiyan ng masa; Medikal, hindi militar, ang solusyong kailangan sa pandemya, kung kaya’t taos-pusong pinupuri ng Hi-Lites ang pribadong sektor, mga NGO, at iba pang mga organisasyon at indibidwal na isinaalang-alang ang kapwa, higit na ang mga naghihirap, sa kabila ng krisis na ito. 

Kung magpapatuloy ang ganitong pananakot ng administrasyon, tunay na hadlang sa banta ng COVID-19, gutom at ang mismong pamahalaan ang kikitil sa taumbayan. Bilang mga Atenista, patuloy ang tawag sa atin na maging tao-para-sa-kapwa. Hakbang rito ang paggamit ng ating mataas na antas ng pagsisiyasat, pagpuna sa mga kakulangan ng pamahalaan, at pagtulong sa ating kapwa sa anumang paraang ating makakaya.

Tinatawagan namin ang administrasyon upang bigyang pansin ang hinaing ng taumbayan. Madaling maipatutupad ang mga batas kung sisiguraduhin ng gobyerno na may tiwala sa kaniya ang mga mamamayan. Bawat perspektibo at opinyon ay may kabuluhan, positibo man o hindi.

Hindi nararapat ang pananakot at pagbabanta, at salungat sa sinabi ni Pangulong Duterte na ang Diyos lamang ang makalulutas sa problemang ito, mayroon pa rin tayong maaaring gawin upang tumulong sa pagsugpo sa sakit na ito. Magkasama lagi ang Diyos at tao sa hirap at ginhawa sapagkat sa ating munting pagtulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon, direktang pagtulong, pagdarasal, o ‘di kaya’y ang simpleng pagpuna ng kamaliang nangyayari sa kapaligiran, napupunan natin ang ating responsibilidad sa pagsagot sa utos ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.

Kailangan ng sambayanang Pilipino ang isang gobyerno na magsisilbing kalasag sa anumang problema gaya ng sakit, gutom, hirap, at karahasan.  


Author
Hi-Lites Editoral Board

Leave a comment