
Ngayong buwan ng Oktubre, ipinagdiriwang ng Nakatatandang Mataas na Paaralang Ateneo de Manila ang Buwan ng Wika.
Pormal na ipinakilala ng Sanggunian ang tema at pamagat ng Buwan ng Wika noong ika-12 ng Oktubre sa kanilang Facebook page. Ang tema ng Buwan ng Wika ay “Batang 90s” at pinamagatang “Taralets”. Iikot ang mga aktibidad at patimpalak ng buong Buwan ng Wika sa temang ito.
Kasabay nito ang pagpapalit ng mga guro ng Ateneo ng kanilang profile picture sa kanilang mga “throwback pictures” noong dekada ‘90.
Ayon sa pinuno ng Komite ng Buwan ng Wika na si G. Tyron Casumpang, ang salitang “Taralets” ay sikat na slang noong 1990s na hango sa mga salitang “tara” at “let’s go”.
“Inaanyayahan tayo ng salitang ito na humayo at tumuklas ng mga mga bagong karanasan,” dagdag pa ni G. Casumpang.
Napagdesisyunan rin ng Komite na dahil sa online set-up ay magkakaroon ng tig-isang patimpalak sa bawat baitang.
Ang Harana na para sa ika-11 na baitang ay isang timpalak kung saan gagawa ng “cover” o sariling interpretasyon ng isang awiting 90s ng kanilang nakatalagang OPM Icon at sasamahan ito ng paggawa ng isang music video.
Ang Origs naman ay isang paligsahan para sa ika-12 na baitang kung saan sila’y lilikha ng orihinal na awitin na nagtataglay ng katangian ng musikang 90s at sasamahan rin ito ng paggawa ng isang music video.
Magsisimula ang iba’t ibang mga aktibidad para sa Buwan ng Wika ngayong araw, ika-15 ng Oktubre, at magtatapos sa ika-29 ng Oktubre sa Pinoytuntun.
Marami pang timpalak at aktibidad na hinanda ang iba’t ibang organisasyon at komite para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tunghayan ang ASHS Sanggunian FB Page para sa mga karagdagang anunsyo tungkol sa mga gagawin pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Jermaine Ocampo
