
By Mary Therese L. Catapang
Noong taong 2018, ipinasa ng House Committee of Basic Education and Culture ang “House Bill 1022” o ang “National Writing System Act” kung saan gagamitin ang Baybayin bilang sistema ng pagsulat sa bansa upang mapalawak ang kaalaman at pagkilala dito ng mga Pilipino. Kahit hindi pa man tuluyang naisasabatas ang House Bill 1022, lubos na ang pagkilala ng mga Pilipino, partikular ang mga kabataan, sa Baybayin, ang isa sinaunang paraan ng pagsusulat ng mga Tagalog. Sa katunayan, nagkaroon ng Baybayin Workshop noong Setyembre 2020 sa Ateneo de Manila Senior High School (ASHS). Dagdag pa rito, pinaskil din ang pangalan ng bawat klase nang nakasulat sa Baybayin sa labas ng bawat silid-aralan noong nakaraang taon, 2019.
Sa Pilipinas, mayroong 16 na iba’t ibang sistema ng pagsulat tulad ng Surat Mangyan ng mga Hanunuo Mangyan sa Mindoro, at Tagbanua naman ng ilang katutubo sa Palawan.
Ayon kay Jay Enage, chairman ng Baybayin Buhayin, isang grupong sinusuportahan ang nasabing bill, kailangan nating gamitin ang wikang nangingibabaw sa karamihan. Dahil sa pagka-Tagalog centric ng bansa, isinusulong ang Baybayin na katutubong sistema ng pagsusulat ng mga Tagalog. Subalit, sa paningin ng mga kritiko, ang layunin lamang ng paggamit ng Baybayin ay aesthetic o pampaganda dahil nilalapat lamang ito sa mga street sign, mga imprastruktura, mga parke, mga istasyon, at gayundin sa mga tatak ng pambalot ng pagkain upang mas makilala ito ng mga Pilipino. Bagkus, nagiging pang-komersiyal ang gamit nito sa halip na masinsinang inaaral para sa edukasyon at malalim na pagkilala sa kultura ng bansa.
Tulad ng sinabi ni Riza Pingke, isang editor ng mga akademikong magasin, “Pagtuunan dapat ng pansin ang pagtuturo sa Filipino na hindi halos priority ngayon sa mga paaralan. Kung gusto nilang maging makabansa ang mga Pilipino, kasaysayan at wikang Filipino ang itaguyod.”
Bukod pa rito, marami ring hindi sang-ayon sa HB 1022 dahil sa maaaring mangyari sa iba pang sistema ng pagsulat sakaling ipatupad sa bawat lokalidad ang paggamit ng Baybayin. Sa Pilipinas, mayroong labing-anim (16) na iba’t ibang sistemang pagsulat tulad ng Surat Mangyan ng mga Hanunuo Mangyan sa Mindoro, at Tagbanua naman ng ilang katutubo sa Palawan. Bagkus, ano na lamang ang mangyayari sa mga natitirang iskrip sa bansa?
Ipinahiwatig ni Michael Pangilinan, isa sa mga tagapagtaguyod ng Kulitan script sa Pampanga, na ang Pilipinas ay magiging bansa na tila para sa mga Tagalog na lamang sa oras na Baybayin na lang ang tatangkilikin ng mga Pilipino sapagkat mawawala na ang pagkakakilanlan ng mga lokalidad. Sa katunayan, umugat ito noong taong 1937 nang idineklara ang Tagalog bilang pambansang pasalitang wika at ngayon naman ay ang Baybayin ng mga Tagalog na inaasam na maging basehan ng pasulat na wika.
“Pinapahiya tayo ng estado ng Pilipinas kung sino tayo hanggang sa ang mga Kapampangan mismo ang pumipigil sa pag-unlad ng kanilang sariling wika at kultura upang maging mga Pilipino,” ani ni Pangilinan.
Orihinal na pagsaling Ingles:
“The Philippine state makes us ashamed of who we are until the Kapampangan people themselves are the ones repressing their own language and culture to become Filipinos,” Pangilinan added.
Sa kabilang dako, ipinaliwanag naman ni Chang Casal na ang HB 1022 ay isang hakbang sa pagprepreserba sa isang parte ng mayaman, malawak at makulay na kultura ng bansa. Kung tutuusin, walang masama sa paggamit ng Baybayin dahil ito ay bahagi ng kultura ng mga Pilipino at nararapat lamang na itong gamitin subalit mahalagang malaman ng lahat na hindi lamang Baybayin ang natatanging sistema ng pagsulat sa Pilipinas na dapat pagtuunan ng pansin.
Samakatuwid, malinaw na walang nakaaangat na wika sa bansa. Gayundin sa pagtangkilik sa mga sistema ng pagsusulat, hindi maipatutupad ang paggamit ng isa lamang. Maaaring mas sikat sa kabataan ang Baybayin ngunit kinakailangan ng sapat na pagtangkilik sa iba pang sistema ng pagsulat tulad ng Surat Mangyan at Tagbanua.
Mahalagang limiin ang linya sa isyung ito. Totoong karamihan ng mamamayan sa bansa ay Tagalog ang sinasalita kaya’t mukhang praktikal na gamitin ang Baybayin bilang sistema ng pagsulat. Subalit, ano na lamang ang kahihinatnan ng iba pang sistema ng pagsulat sa bansa sakaling maipatupad ito? Ano nga ba ang mas matimbang, ang pagiging praktikal o ang pagprepreserba sa iba pang sistema ng pagsulat sa bansa?
Tulad ng sinabi ni Virgilio Almario, pangulo ng Government Commissions on Language and Culture, “Kinakailangan nating balansehin ito nang mabuti. Kailangan natin ang Filipino bilang isang wikang magbubuklod sa atin ngunit dapat din nating pahalagahan ang mga wika ng lahat ng mga lokalidad.”
Orihinal na pagsaling Ingles:
“We need to balance this carefully. We need Filipino as a bridge language but we should also appreciate the languages of all communities,” Almario said.
Mga sanggunian:
https://www.cnnphilippines.com/life/culture/2018/8/22/ancient-Filipino-scripts-surat-Baybayin.html
https://nolisoli.ph/49937/writing-a-nation-zacosta-20181017/
https://interaksyon.philstar.com/breaking-news/2018/04/25/125470/the-case-against-baybayin-as-national-writing-system/
https://lifestyle.inquirer.net/341825/baybayin-ancient-philippine-script-revival-spells-debate/
https://www.scmp.com/news/asia/southeast-asia/article/3020851/baybayin-ancient-philippine-written-script-making-comeback
https://news.abs-cbn.com/life/04/23/18/house-committee-approves-baybayin-as-national-writing-system
Mary Therese L. Catapang
Probe Staffer
