Sa Mata ng Pamahiin

Guhit ni Justin Lawrenz Delas Armas

“Walang terorista dito, walang kriminal, pero bakit ganyan kami ituring? Nakakagalit. Yung anak ko namatay na wala ako sa tabi niya dahil kinulong kami—sinampahan kami ng gawa-gawang kaso. Sa burol ng anak ko, ganito pa ang mangyayari.” Ito ang mga kataga ng isang inang naghihinagpis—pinagkaitang maging ina at ng karapatang magluksa.

Bilang mga Pilipino, lumaki tayo sa mga pamahiin—mga paniniwalang naging bahagi na ng kabuuang pagkakakilanlan ng Pilipinas. Kadalasang nagmumula sa mga nakatatanda, nagbibigay ito ng kakaibang kulay at pagtatangi sa kulturang kinalakihan. 

Nag-iiba man ang mga pamahiin sa bawat pamilya, iisa pa rin ang diwa ng mga ito—ang mapanatili ang pagiging magalang sa kapwa tao, sa mga kaluluwa, at sa Diyos. Sa pagsuway ng mga awtoridad sa mga tradisyong ito, lantaran din nilang ipinapakita ang kawalan nila ng respeto sa namayapa at sa pamilyang naulila nito.

Isang buwan nang nagdadalang-tao si Reina Nasino, aktibista at tagapag-ugnay ng KADAMAY Manila, nang arestuhin dahil umano sa pagmamay-ari niya ng mga ilegal na mga armas at granada. Kasama ng mga kapwa niyang aktibistang sina Ram Bautista at Alma Moran, taas-kamao pa rin siyang lumalaban sa kabila ng hirap at takot na dinanas na trauma.  

Habang ilang buwang nakakulong nang walang hatol ang ina, ipinanganak si Baby River—nangangayayat at kulang sa sustansya. Gayunpaman, nagsilbi siyang inspirasyon sa kanyang ina, isang rason upang patuloy na kumawala mula sa mga rehas ng kulungan at ng sistemang baluktot. 

Hindi dapat natin ipasapamahiin lamang ang pagkamit ng hustisya para sa kanyang pagkamatay—gamitin natin ang ating boses upang palakasin ang panawagan natin para sa pananagutan.

Bagama’t may mga batas na nagtatakda ng karapatan ng mga sanggol at inang nagapasuso sa bilangguan, hindi nagtagal ang pamamalagi ni Baby River sa piling ng kaniyang ina.

“Pwera usog” ang pangontra sa sakit ng sanggol na nabati ng isang estranghero. Ngunit, hindi ito naging sapat sa anak na pilit inilayo mula sa kaniyang tagapangalaga. Isang buwan pa lamang si Baby River noong siya’y napalayo kay Reina, taliwas sa payo ng mga doktor na panatilihin silang magkasama.  

May pamahiin sa mga nagdadalang-tao na bawal magsuot ng kuwintas sapagkat maaari raw pumulupot sa leeg ng sanggol ang kaniyang pusod. Nalagutan man ng hininga matapos ipanganak, pagkasakal pa rin dulot ng kapabayaan ng gobyerno ang kaniyang ikinamatay. Siya’y hiniwalay sa kanyang ina kung kailan niya ito pinakakinailangan. Tatlong buwan pa lamang ang gulang niya nang siya’y mamatay mula sa mga karamdamang pinalala ng kawalan ng sustansya at aruga mula sa kaniyang nanay.

Patuloy lang na rumami ang mga aksyon ng gobyernong nagpapakita ng kawalang-galang paghantong ng burol. Bukod sa anim na oras lamang ang inilaang panahon upang makabisita si Reina sa burol ng sarili niyang anak, nabulabog rin ang kataimtiman ng burol dahil sa sandamakmak na pulis na ipinadala bilang “escort.” Tila walang simpatiya para sa namatayan, ‘di man lang tinanggalan ng posas si Reina nang siya’y bumisita.

Hanggang sa libing ay sumunggab ang kapulisan, ni hindi man lang nila hinayaang makapagpasiya sa ruta o bilis ng sasakyan ang nagluluksang pamilya. Pinaharurot nila nang mabilis ang carong may dala ng kabaong na tila ba’y hinahabol ang kamatayan—sa bilis nito ay parang pati hustisya’y napag-iwanan. 

Sa mga mga panahong tulad nito makikita ang hindi patas na pagtrato sa sambayanan. Habang ang isang akusadong aktibista ay hindi makapunta sa burol ng kaniyang anak nang ‘di muna nawawalan nang dignidad, ang mga nahatulang pulitiko ay malayang nakikita ang kanilang mga pamilya. Swerte na lang ba ang nagdidikta sa kung sino ang maitatrato nang mabuti at kung sino ang mapagmamalupitan?

Hindi sapat ang pagtuka ng sisiw sa konsensya ng mga dapat managot sa pagkamatay ni Baby River. Hindi dapat natin ipasapamahiin lamang ang pagkamit ng hustisya para sa kanyang pagkamatay—gamitin natin ang ating boses upang palakasin ang panawagan natin para sa pananagutan.

“Lalaya ako nang mas matatag… Hindi tayo nag-iisa. Panandalian lang ‘yung pagdadalamhati natin pero maghahanda tayo para sa pagbabalikwas natin. Babangon tayo.” Ito ang mga kataga ng isang inang lumalaban—para sa bayan at para sa katarungan.

Source
https://www.altermidya.net/until-the-last-minute-political-prisoner-reina-mae-nasino-denied-of-proper-mourning/

https://www.altermidya.net/sino-si-reina-mae-nasino/

https://www.bulatlat.com/2019/11/05/office-of-bayan-manila-raided-3-activists-nabbed/

https://mb.com.ph/2020/10/19/justice-with-compassion-a-mother-her-baby/

https://www.flowerpatchdelivery.com/blog/40-filipino-superstitions-funerals-and-wakes/

https://www.smartparenting.com.ph/parenting/baby/tl/filipino-pamahiins-myth-or-fact-a1663-20170924-lfrm


Jaemie Francine Talingdan