
Sa bilis ng takbo ng panahon, minsan hindi na natin ito namamalayan. Kahit anong gawin nating paghabol, tila napakaimposible nitong maabutan at masabayan.
“Para,” kapos sa hiningang sigaw ko pa sa dyip na hindi man lang huminto sa aking harapan. Hingal na hingal kong pinanood itong umandar paalis hanggang maglaho na ito sa aking paningin. Inayos ko ang suot-suot na hoodie na nagusot mula sa pagtakbo. Kailangan ko nang makauwi, napakarami pang gawain na naghihintay sa akin sa bahay ngunit kung hindi pa puno ang dyip, pauwi naman ang mga drayber at hindi na ako maisasakay pa.
Isang nakakapagod at nakakasawang siklo ang buhay. Paaralan. Bahay. Gising. Kain. Aral. Tulog. Ito ang pangkaraniwang araw ko, at sa bawat gawain na ito, hindi mawawala sa tabi ko ang aking telepono. Umaga, tanghali, at gabi. Araw at buwan. Paikot-ikot na lamang ako katulad ng isang gulong ng sasakyan.
“Katulad ng isang gulong ng… dyip!”
Lumiwanag ang aking mukha nang maaninag ang dilaw na ilaw sa ‘di-kalayuan. Agad-agad akong pumara at huminto ito sa aking tapat. Nagtaka ako kung bakit wala itong kalaman-laman, at hanggang sa pagsakay ko hindi man lang ako nilingon ng manong na nagmamaneho. Pagkaupo ko, agad na kumaripas ng takbo ang sasakyan; napasigaw pa ako sa gulat at napakapit sa metal na upuan.
“Para!” paghiyaw ko sa takot. Huminto ito nang walang pasabi. Sa pagmamadali, iniwan ko na lamang ang bayad sa sahig at agad-agad na bumaba ng dyip.
Ngunit, nasaan ako? Bakit parang napadpad ako sa kakaibang lugar? Saang banda ba ito ng Maynila? Hindi ko makilala ang mga gusali, hindi din lubusang nagsisiksikan ang mga pandak na sasakyan. Ang usok at dumi, hindi rin ganoon kakapal. Nasa Maynila pa ba ako, o napunta na ako sa ibang lungsod na hindi ko mabatid kung saan o ano?
Lito at hilo, napalingon ako sa pinanggalingan habang naririnig na mga tawanan mula sa mga bata sa lansangan. Dinala ako ng mga paa ko sa kanilang kinaroroonan at nagulat ako nang makita ang mga ito na may hawak-hawak na jackstone at nakaupo sa semento. May ngiti na sumilay sa aking mga labi habang pinapanood sila. Nakakapanibago masaksihan ang mga batang magkakasamang naglalaro; doon kasi sa amin, laging may dalang mga tablet ang mga pinsan ko na kasing edad lamang nila. Kung minsan, mas maalam pa sila sa teknolohiya.
Naglakad-lakad pa ako papunta sa karinderyang nasa kabilang daan para sana magtanong sa mga kumakain doon ng daang pauwi. Naabutan ko ang ilang mga tinedyer o bagets na hindi nalalayo sa aking edad, nakatambay at naguusap-usap.
“Yo Man! Saan ang gimik natin mamaya?” tanong ng isa sa kanila.
Sinimulan na nilang pagkuwentuhan ang mga iba’t ibang perya na ngayon ko lamang narinig, tulad ng Bigbang sa Alabang at Boom na Boom sa Pasay. Ang Enchanted Kingdom lamang ang nakilala ko.
Napakunot-noo ako nang makita ang ilang kalalakihan na tusok-tusok at may highlights pa ang buhok. Halos lahat sila may pares ng maong na suot-suot. Pantalon na may flare at choker naman sa mga babae. Uso pa pala ang mga ito? Agad akong nabigla nang makita na walang naglalabas ng cellphone ng isa. Napakalayo sa mga pagtitipon kasama ng aking mga kaibigan na sa screen lamang nakaharap, bihirang magsalita, at walang maririnig na usapan. Biglang naglabas ng gitara ang isang lalaki, nagsihiyawan ang mga magkakaibigan, at sabay-sabay silang kumanta at nag-jamming sa isang pamilyar na tugtugin. Noong nagsawa, naglabas ang isang babae ng casette player at pinatugtog ang ilang mga kanta na sa pagkakaalam ko ay luma na.
Akala ko patutugtugin nila ang mga kanta ng Ben&Ben, IV of Spades, o ThisBand na usong-uso ngayon, ngunit hindi pala. Imbes, inaaawit nila nang may damdamin ang mga kanta ng Eraserheads, Parokya ni Edgar, 6cyclemind. Kilala ko ang mga bandang ito dahil sa aking inang lumaki sa katanyagan ng ganitong uri ng musika.
Nilibot ng aking mga mata ang buong lugar, pinagmasdan ko nang mabuti ang mga tao, maging ang mga teleserye na pinapalabas sa makalumang telebisyon na nakapatong sa isang kahoy na lamesa.
“Aling Pining, palipat na nga ho sa ABS, Gimik na,” pakiusap ng isang kabataan sa nagmamay-ari ng karinderya.
“Nanonood pa si Totoy ng Batibot, mamaya na!” sagot ng ale. Muli siyang pinilit ng mga tinedyer sapagkat nais daw nilang maabutan sila Jolina Magdangal at Marvin Agustin, ang kanilang peyborit na love team. Agad akong nalito sapagkat hindi ba masyadong matanda na ang mga ito ngayon? Hindi ba’t KathNiel, JaDine, LizQuen na ang patok na patok sa Pilipinas?
Napahinto ako at napailing; hindi ko matanggap ang mga ideyang pumapasok sa aking isipan. Hinatid ako ng dyip sa ibang panahon? Napasapo ako sa noo at tumawa. Nahihibang na ba ako? Napakaimposible iyong mangyari. Dumapo ang aking paningin sa isang kalendaryong nakapaskil sa dingding ng karinderya. Nalaglag ang aking panga at nanlaki ang aking mga mata nang mabasa ang taon — 1996.
Hindi ko namalayan na tuluyan nang nawala ang araw at sumapit na ang gabi. Mabilis akong naglakad pabalik sa binabaan ko kanina upang hanapin ang dyip na aking sinakyan at nagdala sa akin dito. Napako ang aking mga paa nang muling makita ang dilaw na dyip na nakaparada. Nakasandal doon ang drayber, at kumakaway sa akin.
“Nagustuhan mo ba ang munting paglalakbay natin?” misteryosong tinanong niya.
Sinalubong ko ang kaniyang tingin at dire-diretsong isinaboses ang aking mga katanungan. Nagsusumamo ng mga kasagutan ang aking tinig. “Ano ito? Saan mo ako dinala?”
“Sa dekada nobenta,” nakangiting tugon niya.
Mga sanggunian:
Jooleeyuuh. (2013). Kabataang Pilipino ng 1990’s vs. Kabataang Pilipino ngayon. Retrieved October 21, 2020, from jooleeyuuh website: https://jooleeyuuh.wordpress.com/2013/03/30/kabataang-pilipino-ng-1990s-vs-kabataang-pilipino-ngayon/
Mentos. (2016, November 3). ’90s things every Pinoy millennial squad can relate to. Retrieved October 21, 2020, from ABS-CBN News website: https://news.abs-cbn.com/advertorial/life/11/03/16/90s-things-every-pinoy-millennial-squad-can-relate-t
Peña, D., & Peña, D. (2016, September 15). 5 Ways growing up in the 90s shaped a generation’s mindset. Retrieved October 21, 2020, from Rappler website: https://www.rappler.com/brandrap/tech-and-innovation/90s-kids-technology-then-now
Time To Feel Old: Here are Some 80s and 90s Slang Pinoy Millennials Don’t Use Anymore. (2019, July 19). Retrieved October 21, 2020, from M2Social website: https://www.m2social.net/blog/here-are-some-80s-and-90s-slang-pinoy-millennials-dont-use-anymore/
Danielle C. Roberto
