Nasaan ang Hustisya?

Graphic by Justin Delas Armas

By Mary Therese Catapang

Bago pa man umupo sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte, matagal nang umiiral ang palpak na sistema ng hustisya sa bansa. Para bang walang bago tuwing makaririnig ang taumbayan ng balitang pinawalang sala o pinababa ang sintensya sa kasong korupsiyon at ano pa mang karumaldumal na krimen ng mga taong nasa awtoridad o yaman. 

Muling nagpasigaw sa masa ang mangyaring pagpaslang sa Mag-inang Gregorio ilang linggo na ang nakalipas. Ani nilang buwagin na ang kulturang impunity o pagpapawalang-sala sa kapulisan at gobyerno dahil ito ang nagpapairal sa paglabag sa karapatang-pantao at pagbalewala sa kaparaanan ng batas. Isa lamang ang kaso ng mag-inang Gregorio sa libo-libong Pilipino, mapa-ordinaryong mamamayan o mga aktibistang nakaranas at patuloy na nakararanas ng panunupil sa kamay ng awtoridad. 

Dahil tinawag ni Interior Secretary Eduardo Ano ang kaso ng pagpaslang sa Mag-inang Gregorio bilang isang “isolated case,” o insidenteng walang kinalaman sa iba pang mga nagdaang insidente sa bansa, naglabas ang grupong Hacktibista ng listahan ng mga krimen ng kapulisan na pinahintulutan ng gobyerno. Kabilang dito ang ilang kontrobersyal na kaso na hindi dumaan sa paglilitis katulad ng mga pagpatay sa binatilyong sina Kian delos Santos at Fabel Pineda, pati na rin ang mga tagapagtanggol ng karapatang-pantao, sina Zara Alvarez at Randy Echanis. 

Subalit, ang kulturang impunity ay matagal nang nagpapatuloy bago pa man maluklok sa upuan si Duterte. Matatandaan ito noong panahon ng mga Marcos kung saan limpak-limpak na salapi ang kanilang dinala sa pag-alis nila sa Pilipinas noong taong 1986. Noong pumanaw si Ferndinand Marcos, madaling nakabalik ng Pilipinas ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang asawang si Imelda Marcos nang walang parusa. Dagdag pa rito, sa kabila ng protesta noong taong 2016 at mga kaso ng korte na hindi pa nalulutas para sa mga biktima ng batas militar, patagong pinayagan ni Duterte na ilipat ang prineserbang bangkay ni Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani na siya namang nagpagalit sa taumbayan nang mabunyag sa publiko.

Katulad nito, ang dating Pangulong Arroyo mayroong mahabang listahan ng mga iskandalo ay muling nahalal sa Kongreso noong 2019 habang naka-house-arrest. Ito ay sa kadahilanang binigyan siya ng presidential pardon ni Duterte ng ilang linggo bago mapawalang-sala sa kasong plunder sa Korte Suprema, na binubuo rin ng karamihan sa kanyang mga hinirang.

Isa pa sa mga politikong nakinabang sa kulturang impunity ay si Congressman Romeo Jalosjos na may kasong panggagahasa. Nangyari ito sa ilalim ng Administrasyong Arroyo kung saan bignigyan siya ng pardon matapos ang sampung taong pagkakakulong, higit na mas maikli sa orihinal na hatol na dalawang panghabangbuhay na sintensya. Samantala, malayang nakatakas naman sa batas sina Juan Ponce Enrile at Imelda Marcos dahil sa matandang edad at nagpiyansa lamang sila. 

Ang mga kasong ito ay ilan lamang sa mga nagpapatunay na tila ang hustisya ay para na lamang sa mga mayayaman at makapangyarihan, samantalang ang mga ordinaryong mamamayan na patuloy na nagpupursigi sa buhay at ipinaglalaban ang karapatan ang siyang ginigipit ng mga mismong may sala sa batas. 

Sa limang taong pamumuno ni Duterte, nabaon ang Pilipinas sa mga pangako na hindi man lang nasikatan ng araw at pawang napalitan ng karimarimarim na gabi, puno ng patayan at kawalang-katarungan. Tila walang pa ring nababago sa sistema ng hustisya kumpara sa pamamahala ng mga nagdaang presidente. Isang taon pa bago matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon at pawang isang lunok ng tinik pa ito para sa mamamayan subalit nakalulungkot na walang kasiguraduhan kung mayroon pang naghihintay na magandang kinabukasan para sa bansa sa mga susunod na taon. 

Hanggang kailan magpapatuloy ang kulturang  ito? Sa ngayon, isa lamang ang sigurado, hindi makakalimot ang taumbayan. 

Sources:
https://time.com/4453587/philippines-rodrigo-duterte-dictator-impunity-marcos/
https://www.rappler.com/nation/filipinos-dig-up-stories-proving-tarlac-shooting-not-isolated-case
https://hacktibista.ph/abuses/
https://www.rappler.com/newsbreak/iq/timeline-things-to-know-cop-shooting-mother-son-paniqui-tarlac
https://hacktibista.ph/abuses/