
By Mary Therese Catapang
Halos isang buwan na rin ang nakalipas nang maganap ang Tumandok Massacre kung saan pinaslang ang siyam na katutubo sa probinsya ng Capiz, samantalang 17 naman ang inaresto noong ika-30 ng Disyembre ng nakaraang taon. Matatandaan na kakaunti ang pumansin sa isyung ito dahil nakatuon halos lahat ang atensyon sa kontrobersiyal na kaso ni Dacera. Ngayon, tila nakalimutan nang malagim na sinapit ng mga Tumandok kahit hindi pa rin nila nakakamit ang hustisya.
Walang bago sa pandinig ng karamihan ang dumadaming kasong pang-aangkin ng awtoridad sa mga lupaing indigenuous o katutubo. Subalit magpahanggang ngayon marami pa ring mga katutubong ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng kanilang dominyon at lupa. Tulad ng mga Tumandok, ang kanilang mga katutubong lider ay matapang na tumututol sa konstruksyon ng Jalaur Dam dahil ito ay lubos na makaapekto sa kondisyon ng kanilang komunidad. Bagamat masisigurado ng dam na ito ang suplay ng tubig para sa 32,000 hektaryang lupang sakahan at pagpapataas ng taunang produksyon ng palay, magdudulot ito ng pagkalubog ng mga bahay at lupang taniman ng 17,000 kataong Tumandok mula sa 16 na katutubong komunidad.
Nakalulungkot isipin na kahit anong pagtatanggol o saklolong gawin ng mga katutubong lider sa kanilang karapatan, walang hirap na inoopensahan ito ng awtoridad.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), sila ay rumesponde lamang sa impormasyong mula sa mga sibilyan tungkol sa mga taong, di umanong, nag-iimbak ng mga ilegal na armas kaya naman agad kinasuhan ng awtoridad ang mga Tumandok at naglabas ng warrant of arrest. Dito madalas naaakusahan ang mga kapulisan ng pagtatanim ng armas para lamang mapatunayang may krimeng nagaganap, upang bigyang katwiran ang katiwaliang ginagawa nila. Ang mga ganitong modus operandi ay pinahintulutan ng Synchronized Enhanced Management of Police (SEMPO) na pinamumunuan ni PNP Chief Debold Sinas.
Samantala, upang dipensahan ang marahas na pagpatay ng kapulisan, isinama sa ulat ng PNP na nanlaban umano ang mga Tumandok na mariing intinanggi naman ng Panay Alliance Karapatan.
Sinabi nila, “Ang mga napatay ay kinikilala na mga pinuno ng pamayanan ng mga katutubong sa kani-kanilang komunidad. Mga sibilyan sila at hindi armadong mandirigma… patuloy nilang tinututulan ang militarisasyon at mga paglabag sa karapatang-tao sa kanilang mga pamayanan habang itinataguyod nila ang kanilang mga karapatan bilang mga Indigenous Peoples.”
[“Those killed were recognized Indigenous community leaders in their respective [communities]. They were civilians and not armed combatants…they have consistently opposed militarization and human rights violations in their communities as they upheld their rights as Indigenous people.”]
Original Statement
Dapat alalahaning hindi ito ang unang pagkakataong nakaranas ng opresyon ang mga Indigenous Peoples (IP) o katutubo sa bansa. Ang sinapit ng mga Lumads sa kamay ng mga militar ay hindi nagbigyang hustisya llalo na nang ipasara ang kanilang 55 na paaralan noong taong 2019, at pati na rin ang mga tribong Dumagat sa Luzon na pinagkaitan ng karapatan sa kanilang lupa dahil sa pagpupumilit ng administrasyon na itayo ang Kaliwa Dam.
Ang nararanasang opresyon ng mga IPs ay konektado sa malawakang kampanya kontra-insurhensiya na nasa ilalim ng Executive Order No. 70 o National Task Force To End Local Communist Armed Conflict. Madalas silang idinadawit na may koneksyon sa mga New People’s Army o Communist Party of the Philippines, na ayon sa gobyerno ay banta raw sa seguridad ng estado. Subalit ginagawang lamang itong modus operandi para mapaalis ang mga katutubo sa kanilang mga ninunong lupa upang maituloy ang mga proyektong pang-ekonomiya. Dagdag pa rito, konektado rin ang Anti-Terror Law na nagpadali sa pag-aresto sa kahit sino nang walang sapat na ebidensiya.
Ilang dekada na rin nagpapatuloy ang opresyong nararanasan ng mga IPs, at kahit nagkaroon na ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na kumikilala sa kanilang karapatan, tila ba ang batas na ito ay walang kapangyarihang ipaglaban ang kapakanan ng mga IPs hangga’t may mga awtoridad na taksil sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Higit sa lahat, ang mga IPs ay mga Pilipinong nararapat matamasa ang kanilang karapatan at pangunahing pangangailangan tulad ng kahit sinong ordinaryong mamamayan. Ngunit, hanggang kailan ba ipagkakait ng awtoridad ang lupang bumubuhay sa kanila, ang tanging santuwaryo ng kanilang mga kinagisnan, kailan ba matatapos ang kanilang paghihirap?
Sources:
https://www.rappler.com/nation/tumandok-killed-nabbed-police-panay-island
https://thediplomat.com/2021/01/9-indigenous-leaders-killed-by-philippine-police-in-massacre/
https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-no-one-talking-about-tumandok-massacre
https://www.officialgazette.gov.ph/2018/12/04/executive-order-no-70-s-2018/
