Ano Ang Lunas Sa Nagdudugong Demokrasya?

Cartoon by Justin Delas Armas

Lathalain ni Danielle Roberto

Sa gitna ng dagok at dilim na dala ng pandemya, walang habas ang pagpapatahimik sa mapagmasid na midya. Sa panahon kung kailan ang katotohanan ay kasinghalaga ng ayuda sa masa, pinapaslang at pinoposasan ang mga mamamahayag na nais lamang maglingkod sa bayan. Sa halip na bakuna ang iturok sa sambayanang Pilipino, mga kasinungalingan at pangakong pampabango ang tugon ng gobyerno, habang kutsilyong patalim naman ang nakatutok sa leeg ng kanilang mga kritiko. Kasabay ng pagkakakulong natin sa ating mga bahay dulot ng kay haba-habang kuwarentenas, balakyot na ipinupulupot ang mga kadenang naglalayong supilin ang ating karapatan at kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag. Hindi nagdalawang-isip ang mga ganid sa kapangyarihan na pagsamantalahan ang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino, gipitin ang mga mapanuring mamamahayag, at patuloy na abusuhin ang krisis na kinahaharap ng bansa. 

Ngayong Mayo, ginugunita ang isang taong marka mula nang lupigin ang taos-pusong paglilingkod ng katotohanan sa masa. Isang taon na mula nang busalan at ipasara ng Kongreso ang ABS-CBN Network na inaasahan ng milyun-milyong Pilipino bilang daluyan ng balita at libangan sa radyo man o telebisyon. Kalakip nito, higit labing-isang libong empleyado ang nawalan ng trabaho dulot ng pagpapasara ng istasyon sa kalagitnaan ng pandemya at lumalalang ekonomiya ng bansa. Sa pagkakaupo pa lamang ng pangulo ng Pilipinas noong 2016, sinimulan na ang walang habas na pagbabanta sa mga istasyon at pahayagang kritikal sa kasalukuyang administrasyon. Sa ilalim ng kaniyang limang taong paghahari, ilang ulit nang sinubukang tuyuin ang tinta ng mga manunulat, putulin ang kanilang pluma, at tuluyang lukubin sa kadiliman ang masang Pilipino. Isang taon na ngunit sariwang-sariwa pa rin ang malaking sugat na iniwan ng pagpapapinid sa ABS-CBN na naging bahagi na ng kultura ng bansa sa loob ng ilang dekada.

Bukod pa rito, noon ding Mayo 2020, ilang araw matapos ang pagdiriwang ng World Press Freedom Day, hustisya ang hiniyaw ng ilan para sa walang-awang pagpaslang kay Rex Cornelio Pepino, isang mamamahayag mula Dumaguete. Kilala si Rex bilang isang brodkaster sa radyo na matapang na binabatikos at pinupuna ang korapsyon at pangunguwalta sa pamahalaan. Sa gitna ng madilim na gabi, limang bala ang nagliparan galing sa hindi nakilalang riding in tandem na siyang kumitil ng buhay ni Rex. Si Rex ang panlabing-anim na mamamahayag na pinatay magmula nang maupo si Duterte at nahulma ang kaniyang administrasyon. Sa kanilang pagseserbisyo sa bayan, kinahaharap din nila ang walang humpay na pagbabanta at pananakot. Hindi ligtas ang mga mamamahayag sa isang bansang estado mismo ang kanilang kalaban kung saan bawat oras ay nasa bingit ng peligro ang kanilang mga buhay. Ang patuloy na pagpapapatay sa mga daluyan ng katotohanan ang pipigti ng buhay ng ating inaaping demokrasya. 

Lalo pang umigting ang banta sa malayang pamamahayag nang hulihin at samapahan ng kasong libel si Maria Ressa, punong-patnugot ng Rappler, sa kasunod na buwan, Hunyo 2020. Hindi lamang banta sa buhay ang kinahaharap ng mga mamamahayag, maging ang daluhong na dala ng mga ligal na aksyong naglalayong sila ay patahimikin at limitahan. Ang kasong libel na isinampa kay Ressa ay nakaugat sa isang lathalain na inilabas siyam na taon na ang nakalilipas. Noong panahong iyon, iniimbestigahan niya ang pakikisangkot ng negosyanteng si Wilfredo Kang sa pakikipagkalakan ng mga ipinagbabawal na droga. Ang hindi makatao at makatarungang panghuhuling ito ay isang malaking atake sa ating karapatan bilang mga Pilipino na malayang makatanggap, maghatid, at magsulat ng katotohanan. Hindi kriminal ang isang mamamahayag dahil isinasakatupuran niya lamang ang kaniyang tungkulin. Hindi posas ang nararapat na ibigay sa kaniya, kundi proteksyon upang mapagpatuloy ang walang pagod na paghahatid ng impormasyon sa bayan. Sa pagkakakulong ng malayang pamamahayag, mapipiit ang mga Pilipino sa mapagmanipulang kamay ng mga sakim at makapangyarihan.

Ang represyon sa midya ay opresyon sa sambayanang Pilipino sapagkat ang kritikal na pagbabalita ang sandigan ng isang malaya at maalam na lipunan. Bilang mga Pilipino, sama-sama nating ipagtanggol ang ating kalayaan sa pamamagitan ng pakikibaka laban sa pang-aabuso at paniniil sa midya. Huwag magpatinag, huwag matakot, at huwag manahimik dahil tapang at paninindigan ang kinakailangan upang singilin ang mga kasalanan ng mga mapaniil. Ang bawat sugat na natamo ng bansa mula sa kanilang harap-harapang pang-aapi at panlilinlang ang magpapasiklab ng pag-alpas mula sa kadenang ikinawit ng rehimeng takot sa kritisismo. Sama-sama tayong tumindig para sa malaya at mapagpalayang pamamahayag na siyang pangunang lunas sa sugatang demokrasya. 

Sources: 

BBC News. (2019, March 29). Maria Ressa: Philippine journalist is arrested again. Retrieved March 22, 2021, from BBC News website: https://www.bbc.com/news/world-asia-47742641

‌BBC News. (2020, May 5). ABS-CBN: Philippines’ biggest broadcaster forced off air. Retrieved March 22, 2021, from BBC News website: https://www.bbc.com/news/world-asia-52548703

‌Macasero, R. (2020, May 5). Dumaguete City radio reporter shot dead. Retrieved March 21, 2021, from Rappler website: https://www.rappler.com/nation/dumaguete-city-radio-reporter-shot-dead-may-2020

‌Irma Faith Pal. (2020, May). Radioman shot dead in Dumaguete City. Retrieved March 21, 2021, from INQUIRER.net website: https://newsinfo.inquirer.net/1270570/radioman-shot-dead-in-dumaguete-city

‌Neil Arwin Mercado. (2020, July). Under attack? The state of press freedom under Duterte’s reign. Retrieved March 21, 2021, from INQUIRER.net website: https://newsinfo.inquirer.net/1311918/under-attack-the-state-of-press-freedom-under-dutertes-reign

‌EDITORIAL BOARD. (2020, June 21). Free press is under attack in the Philippines. Retrieved March 21, 2021, from Star Tribune website: https://www.startribune.com/free-press-is-under-attack-in-the-philippines/571377962/?refresh=true

‌Christianne France Collantes. (2021, March 11). Press Freedom in the Philippines: Death by a Thousand Cuts. Retrieved March 21, 2021, from Fair Observer website: https://www.fairobserver.com/region/asia_pacific/christianne-france-collantes-maria-ressa-rappler-libel-case-rodrigo-duterte-administration-press-freedom-philippines-news-12191/

‌Amnesty International. (2020, February 14). Retrieved March 21, 2021, from Amnesty.org website: https://www.amnesty.org/en/documents/asa35/1818/2020/en/