Teatro Baguntao, muling nagpakitang gilas sa kanilang P***!

By Regina Elaine Vendivil

Ipinapakita ng mga miyembro ng Teatro Baguntao ang mga temang itatalakay sa kanilang orihinal na dulang P***! matapos ang kanilang pagtatanghal noong ika-22 ng Mayo.

Muling nagtanghal ang Teatro Baguntao (TBT) ng Ateneo Senior High School (ASHS) sa kanilang ika-6 na tagdulang pinamagatang P***! na ginanap sa Zoom noong ika-21 at 22 ng Mayo, 2021. 

Ang P***! ay isang orihinal na likha ng mga miyembro ng TBT na nabuo mula sa pagbabahagi ng kanilang mga boses, damdamin, at saloobing nag-ugat sa kanilang mga personal na karanasan. 

Tampok sa dulang ito ang iba’t ibang paksang napapanahon tulad ng pagmamanipulang nagaganap sa hukuman at ang cancel culture.

Ipinamalas ang mga ito sa ilang mga eksena gaya ng kawalan ng hustisya sa maling akusadong si Brownie, isang asong kinasuhan ng kaniyang amo ng “Malicious mischief”, dulot ng pandarayang ginawa nina Atty. Sar Dhinas (tagausig) at Ginoong Em (tagasalin), sa paraan ng maling pagsasalin ng mga pahayag ni Brownie. 

Isa pang hindi malilimutang eksena ay noong bumoto ang mga manonood kung guilty o not guilty si Brownie, pinakita na minanipula ng hukuman ang mga boto, at pinalitan ang lahat ng ito ng ‘guilty’ kaya’t natalo ang aso sa kaso. 

Sebastian Menzon, Jennelle Guinanao, at Wally Rivas bilang Ginoong Em, Attorney Sar Dhinas, at Brownie sa “Ang Paglilitis ni Brownie.”

Ang epekto naman ng cancel culture ay ipinakita sa bahagi ng dula kung saan ang tanyag na si Aggie ay nakatanggap ng samu’t saring pambabatikos pagkatapos niyang ibahagi ang kaniyang personal na opinyong “guilty” si Brownie. 

Nagtapos ang kaniyang istorya noong kinain niya ang pagkaing may lasong ipinadala ng kaniyang kaibigang si Ashe dulot ng pagkamuhi nito sa sikat niyang kaibigan. 

Atasha Reposo at Agatha Meneses gumaganap bilang Ashé at Aggie sa “Aggie’s World”.

Nagkaroon din ng palatastas na pinamagatang “Jumbo Hotdog” na tumalakay sa isyu ng sexual consent sa pagitan ng magkasintahan.

Isang kapanapanabik na bahagi nito ay ang hindi pagkakasundo nina Kirsten at Reggie dahil sa kagustuhan ni Kirsten ng “jumbo hotdog,” at sa puntong ito, binigyan ng pagkakataon ang mga manonood na magpasiya at pumili kung ano ang dapat gawin ni Reggie. 

Kayla Manlapaz at Aireez Ramos gumaganap bilang Kirsten at Reggie sa “Jumbo Hotdog”.

Sa isang panayam kasama ang moderator ng Teatro Baguntao at ang pangkalahatang direktor ng P***! na si Cholo Ledesma, ibinahagi niya ang mensaheng nais nilang ipabatid sa mga manonood ng tagdulang ito. 

“Nakikita naman natin ang iba’t ibang isyu sa paligid natin, tulad ng opresyon, pang-aabuso, at manipulasyon. Sinubukan din naming italakay sa dula kung paano ito lumalabas sa mas personal na pakikipag-ugnayan at hindi lamang sa mas malawak na lipunan,” sabi ni Ledesma. 

Binigyang diin din niya ang halaga ng boses at personal na kwento ng bawat isa ukol sa mga paksang nabanggit dahil aniya, “ito ang unang hakbang para sa mabuting pagbabago.”

Dagdag pa niya, mahalaga ang responsableng paggamit ng mga plataporma sa pamamagitan ng pagbabahagi ng wastong impormasyon ukol sa mga kasalukuyang isyu sa ating paligid, kasama na rin ang pagsuporta sa mga tagapagtaguyod ng kabutihan at hustisya. 

Binigay ng tagapayo ng Teatro Baguntao na si Ginoong Cholo Ledesma ang kaniyang paunang salita bago nagsimula ang pagtatanghal.

Sa kabila ng tagumpay ng tagdula, hindi tinanggi ni Ledesma na maraming pagsubok na kinaharap ang organisasyon, tulad ng pagkawala ng “live element” ng teatro dulot ng online setting. 

“Ang naging solusyon para sa amin ay ang pag-eeksperimento… Dito pumapasok ang halaga ng adaptasyon upang sulitin (at subukang buwagin) ang ating kasalukuyang mga limitasyon,” sabi niya. 

Ayon din sa kaniya, hindi rito nagtatapos ang pagtatanghal ng mga Pilipinong dulaan tulad ng Teatro Baguntao. 

“Hangga’t mayroong ikukuwento, magpapatuloy ang Teatro Baguntao,” ani Ledesma.