Outdoor exercise ipinagbabawal sa Metro Manila nang dalawang linggo

Isinulat ni Ana Rufa Padua

Ipinagbabawal na sa Metro Manila ang paglabas ng bahay upang mag-ehersisyo matapos ipasa ng Metro Manila Council ang resolusyon ukol dito Lunes ng tanghali, ika-9 ng Agosto.

Ayon sa isang panayam kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, tagapangulo ng Metro Manila Council, ipinatupad ang resolusyong ito upang mapigilan ang tuluyang pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila dahil sa Delta variant

“Nakapirma lahat ng mayors doon na during dito sa ating ECQ hanggang Aug. 20 pinagbabawal natin ‘yung exercise, kahit walking, paglabas ng bahay,” sabi ni Olivarez.

Noong mga nakaraang Enhanced Community Quarantine (ECQ), pinayagan pa ng mga awtoridad ang pag-eehersisyo sa loob ng village o subdivision, ngayon naman ay ipapatupad  ang “hard lockdown,” kung saan ipinagbabawal ang pag-eehersisyo sa labas ng bahay kahit sa loob pa ito ng subdivision. 

“Kung hindi po essential ang paglabas niyo talaga, hindi po talaga papayagan lumabas ng bahay, ‘yan po ang ating guidelines ngayon,” dagdag ni Olivarez.

Ang Metro Manila ay sumailalim sa ECQ magmula noong ika-6 ng Agosto at magpapatuloy hanggang ika-20 ng Agosto kung kaya’t ang mga mahahalagang establisyemento at industriya lamang ang maaaring magsagawa ng operasyon. 

Mula ika-8 ng Agosto, 450 na kaso na ng Delta variant ang naitala sa Pilipinas at 146 ng mga kasong it ay nagmula sa Metro Manila. 

Itinalaga na rin ang National Capital Region o NCR bilang “high-risk” sa COVID-19 transmission.

Nakasailalim din ang buong NCR sa united curfew kasabay ng ECQ mula 8pm hanggang 4am.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa COVID-19, maaaring bumisita sa https://doh.gov.ph/2019-nCoV.

SANGGUNIAN:

ABS-CBN News. (2021, August 10). Outdoor exercise banned in Metro Manila during ECQ. news.abs-cbn.com/news/08/10/21/outdoor-exercise-banned-in-metro-manila-during-ecq

Aguilar, K. (2021, August 10). Metro Manila residents barred from going out to exercise during ECQ. INQUIRER.Net. newsinfo.inquirer.net/1471381/going-out-for-exercise-barred-in-metro-manila

Photo Source: Bloomberg