Duterte, tinanggap ang endorsement ng PDP-Laban sa pagtakbo bilang Bise Presidente

Ni Ana Rufa Padua

Naglabas ng press release ang Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan ukol sa endorsement nila kay Pangulong Rodrigo Duterte para tumakbo sa Pambansang Eleksyon 2022, Agosto 24, Martes ng hapon.

“Pumayag si Pangulong Duterte na magsakripisyo, pakinggan ang sigaw ng mga tao, at tanggapin ang endorsement ng PDP-Laban na tumakbo bilang bise presidente sa paparating na 2022 Eleksyon,” sabi sa press release ng PDP-Laban.

Pinirmahan ito ng Executive Vice-President ng PDP-Laban at Cabinet Secretary na si Karlo Nograles.

Upang maipagpatuloy ang mga programang isinagawa ng administrasyong Duterte sa nakaraang limang taon, inihalal ng PDP-Laban si Duterte. 

Nais din ng PDP-Laban ang kasiguraduhan sa “pagsustento sa COVID-19 Vaccination Program” ngayong nasa critical stage ng pandemya ang bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang Laging Handa briefing, kukumpirmahin pa ito ni Duterte sa kanyang patalastas mamayang gabi matapos ang pagpupulong nila ng presidente ng PDP-Laban na si Alfonso Cusi noong Agosto 23, Lunes ng gabi.

Inihalal din ng PDP-Laban ang pinakamalapit na katulong ni Duterte na si Senator Bong Go ngunit wala pang anunsyo tungkol sa desisyon nito.

Limang kandidato naman para sa Senado ang pinangalanan ng PDP-Laban: House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan II, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Transportation Secretary Arthur Tugade, and Public Works Secretary Mark Villar

Pag-uusapan pa itong muli ng partido sa kanilang national convention na gaganapin sa ika-8 ng Setyembre, 2021.

Maaaring basahin ang buong ulat dito.

SANGGUNIAN:

Photo Source: CNN Philippines