Ni Regina Elaine Vendivil
Ipinagdiriwang ng Dulaang Sibol 2021-2020, kasama ng ilang mga alumni, ang ika-45 anibersaryo ng inagurasyon ng Tanghalang Onofre Pagsanghan sa kanilang benefit play na pinamagatang “Sa Lugar Naming Ito” na maaaring panoorin sa ika-28 at 29 ng Agosto, 2021.
Ang “Sa Lugar Naming Ito” ay nagsisilbing pagpaparangal ng organisasyon sa Tanghalang Onofre Pagsanghan, ang kanilang bulwagan at itinuturing na pangalawang tahanan.
Tampok sa dula na ito ang mga orihinal na likha ng Sibol, kasama ang mga klasikong kanta, dramatikong pagbabasa ng mga sipi, at ang online na pagtatanghal.
Sa isang panayam kasama ang tagapayo ng AJHS Dulaang Sibol na si Austin Gonzales, ibinahagi niya ang inspirasyon sa likod ng kanilang dula.
“We wanted to reminisce in the beauty of the times when the Dulaang Sibol theater became a refuge for our restless weeks, enjoying an hour or two of performances as we welcome a well-deserved weekend,” ani Ginoong Gonzales.
Mula ika-17 ng Agosto, naglabas ang Dulaang Sibol ng mga materyal na may katagang, “Hindi lang dula ang Sibol” sa kanilang Facebook page, kaya’t ipinaliwanag ni Ginoong Gonzales ang kahulugan nito.
“We may be a theater organization through our dramatic craft, but at the heart of Dulaang Sibol is a faith-driven and Christ-centered vocation that we instill in our members,” paglalahad niya.
Nagsisilbi rin itong paalala at pagsasanay sa mga miyembro ng organisasyon sa halaga ng iba’t-ibang responsibilidad at ng mga pangkaraniwang gawain tulad ng nakikita sa kanilang mga materyal: pagpulot ng mga kalat, pagwawalis sa mga pasilyo, karpinterya, mapanalanging pagmuni-muni, at ang paglilinis ng banyo.
Sa kabila ng mahusay na pagtatanghal, hindi naitanggi ng kanilang tagapayo na mayroon silang mga napagdaanang problema at pagsubok, lalo na’t tayong lahat ay nasa online setting— kasama ang pabagu-bagong lagay ng internet connection, kakulangan ng mga kailangang aparato, kakulangan ng sapat na oras para sa pag-eensayo nang hindi nakaaabala sa ibang responsibilidad ng mga miyembro.
“At a time when social distance and isolation are enforced, we made sure that theater-making, though online, was a connected and collaborative process for everyone,” ani Ginoong Gonzales.
Sinabi rin ni Ginoong Gonzales na marami pang maaasahan na dula at pagtatanghal mula sa Dulaang Sibol.
“We’re looking forward to holding Alay Kay Maria in October, Come to the Manger, our Christmas production, and many more experiments with this online medium,” saad niya.
Maaari pang makabili ng tickets para sa “Sa Lugar Naming Ito” sa Show A at Show B na itatanghal sa ika-28 ng Agosto mula ika-6 ng gabi hanggang 12 ng hatinggabi at sa ika-29 ng Agosto mula ika-12 ng tanghali hanggang 6 ng gabi.
Photo Source: Dulaang Sibol
