Isinulat ni Regina Elaine Vendivil
Sinimulan na ng Ateneo de Manila Senior High School (ASHS) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang Banhaw: Pagdiriwang ng Wika at Kulturang Filipino 2021 kahapon, ika-17 ng Setyembre 2021 sa pamamagitan ng Youtube livestream.
Ang Banhaw, nangangahulugang “muling pagkabuhay” sa wikang Bisaya, ay sumisimbulo sa pagbibigay kapangyarihan at pagsasabuhay muli ng mga kabataan sa iba’t-ibang wika at kultura ng Pilipinas.
Pinangunahan ng mga guro mula sa departamentong Filipino ang pagpapakilala sa mga opisyal na patimpalak at gimik na inihahandog ng Banhaw.
Bilang panimula, pinamunuan ni Fr. Bong Dahunan, SJ ang isang panalangin na sinundan naman ng pag-awit ng Lupang Hinirang at ng mensahe mula kay Fr. Jonjee Sumpaico, ang bise presidente para sa basic education ng ADMU.
“Mas mahalaga kapag gumawa tayo ng mabuti sa kasalukuyan upang ang ating mga alaala ang ating sariwain sa mga darating na panahon,” ani Fr. Sumpaico.
Itinanghal din ang mga nagwaging music video noong nakaraang taon ng 11-Wright, Pinakamahusay na Biswal sa timpalak Harana, at ng 12-Holland, Pinakamahusay na Biswal, Liriko, at Musika para sa timpalak Origs.
Ipinakilala rin ang mga gimik na maaasahan mula sa Banhaw sa pangunguna ni Ginang Riki Mendoza Bilog, kasama rito ang Musikatutubo, KatuTABO: Online Tiyangge, at Hula-Hulahoop.
Sinundan ito ni Binibining Aileen Dacut na ipinakilala ang mga patimpalak para sa buwan ng Setyembre at Oktubre, kasama ang Tudlaan, Hataw Pinoy, Harana ng baitang 11, at Bihis Pinoy at Origs ng baitang 12.
Ang mga magwawagi rito ay itatanghal sa Pinoytuntunan, ang pagtatapos at kulminasyon ng Buwan ng Wika, na gaganapin sa ika-29 ng Oktubre.
Inanunsyo rin dito ang mga nakatalagang lugar, lalawigan, o bayan sa bawat pangkat para sa Harana, Origs, at Bihis Pinoy.


Naghatid din ng mensahe si Ginoong Luis Allan Melosantos, ang Assistant Principal for Academics ng ASHS.
“Gawin nating makasaysayan ang ating Buwan ng Wika sa taong ito,” ani Ginoong Melosantos.
Tinapos ang paglulunsad sa pamamagitan ng isang bidyo mula sa ASHS Film Org kung saan ipinakita ang ilang masasayang alaala noong panahon ng face-to-face classes sa loob ng ASHS.
Ang iskedyul ng Banhaw ay ang sumusunod:
- Setyembre 15 – Overview Intro Patimpalak
- Setyembre 17 – Paglulunsad Livestream
- Setyembre 20 at 22 – Hula-Hulahoop
- Setyembre 24 – KatuTABO
- Setyembre 27 – Hula-Hulahoop
- Oktubre 1 – KatuTABO
- Oktubre 9 – Pasahan ng Bihis Pinoy
- Oktubre 11 – Bihis Pinoy Posting at Hula-Hulahoop
- Oktubre 12 – Bihis Pinoy Posting
- Oktubre 13 – Bihis Pinoy Posting at Hula-Hulahoop
- Oktubre 14 – Bihis Pinoy Posting
- Oktubre 15 – Pasahan ng Tudlaan, KatuTABO
- Oktubre 16 – Pasahan ng Origs at Harana
- Oktubre 18 – Hula-Hulahoop
- Oktubre 19- Harana Posting
- Oktubre 20 – Hula-Hulahoop
- Oktubre 21 – Origs Posting
- Oktubre 22 – Pasahan ng Hataw Pinoy, KatuTABO
- Oktubre 25 – Hataw Pinoy Posting, Hula-Hulahoop
- Oktubre 27 – KatuTABO
- Oktubre 29 – Pinoytuntunan
Maaari pa ring mapanood ang kabuuan ng paglulunsad sa opisyal na Youtube channel ng ASHS Sanggunian.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, bisitahin ang Facebook page ng ASHS Sanggunian.
