ASHS, nagdaos ng misa bilang paggunita sa Buwan ng Santo Rosaryo at Duffey-Delaney Day

By Ana Rufa Padua

Dumalo ang komunidad ng Ateneo de Manila Senior High School sa misa, umaga ng Oktubre 8, 2021, upang gunitain ang buwan ng Santo Rosaryo at ang Duffy-Delaney Day (D3).

Pinangunahan ni Fr. Albert Alejo, SJ ang misa at inisponsor naman ito ng pangkat ng Bobola, Anchieta, Aquaviva, at Walpole mula sa ika-12 na baitang.

Nang magsimula ang misa, inanyayahan ni Fr. Alejo ang lahat na lumapit kay Maria sa ngayong panahon na puno ng pagsubok at kaguluhan habang talamak ang kasakitan at kamatayan dulot ng pandemya.

“Lumapit tayo kay Maria sapagkat siya rin ay dumanas niyan, nasaksihan niya si Hesus na isinilang, lumaki, at mamatay ngunit muling nabuhay,” sabi ni Fr. Alejo. 

Dagdag pa ni Fr. Alejo, malugod tayong inaanyayahan na lumapit  kay Maria sa pamamagitan ng pagdarasal ng Rosaryo upang bigyang halaga ang buhay at upang humingi ng tulong.

Samantala, ipinahayag din ni Fr. Alejo ang kanyang pasasalamat sa mga guro.

“On behalf of all your students, past, present, and future, dear teachers I really must thank you in the same way I wish I could thank the teachers in my life—pati yung mga makukulit,” ani Fr. Alejo.

Binigyang-diin sa misa ang halaga ng pagninilay gayundin kung paano ito ginamit ni Maria upang mabuo ang limang misteryo ng Santo Rosaryo.

“Mary was not just learned in terms of reading, writing, and arithmetic, she was good in reflection. She pondered these mysteries in our hearts,” sabi ni Fr. Alejo.

(Hindi lang marunong si Maria sa pagbasa, pagsulat, at aritmetika, magaling din siya sa pagninilay. Pinag-isipan niya ang mga misteryo na nasa puso natin.)

Ipinalangin ni Fr. Alejo sa birheng Maria na bigyan tayo ng mga pinuno sa bansa na kayang pagnilayan ang sarili nilang kahinaan at ang sarili nilang tungkulin sa buhay.

Panandaliang katahimikan naman ang inilaan upang igalang ang mga guro at si Maria, ang guro na nagbigay daan sa atin upang mas maintindihan at mahalin ang Diyos.

Binasbasan sa misa ang lahat ng tagahubog sa ASHS pati na rin ang mga rosaryo bilang paggunita sa limang misteryo nito.

Matapos ang misa, binuksan ng mga mag-aaral ang kanilang camera at ipinakita ang mga banner na may nakasulat na, “Happy D3 Teachers!” bilang sorpresa sa mga formators, faculty, administration, at staff ng ASHS.

Sa kabilang dako naman, opisyal na pinasinayaan ang lahat ng student leaders ng paaralan sa parehas na misa na pinangunahan ni Jian Delos Santos, kasalukuyang pangulo ng ASHS Sanggunian.

Maaaring panooring ang replay ng misa sa Youtube channel ng Ateneo de Manila University:

Photo Source: Harlyn Domingo

Leave a comment