Isinulat ni Ana Rufa Padua
Nagtipon ang komunidad ng Ateneo kasama ang pamilya at mga kaibigan ni Sir Erwin “Bok” Pioquid sa isang misa hapon ng Oktubre 12, 2021 upang alalahanin ang guro matapos ang pagpanaw nito noong ika-7 ng Oktubre, 2021.
Sa huling taon niya sa Ateneo Senior High School (ASHS), nagturo si Ser Bok ng asignaturang Christian Service and Involvement Program (CSIP) at nagsilbing moderator ng 12-Kibe.
Ikinuwento ni Padre Bong Dahunan, siyang namuno sa misa, ang kanyang mga alaala kay Ser Bok, lalo na sa pareho nilang hilig sa pagmamaneho patungong iba’t ibang lugar.
“Naniniwala siya [Ser Bok] na ang kanyang byahe sa mundo ay hahantong sa walang hanggan, patungo sa kapayapaan,” saad ni Padre Bong.
Idinagdag pa ni Padre Bong na hindi sayang ang buhay ni Ser Bok dahil nakapalingkod siya sa maraming tao nang may pagmamahal.
“Hanggang sa muling pagkikita, Ser Bok. Nauuna ka nanaman ngunit alam naming hindi mo kami iiwan,” huling wika ni Padre Bong sa kanyang kwento.
Sunod na nagsalita ay si Brother RJ Abonal na nagkwento tungkol sa pagpapakumbaba ng gurong pumanaw.
Ikinuwento ni Brother Abonal na bagaman mas may alam si Ser Bok sa kanya pagdating sa pagtuturo, mapagkumbaba pa rin ito dahil umaasa pa rin si Ser Bok sa kanya at inaamin nito tuwing may hindi siya nauunawaan.
Inilahad naman ni Ashley Pioquid, anak ng guro, ang mga pangako nila ng kanyang tatay sa isa’t isa na hindi na matutupad tulad ng pagtuturo sa kanya ng gitara at pagpunta sa Coron para sa kanyang ika-18 na kaarawan.
Nagsalita rin si Sir Noel P. Miranda, ang kasalukuyang punong-guro ng ASHS, tungkol sa huling pag-uusap nila ni Sir Bok.
Ayon kay Sir Miranda, kung ang iba raw kapag sinearch ang “book” makikita si Ser Bok, pero para sa kanya naman, kapag sinearch ang mga katagang “safe space” mahahanap rin siya, dahil ramdam ng lahat ang likas na lambot ng puso ni Ser Bok.
Sa mga huling araw bago pumanaw si Ser Bok, inanyayahan pa nito si Sir Miranda na gumawa ng isang produksyon sa teatro pagkatapos nitong gumaling mula sa karamdaman at pag tuluyan nang matapos ang pandemya.
Pinasalamatan din ni Sir Noel ang Diyos sa pagpapahiram kay Ser Bok sa komunidad ng Ateneo.
Bilang pagtatapos sa misa, pinatugtog ang “Bumaba Ka Sa Bundok,” isang kantang malapit sa lahat ng Atenista sapagkat ito ay sinasaulo at kinakanta tuwing retreat.
Nang matapos ang misa, nanatili ang mga dumalo upang magbahagi ng mga karanasan nila kasama ang minamahal na guro. Kasama na rito si Enzo Alvarez ng 12-Kibe, si Ma’am Czel Lacson, ang Assistant Principal for Administration, si Sir Joseph Dela Cruz ng Filipino Department, at iba pang malalapit na kakilala ni Sir Bok.
Photo Source: ASHS Facebook Page
