Pakikibaka sa Buhay at Buhay Pakikibaka

Isang Lathala tungkol kay Ginoong Polski Orallo 

Isinulat ni Alexandria Buenaventura

Hindi maikakaila ang sari-saring isyung kinahaharap ng bansa, kahit noong maituturing pang “normal”  ang sitwasyon, kabi-kabila na ang naghihirap at patuloy na naghihirap dahil sa istruktura ng sistema, tunggalian ng uri, at kawalang hustisya laban sa mapang-aping lipunan. Mistula’y nailantad pa ang mga ito lalo sa gitna ng pandemya, mula sa kriminal na kapabayaang patuloy na binabawi ang buhay ng marami, hanggang sa patuloy lamang na pagsisilbi sa kanya-kanyang interes ng mga naghaharing uri. Lahat ng ito ay kinikilala at kinamulatan ni Ginoong Polski Orallo, isang guro sa Filipino sa Nakatatandang Mataas na Paaralang Ateneo de Manila. Bukod sa pagiging guro, si Ser Polski ay isa ring artista at aktibista. Ang kanyang pagiging guro at paglikha ng sining ay nakatali sa kanyang personal na mga pinaglalaban at walang tigil na ipinapanawagan, ito ay ang kanyang pangunahing mga instrumento sa patuloy na pakikibaka.

BUHAY GURO 

Gaya ng isang karaniwang mag-aaral sa hayskul, napagpasyahan ni Ser Polski ang kanyang nais tahakin sa buhay noong mga panahong ito, partikular noong ika-apat na taon kung kailan kritikal nang magtakda ng babaybaying landas. Sa isang panayam kasama ang Hi-Lites, kanyang inalala ang mga naging agam-agam niya noong siya ay nagpapasya, “…inisip ko, ano pa ba ‘yung kaya ko? Kahit ‘di ako sigurado, ano ba ang kaya ko at ano ba ang gusto kong maging role sa lipunan?” aniya. Nauna niyang mapusuan ang pagiging guro sa asignaturang Ingles dahil tumatak sa kanyang isip na sa partikular na larangang iyon, maraming bukas na oportunidad, sa hanapbuhay man o sa intelektwal na gampanin sa lipunan. Sa kabila nito, mas nanaig ang kagustuhan niyang magturo ng panitikan sa Filipino dahil bukod sa pagkakaugnay ng mga ito sa Kolehiyo ng Arts and Letters, naging buo ang kanyang desisyon matapos maranasan ang panayam na kinailangan upang makapasok sa Philippine Normal University (PNU). Ayon kay Ser Polski, oras na sumabak siya sa matinding pigapit ay doon nangibabaw ang tunay na landas na nangungusap sa kanya. Bagaman ilang beses siyang binalot ng pagdududa, hindi ito naging sapat upang sumuko siya sa pangarap na ito. 

 “Maraming pagkakataong naisip ko kung magiging teacher [ba] ako o hindi? Pero ngayon, buong-buo ‘yung loob ko na gusto ko talagang magturo hanggang mamatay ako,” wika niya. 

Bilang guro sa Filipino, naniniwala siyang mahalagang ituro ang asignaturang ito dahil malaki ang naiaambag nito sa pagkakaroon ng pundasyon sa pagsasalita, pakikinig, pagsusulat, at pagbabasa ng isang mag-aaral. Higit pa rito, ang pag-aaral ng Filipino ay nakatutulong sa pagiging kritikal at makatao ng isang indibidwal dahil alinsunod sa pagkatuto ng iba’t ibang wika, nalilinang din niya ang sari-saring mga kultura, paniniwala, at oryentasyon sa buhay ng iba’t ibang tao na bumubuo ng kanilang mga prinsipyong palagian nilang isinusulong. Sa kabilang banda, ang pag-aaral naman ng panitikan ay nagpapatalas ng isipan, kasabay ng pagtuklas sa iba’t ibang kwento na nangungusap sa isang indibidwal na siyang bumubuo sa kanyang pagkatao. 

“Kapag nakakapagbasa tayo ng panitikan, nahihikayat din tayong lumikha ng sarili nating istorya. At kapag nakita natin ang lahat ng bagay na maaaring mahalungkat sa isang tula, sa isang istorya, sa isang pelikula, sa isang dula, at anumang klase ng anyo ng panitikan, ito ‘yung nagpapatao sa [atin] dahil dito tayo makikiramdam, dito tayo makakapag-isip, at dito mahuhubog ang ating pagkatao,” saad ni Ser Polski. 

BUHAY SINING AT ADBOKASIYA 

Kasabay ng pagiging guro, patuloy rin niyang pinagtitibay ang kanyang mga adbokasiyang hindi maikukulong sa iisang kahon sapagkat pinanghahawakan niyang ang lahat ng isyung kinahaharap sa kasalakuyuan ay interseksyunal at nag-uugat sa tunggalian ng uri o hindi pagkakapantay-pantay ng estado ng buhay ng mga mamamayan sa lipunan. Para sa kanya, malaki ang pagkakatulad ng pakikibaka at pagtuturo dahil pareho itong walang tiyak na katapusan. Gaya ng pagtuturo, ang kanyang paninindigan ay parating pasulong kaya naman sa lahat ng kanyang itinuturo sa klase, sinisikap niyang maglakip ng aral at kahalagahang panlipunan sa mga ito upang lalong paigitingin ang kabuuan nitong kabuluhan.

“Kung susumahin ko lahat ng adbokasiya ko, makikita niyo ito sa paraan kung paano ako nagtuturo… sa palagay ko, kapag tumigil ako sa pagtuturo, tumitigil na rin ako sa pakikibaka at sa paninindigan ko dahil nasa loob ng [aking] pagtuturo ‘yung mga pinaglalaban ko,” pagbabahagi niya.  

Isa sa pinakamalaking daluyan ng kanyang mga adbokasiya ang kanyang mga likhang sining, bagaman ang mga ito ay personal at pinapaksa ang kanyang sarili, lahat ng ito ay likas na politikal. Isang halimbawa ay ang paglikha ng self-portrait, ito ay kanyang representasyon bilang tao—bilang isang nilalang na umiiral sa lipunan na may pinaglalaban sa buhay. Kaugnay nito, isa sa malalaking ehemplo at inspirasyon niya ay si Frida Kahlo, isang Mexicanang pintor na siyang ginagamit ang kanyang sining at pagpipinta ng sarili upang isalaysay ang kanyang mga karanasan sa buhay. Sinasalamin ng kanyang mga likha ang kwento ng isang anak, isang babae, isang handicapped, at isang Mexicana, na matapang na nakipagtunggali sa takbo ng buhay. 

Tinalakay rin ni Ser Polski ang mga simbolo at sining sa paraan ng pagdala niya sa kanyang sarili; “…‘yung buhok ko ngayon—bakit mahaba ‘yung buhok ko? Kasi matagal na-repress ‘yung identity ko pagdating sa education system natin. Palagi kong iniiyakan [kung] bakit hindi pwedeng magpahaba ng buhok, bakit hindi pwedeng magpakulay ng buhok?” aniya. Lahat ng ito ay naging posible lamang maisakatuparan sa gitna ng pandemya kung kailan pwersahan tayong naikulong sa sari-sarili nating tahanan. “…’yung nirerepresenta ng sining ko ay ‘yung kabuuan ng sarili ko at kung paano ko nakikita ‘yung sarili ko sa lipunan.” dagdag pa niya. 

BUHAY AKTIBISTA

Lahat ng bahagi ng buhay ni Ser Polski ay hindi maihihiwalay sa kanyang mga prinsipyo, kapag ito ay pinagtagpi-tagpi, mabubuo nito ang kanyang mga paniniwala at ang patuloy na paglaban sa tabi ng masang api. Simula pagkabata, hindi na nito kinakitaan ang pakikibaka ng mali, partikular na ang pag-rarally sa anumang paraan dahil ito ay demokratikong karapatan ng taumbayan. Sa katunayan, nakikita niya ang pag-rarally bilang simpleng pagkalampag lamang at maituturing na pinakapayak na daluyan ng pagkilos. Noong kolehiyo, alinsunod sa kanyang pagiging kasapi ng publikasyong pangkampus, lalo siyang namulat sa katotohanan ng buhay at lipunang kinabibilangan. Bilang isang mamamahayag at artista, nakasalamuha niya ang iba’t ibang uri ng tao kung saan niya nasaksihan ang tunay na hirap na dinadanas ng mga magsasaka, manggagawa, babae, bakla, estudyante, kabataan, at iba pang marhinalisadong pangkat sa lipunan. Ngayon, panahon pa rin ng matinding ligalig, abot-abot pa rin ang krisis na kinahaharap ng bayan, parehong mga isyung ipinapanawagan noon pa ay umiiral pa rin hanggang ngayon kung kaya’t  naniniwala siyang hindi dapat makampante at mamuhay nang komportable. 

Dahil dito, binigyang diin niya ang halaga ng gampanin ng kabataan sa kasalukuyang politikal na pakikibaka; ang magmulat, mag-organisa, at kumilos. “…Magmulat dahil alam naman natin sa panahon ngayon [ay] hindi lang basta basta fake news at historical revisionism ang kalaban natin, sa panahon ngayon, ang katotohanan ay pinagmumukhang kasinungalingan, kaya’t kinakailangang ang kabataan ay imulat ang sarili para makapagmulat din ng iba.” Kasunod nito ay ang pag-organisa, sa oras na ika’y mamulat at may kakayahan na ring magmulat ng kapwa, indikasyon na itong bumuo ng samahan kung saan bibigyang istruktura ang iyong pinaniniwalaan upang makarating sa pangatlo; ang pagkilos. 

“Tungkulin niyong magsalita, tungkulin nating magsalita, at ang kabataan ang may lakas, may enerhiya, at may tapang na gawin [ang] lahat ng posibilidad sa ating lipunan. Kaya’t lagi kong in-e-encourage ang mga estudyante ko na magsalita, huwag kayong papatay-patay sa panahong kailangang magsikhay at kumilos,” paalala ni Ginoong Orallo. 

Hindi nauubos ang mga nararapat ipaglaban, maging ang mga taong kinakailangang ipagtanggol laban sa mapangabusong lipunan. Malayo pa ang ating lalakbayin patungo sa makatao at makatarungang bansa, ngunit hindi ito mananatiling pangarap lamang. Tulad ng tapang at kabi-kabilang sakripisyong inilaan ni Ser Polski upang matugunan ang napili niyang gampanin sa mundo, sikapin nating tumayo, makinig, at magsalita upang punan ang espasyong nakalaan para sa atin. Kabataan, pag-asa ng bayan—kabataan, magmulat, mag-organisa, at kumilos.

Pubmat ni Justin Delas Armas