
Ni Renee Tolentino
“GM! HRU? WYD?” Ilan ito sa mga katagang panimula na ng mga usapan ngayong pandemya, kung saan nakalimita sa social media ang pag-uusap ng bawat isa. Ngunit matanong nga, paano nga ba nakulong sa dalawa hanggang tatlong letra ang bating panimula noon na “Magandang umaga! Kumusta?”
Sa araw-araw na pagharap sa hamon ng pandemya ay kasabay nito ang pagharap natin sa ating mga iskrin upang makakonekta sa iba. Bawat pagdaan ng isang umaga ay tila paglipas ng katibayan ng ating wika, lalo na sa diwa ng mga bata. Ngayong nakakulong ang kabataan sa kanilang mga tahanan, naapektuhan ang kanilang paraan ng pakikipag-usap gamit ang lenggwaheng Filipino—ang kaluluwa ng wika ay tila tuluyang nagkakaroon ng ibang timpla, sa paanong paraan nga ba? Masosolusyonan pa kaya?
Hindi naman na siguro bago sa ating pandinig ang mga salitang conyo, bekimon, o ‘di kaya’y stan twitter lingo. Ito ang tanyag na halimbawa ng sosyolek, baryasyon ng wika na ginagamit ng partikular na pangkat na kinabibilangan ng isang indibidwal, maaari itong mahati sa kategoryang pormal at ‘di pormal. Pormal na sosyolek ang kalimitang pansin sa grupo ng mga propesyonal. Sa kabilang banda, ‘di pormal ang pansin sa pakikipag-usap na kung maituturing ay “mala-kalye” o balbal. Sa madaling salita, sosyolek ang tawag sa uri ng wikang mayroon lamang natatanging grupo ang nagkakaintindihan.
Dala ng teknolohiya ay nabahiran ng ibang lenggwahe ang ating wika. Deins you pansin ba how our wika is iba na? Halimbawa ito ng ‘di pormal na sosyolek na madalas, o kalimitang gamit ng kabataan sa kanilang pakikipag-telebabad sa internet, berbal man o sa paraan ng kanilang chats. Mula sa purong pananagalog noong panahon ni Baltazar ay nabahiran ito ng conyong way of talking ng kids sa kasalukuyang generation.
Totoong tayo’y nakakalas na sa rehas ng pananakop ng mga banyaga subalit nakatakas na nga ba tayo sa impluwensiyang idinulot nila? Dahil sa trulity lang, nakakalurky na soaper sanay na us with different sosyoleks ditetch in our bansa, ano? g8s bUh?,.,!
Dulot ng matagal na pagbabad natin sa social media at ng walang katapusang pandemya, nawawala nang tuluyan ang kabuuan ng wikang Filipino sa kaisipan ng kabataan. Sa bawat scroll natin sa pahina ng ating mga telepono ay wikang Ingles ang madalas mabasa ng ating mga mata. Hindi rin maiiwasan na mayroon tayong ibang makakasalamuha sa paggamit natin ng social media, kung saan iba-ibang lugar ang ating pinanggagalingan at Ingles ang karaniwang lenggwaheng gamit sa talakayan. Ang impluwensiyang dala ng banyagang wika ay humuhubog sa baryasyon ng ating lenggwahe sa paraan ng sosyolek at madalas sa pagiging conyo.
Ngunit sa kabila ng suliraning ito ay ang pagsibol ng solusyon upang hindi mabaon sa limot ang katanyagan ng ating wika. Inilunsad ng ASHS ang pagdiriwang nito ng Buwan ng Wika sa paraan ng paghandog ng iba’t ibang paligsahan sa pamamagitan ng mga patimpalak sa pagkatha ng tula, paglikha ng musika, pag-indak, at pagdidisenyo ng facemask.
Ang mga kompetisyong ito, lalo na sa Harana, kung saan binigyang halaga ang inklusyon ng iba’t ibang wika’t dialekto ng bansa ay nakatutulong sa pagpapayaman ng kaalaman ng mga mag-aaral sa identidad at kagandahan ng mga lenggwahe ng Pilipinas.
Ang Hiwagang Dala ng Katatagan ng Wikang Pambansa
Batubalani sa pag-unlad ng bansa ang pag-angkop nito sa ibang kultura, lalo na sa paraan ng komunikasyon na nagkakaroon ng pakikipag-angkop ng wikang sinasalita. Sa mundong mahalaga ang pagsabay sa daloy ng oras, ang pagtatag natin sa mga sosyolek ang siyang nakatulong upang maitaguyod natin ang pagtawid ng bansa sa modernong panahon.
Ang bawat pag-make imbento natin ng makabagong terms and lingo ay isang hakbang papalapit sa mas lalo nating pag-intindi sa bawat kaganapan ng mundo. Mapa-conyo, kajejehan, o purong tagalog man, ang bawat isang wika, dayalekto, at sosyolek ay kasama tungo sa pag-abot natin ng kasarinlan mula sa nakakulong na mga kaalaman.
Ngunit sa pakikibagay nawa’y hindi matangay ang wikang walang ibang timpla, ang wikang binubuhat ang sarili nating kultura. Samakatuwid, higit na kailangang paigtingin ang pagpreserba ng wika, lalo na sa panahong sinusubok ang katibayan ng ating pagkapit sa katanyagan ng ating wikang pambansa. Mapanatili pa rin sana ang matatamis na pagbati ng “Magandang umaga! Kumusta?” sa mundong puno ng “GM! HRU? WYD?”.
Oh BTW, dudeparechong you’re like G naman to still bring glory to our wika without like tanggal-tanggal the developed sociolects, hindi ba?
Sa pagkupas ng oras bawat alas tres ng madaling araw, muli pa sanang matanaw, ako at ikaw, ang halaga ng pagpapanatili ng wikang Filipino, ang halaga ng pagpreserba ng identidad nating totoo. Kaya tara na and let’s make preserba our wika, bro! Carps?
