Lulubog, Lilitaw: Mga Sinaunang Iskrip ng Pilipinas

Pubmat ni Patricia Tuaño

Ni Earl Valenzuela

Biyernes na ng gabi’t natapos mo na ang lahat ng kailangan mong gawin; nasa kamay mo na ang buong linggo’t malaya ka na mula sa trabaho. Sa iyong isipan, ninanais mong magpahinga na lamang, kaya kinuha mo ang iyong phone at nanood ng mga K-drama. Habang sinusubaybayan mo ang iyong napiling panoorin, napansin mo na may sariling titik at iskrip ang mga Koreano, napaisip ka na lamang kung mayroon ba tayong sariling paraan ng pagsulat — unang lumitaw sa iyong isipan ang Baybayin. Baybayin, baybayin, ano ba ang mayroon sa iyo’t hindi ka lubos na ginagamit ng bansa? 

Makagaganda nga ba ito para sa ating kultura at magkakaroon nga ba tayo ng mas matibay na pagkakakilanlang pambansa kapag lubos na ginamit ang Baybayin?

Baybayin ang katawagan sa sinaunang iskrip ng mga Tagalog na mayroong labim-pitong (17) titik na tila ba’y lumubog noong naging kolonya ng Espanya ang Pilipinas, at biglaang lamang lumitaw sa modernong panahon buhat ng pagiging tanyag ng pag-aaral nito, lalo na sa mga millennial. Iminungkahi ni Hon. Leopoldo N. Bataoil ang kaniyang panukalang gawing pambansang paraan ng pagsulat ang Baybayin sa pamamagitan ng House Bill No. 1022 na inilabas noong Abril, taong 2018 na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin ipinatutupad. Nakasaad sa panukalang ito na ang mga local government unit (LGU) ay kinakailangang gamitin ang Baybayin sa mga pampublikong pasilidad, pampublikong mga gusali at iba’t ibang mga institusyon.   Sa palagay ng masa, magdudulot ito ng malaking pagbabago hindi lamang para sa mga negosyo, kundi pati na rin sa mga ordinaryong mamamayan ng lipunan. 

Tugon ng Masa sa Baybayin

Isa sa pinakamalaking suliranin na ikinababahala ng karamihan sakaling maisabatas ito ay ang malawakang pag-aangkop upang makabisado ang Baybayin lalo na’t mahirap ito aralin kaysa sa nakasanayang alpabetong Latin (modernong alpabetong kasalukuyang ginagamit sa mga paaralan sa bansa). Isang halimbawa nito ay ang Lagunsilad underpass sa Maynila kung saan isinama ang Baybayin sa alpabetong Latin na nagsisilbing gabay para sa direksyon ng mga tanyag na pook, ngunit hindi ito nakalikom ng positibong tugon mula sa mga mamamayan dahil ginamit lamang daw ang Baybayin para sa aesthetic purposes.

Ugat ng Sinaunang Katutubong mga Iskrip

Hindi natin maipagkakaila na ang kultura ng Pilipinas ay mayabong at may mga pagkakaiba-iba, saklaw ang buong bansa mula sa pinakahilagang kapuluan ng Batanes hanggang sa katimugan ng Tawi-Tawi. Kasama na rin ng baryasyon sa kulturang ito ay ang pagkakaiba ng mga sinaunang iskrip o paraan ng pagsusulat; kung kaya’t maaari nating sabihin na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi ginagamit ang Baybayin bilang pambansang iskrip ay dahil hindi maaaring gawing saligan o basehan ng pambansang pagkakakilanlan ang kultura ng isang rehiyon lamang, dahil ito’y  nagpahihiwatig ng sentrismo sa kultura, partikular na sa sentrismo sa kultura ng mga Tagalog. Noong sinaunang panahon at kahit magpahanggang ngayon, ang bansa ay binubuo na ng mga rehiyong mayroong nakatakdang teritoryo, natatanging mga tradisyon, paniniwala, at kultura, at paraan ng pagsulat. 

Pagdako sa mga sinaunang iskrip ng Pilipinas ay maaari nating maiugat ang pinagmulan ng mga ito sa Ehipto na sasangay sa Poeniko (Phoenician, kasalukuyang Iraq), at tuluyan pang sasangay sa Aramaic. Sa ilalim ng Aramaic ay sasangay ito sa Arabe na kalauna’y makararating sa Mindanao na magsisilbing ugat ng Kirim ng mga Maguindanaon, at Jawi ng mga Tausug. Sa kabilang dako naman ng nasabing sanga ay ang Brahmic (kasalukuyang India) na nagsilbing pundasyon ng mga iskrip sa Visayas at Luzon katulad ng Kulitan ng mga Kapampangan, Kurdita ng mga Ilokano, Baybayin na ginamit ng mga Tagalog, Surat Mangyan ng mga Hanunuo Mangyan at Surat Buhid ng mga Buhid Mangyan sa Mindoro, Basahan ng mga Bikolano, Tagbanua ng Hilagang Palawan, at Badlit ng Kabisayaan. Dahil sa kolonisasyon na pinagdaanan ng Pilipinas, lalo na sa ilalim ng mga Kastila, unti-unting kumupas ang kulay ng mga sinaunang iskrip sa paningin ng mga Pilipino kaya mas ginamit na ang alpabetong Latin, na may Griyegong ugat dahil sa pagpupumilit ng mga manlulupig, at kalauna’y naging bahagi na rin ng kultura ng ating mga ninuno. Ngayon, mga katutubo na lamang ang kadalasang gumagamit ng mga sinaunang iskrip. 

Baybayin sa Kasalukuyang Panahon

Kamakailan lamang ay naging matunog ang Baybayin hindi lamang sa mga millenial, kundi pati na rin sa mga kabataan at mas matandang henerasyon; naging laganap na rin ang pag-aaral nito bilang isang paraan ng pagpapakita ng “patriyotismo”. Gayunpama’y ang panukala na gawin itong pambansang paraan ng pagsulat ay nagpapahiwatig ng pagtanggi sa kahalagang kultural at historikal ng iba pang mga sinaunang katutubong paraan ng pagsulat. Napakarami na ng pinagdaanan ng mga sinaunang iskrip na ito; lulubog at lilitaw na lamang buhat ng iba’t ibang mga kalagayan. Ngunit mayroong isang tiyak na bagay na nararapat tandaan, hindi lamang nakatakda sa Baybayin ang sinaunang paraan ng pagsusulat ng pre-kolonyal na Pilipinas at marapat lamang na bigyang pagkakakilanlan ang iba pang mga iskrip na ginamit ng ating mga ninuno.

SANGGUNIAN:

Casal, C. (2018, August 22). Ancient Filipino writing systems that aren’t Baybayin. CNN Life. Retrieved October 19, 2021, from https://www.cnnphilippines.com/life/culture/2018/8/22/ancient-Filipino-scripts-surat-Baybayin.html.

https://news.abs-cbn.com/life/04/23/18/house-committee-approves-baybayin-as-national-writing-system

https://www.congress.gov.ph/legisdocs/basic_17/HB01022.pdf

https://www.scmp.com/news/asia/southeast-asia/article/3020851/baybayin-ancient-philippine-written-script-making-comeback