
Ni Kiara Tan
Tila maraming bagay ang nagbibigay kabuluhan sa ating buhay, ngunit kadalasan, ang tunay na humuhubog sa mga ito ay ang sarili nating mga karanasan sa pag-ibig ng iba’t sarili. Sila’y nagpapakita ng ating pagiging tao at makatao. Sa saya, galit, pagod, at hinagpis, matatagpuan ang kuwento ng kung paano natin hinamon ang mundong tutol sa pagmamahal.
Sa paghamong ito, alalahanin natin na hindi tayo nag-iisa. Sinasamahan tayo ng sining at likhang Pinoy na sumasalamin sa kasaysayan ng ating mga kuwento. Ang ebolusyon ng mga pelikula, panitikan, at musikang Pilipino ay munting repleksyon ng ating pag-unlad. Bawat isa ay hindi lamang binubuo ng gilas at galing ng kapwa, kung hindi na rin ay mayroong nakatagong mensaheng may kapangyarihang kulayan ang nakasanayang pait at manhid. Halika na’t bigyan pugay ang mga liwanag sa kubling paglalakbay.
Sa iyong pagmamahal…
Buong puso ang ibigay, ngunit huwag hayaang maubos ang sarili.
Ikaw Ang Aking Mahal – VST & Company (1978)
“Pag-ibig na walang hangganan ang aking tunay na nararamdaman.” Isang karangalan ang isayaw nang mabagal ang iyong irog sa ilalim ng buwan. Walang papantay sa klasikong walang-kupas.
Panalangin – APO Hiking Society (1980)
Ito’y kanta para sa pag-ibig na higit sa lahat, na ating pinagdarasal mula sa langit. Ito ay pagmamahal na “panalangin sa habang-buhay”. Nawa’y ito’y magtagal hanggang sa dulo ng panahon.
Mr. Kupido – Rachel Alejandro (1989)
Ito’y kantang ukol sa pag-ibig na walang saysay. Hindi aasahang mangyari, ngunit ito’y bunga ng iyong kasiyahan. Para bang ginayuma, dahil “Mr. Kupido, sa kanya’y dead na dead ako.”
Lovelight – Alfred Yuson (n.d.)
“Love is unveiled by light; by light love is,” ang pagkilala ng isang Manileñong manunulat sa pag-ibig. Ang tulang ito ay naglalarawan sa pagmamahal na kislap sa dilim — isang mahiwagang kabutihang nararapat para sa lahat.
Sa iyong pagkabigo…
May katuwiran ang iyong galit.
Ito’y kantang alay sa mga nais bumitiw sa nakaraan ngunit mayroon pa ring nararamdaman na hinanakit. “Iba na ang ‘yong ngiti, iba na ang ‘yong tingin” sa mga segundong nais na ikaw ay ang tingnan. Walang kirot ang hindi nagagamot ng rakistang E-heads.
“Kay bilis naman maglaho ng pag-ibig mo, sinta,” ang iyong dapat isigaw tuwing napupuno na sa kawalan ng katarungan. Marami mang bagay ang mabilisang naglalaho, ang Rivermaya ang diyamanteng hindi nadudurog.
Pangarap Lang Kita – Parokya Ni Edgar, Happee Sy (2010)
Minsa’y ang hinagpis ay galing sa pangarap na hindi maabot. Huwag panatilihing lihim ang galit na ito, bagkus ay ilabas na lamang sa bawat pantig na hinihiyaw ni Parokya, sa linyang, “Tanggap ko, o aking sinta, pangarap lang kita.”
Killing Time in a Warm Place – Jose Y. Dalisay, Jr. (1993)
Ang “Killing Time in a Warm Place” ay nobelang isinulat tungkol sa kuwento ng mga taong nabuhay sa ilalim ng realidad ng Martial Law. Ito’y lubusang binigyan-pugay at nanalo ng pinaka-mataas na karangalan sa Palanca Awards. Ang librong ito ay para sa mga nais magtanim ng makatuwirang galit.
Sa iyong pagluluksa…
Pahintulutan ang sakit na pumasok sa sistema.
Minsan ang hindi inaasahang mamahalin ay ang hindi rin inaasahang bunga ng pagdurusa. “Tanong ko lang sa langit kung bakit pumangit,” ang makaawa ng lahat sa hindi nagtagal na kasiyahan.
“Nakatanim pa rin ang gumamelang binalik mo sa ‘kin nang tayo’y maghiwalay.” Sa pagbabalik-tanaw, hayaan mong ika’y lumubog sa sakit. Marahil, ang sakit ay bunga ng lubusang pag-irog.
“Oo nga pala, hindi nga pala tayo, hanggang dito na lang ako,” ang linya para sa hindi sinuklian ang pag-ibig. Sa kirot at hilong dala ng bagbag na puso, may karamay ka sa dalamhati ng Moonstar88.
Maicling pelicula nañg ysañg Indio Nacional (2005)
Sa pagpinta ng karanasan ng karaniwang Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng mga Espanyol, bawat eksena ng pelikulang ito ay umaapaw sa pighati. Ang kakaibang likha ng bisyonaryong si Raya Martin ay para sa mga nais na humagulgol at mabigo nang muli.
Sa iyong pagbangon…
May napakatamis na kinabukasang naghihintay para sa iyo.
Ika ng bandang Munimuni, “Wala sa’king mga kamay ang init na bubuhay, kundi sa kamay ng araw.” Marahil ang araw na ito’y matatagpuan sa mga taong lubusang pinagkatitiwalaan. Sa kanilang piling at aruga, muling babalik ang dugo.
Gusto Kong Lumipad – Agsunta (2019)
“Gusto ko pang maglaro, gusto ko pang tumalon.” Hanapin ang mga munting bagay na magpapakilos sa iyo upang tuluyang bumangon at tuluyang buoin ang sarili nang muli. Naririto lamang ang Agsunta sa iyong paggaling.
Tunnels – Shirebound & Busking (2019)
“I hold my breath every time I go through tunnels.” ang lirikong batayan ng maliwanag na kanta ng Shirebound & Busking. Sa bawat lagusan, mayroong naghihintay na dulong puno ng bagong pasimula.
Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (2011)
Ito’y kuwentong mukhang nakabalot sa sekswal na pagmamahalan, ngunit sa totoo’y istorya ukol sa pagbuo ng sarili, pagbitiw sa kahon ng lipunan, at pagkapit sa masidhing emosyon. Sa maingat na pagsalaysay, pagtula, at pagsayaw, naipakita ang taglay na galing nina Paulo Avelino at Rocco Nacino sa ilalim ng direksyon ni Alvin Yapan.
Sa iyong muling pag-ibig…
Tila ikaw ay pinaka-larawan ng tapang at lakas. Sama-sama nating hamunin nang muli ang mundo.
Ang kantang ito’y habilin na kinakailangang mahalin at pagkatiwalaan muna ang sarili sa kasalukuyan bago harapin ang kinabukasan. Ika nga ni Lucido, “Sa tamang panahon, ang bawat pagkakataon.”
Kalawakan – Juan Karlos (2020)
“Ikaw ang kalawakan,” malumanay na bigkas ng romantikong si Juan Karlos. Ang kantang ito’y sumusupil sa pangangamba ng mga nagmamahal — sinasabing yakapin nang mahigpit ang kawalang-katiyakan ng kalawakan.
“Dahil ikaw ang aking mata, sa tuwing mundo’y nag-iiba.” Sa bawat hakbang sa buhay, kinakailangang bumalik sa pinagmulan — sa tahanan at pagmamahal na ating nahanap sa piling ng magulang.
Lingua Franca – Isabel Sandoval (2020)
Ang tunay na pag-ibig sa sarili ay nahahanap sa kuwento ng isang imigranteng transgender na babae. Umaapaw man sa pagdurusa ang pelikula, ito’y makulay na larawan ni Isabel Sandoval, ang direktor at bidang aktres ng pelikula. Ito ay naratibo ng isang taong pinipili ang sarili at inaangkin ang kanyang nararapat na lugar sa mundo.
