Ni Raphaella Sarangaya
Ginanap ang Pinoytuntunan, isang pinakakinasasabikang kulminasyon ng lahat ng programa at aktibidad sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura ngayong taong pang-akademiko, sa pamamagitan ng YouTube live stream, kagabi, ika-29 ng Oktubre.
Banhaw, isang Cebuanong terminong nangangahulugang “muling pagkabuhay,” ang naging tema ng pagdiriwang na ito ngayong taon. Sinasalamin nito ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa mga katutubong grupo sa bansang Pilipinas. Maiuugnay rin sa temang ito ang pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino, partikular ang mga kabataan, sa nalalapit na Eleksyon 2022.
Sa pagdiriwang na ito, ipinamalas ng iba’t ibang mag-aaral ng ASHS Community, mula ika-11 at 12 baitang, ang kanilang mga natatanging talento sa musika, sayaw, at sining.
Bukod pa rito, nagpakitang gilas at nagbigay aliw din ang ilang mga organisasyon ng Ateneo Senior High School (ASHS), gaya ng Glee, Teatro Baguntao, Symphonic Ensemble, at Music Industry Organization sa kani-kanilang mga pagtatanghal.
Sa pamumuno ng ASHS Filipino Department kasama ang mga organisasyong Alunsina at Sanggunian Communications Team, mahusay na nailunsad ang mga patimpalak— Bihis Pinoy, Tudlaan, Hataw Pinoy, Harana, at Origs— na sinalihan ng iba’t ibang pangkat mula sa baitang 11 at 12.
Ang Bihis Pinoy ay isang patimpalak na kumakatawan sa kultura, moda, at harayang Pilipino. Ang mga kalahok mula sa ika-12 baitang ay gumamit ng mga upcycled na materyales bilang disenyo sa face mask at face shield. Sa patimpalak na ito nagwagi ang mga klase ng 12-Carvalho at 12-Denn ng ikalawang gantimpala at ang klase ng 12-Daniel ng unang gantimpala.
Sa kolaborasyon ng mga organisasyong Pugad at Hi-Lites, ang Tudlaan, isang patimpalak sa malikhaing pagsulat sa Filipino, ay nilahukan din ng ilang mga mag-aaral. Ang “Piping Bulag” nina Daniella Louise Barbacena at Hannah Angelica Alcasid ng 11-Bellarmino ay nagwagi ng ikatlong gantimpala; ang “Kapansanan” ni Harry L. Mercadero ng 11-Goupil ay nagwagi ng ikalawang gantimpala; at ang “Alingawngaw” ni Niño Emanuel D. Cornel ng 11-Moscoso ay nagwagi ng unang gantimpala.
Para sa Hataw Pinoy, ang patimpalak sa larangan ng pagsasayaw, ang parangal para sa pinakamahusay na Kabuuang Produksyon ay iginawad sa “Cariñosa” ng General Academic (GA) strand. Sa kabilang banda, ang parangal para sa pinakamahusay na koreograpiya at unang gantimpala ay iginawad sa “Salakot” ng Humanities and Social Sciences Strand (HumSS) strand.
Ang mga mag-aaral mula sa ika-11 na baitang ay lumahok din sa Harana, isang patimpalak para sa paggawa ng music video gamit ang kanta mula sa probinsyang itinalaga sa bawat pangkat. Sa kategoryang biswal, ang 11-Mayer at 11-Nakaura ay nagwagi ng ikalimang karangalan; ang 11-Bellarmino ay nagwagi ng ikaapat na karangalan; ang 11-Fontoura ay nagwagi ng ikatlong karangalan; ang 11-Realino ay nagwagi ng ikalawang karangalan, at ang 11-Torres ang nagwagi ng unang karangalan.
Sa kabilang banda, para sa kategoryang musika, ang 11-Torres ay nagwagi ng ikalimang karangalan; ang 11-Bellarmino ay nagwagi ng ikaapat na karangalan; ang 11-Realino ay nagwagi ng ikatlong karangalan; ang 11-Nakaura ay nagwagi ng ikalawang karangalan, at ang 11-Fontoura ang nagwagi ng unang karangalan.
Panghuli, ang Origs, patimpalak sa paglikha ng sariling komposisyon, ay nilahukaan ng mga mag-aaral mula sa ika-12 baitang. Sa kategoryang biswal, ang 12-Carvalho ay nagwagi ng ikalimang karangalan; ang 12-Xavier ay nagwagi ng ikaapat na karangalan; ang 11-Navarro ay nagwagi ng ikatlong karangalan; ang 11-Acquaviva ay nagwagi ng ikalawang karangalan, at ang 11-Kibe ang nagwagi ng unang karangalan.
Sa kategoryang musika, ang 12-Carvalho at 12-Xavier ay nagwagi ng ikalimang karangalan; ang 12-Acquaviva ay nagwagi ng ikaapat na karangalan; ang 12-Kibe ay nagwagi ng ikatlong karangalan; ang 12-Oldcorne ay nagwagi ng ikalawang karangalan, at ang 12-Navarro ang nagwagi ng unang karangalan.
Sa kategoryang liriko, ang 12-Pantalia ay nagwagi ng ikalimang karangalan; ang 12-Oldcorne ay nagwagi ng ikaapat na karangalan; ang 12-Xavier ay nagwagi ng ikatlong karangalan; ang 12-Acquaviva ay nagwagi ng ikalawang karangalan, at ang 12-Navarro ang nagwagi ng unang karangalan.
Sa pagdaraos ng naturang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, naipamalas ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang, pangkat, at strand ng ASHS ang kanilang talino, pagkamalikhain, at kasiningan sa iba’t ibang larangan ngayong taong pang-akademiko.
Tunay ngang hindi naging hadlang ang mga limitasyon ng online distance learning sa pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga naging patimpalak at sa pagsumite ng mga de-kalidad at pulidong mga gawain.
Maaari pa ring mapanood ang kabuuan ng Pinoytuntunan sa opisyal na Youtube channel ng ASHS Sanggunian.
Photo Source: ASHS Sanggunian on Facebook
