
Ni Steffi De Chavez
Ang wika ang daan upang lubos nating makilala ang ating kultura bilang mga mamamayan at bilang isang lipunan. Samakatuwid, mapapansing magkaugnay ang dalawang ito sa isa’t-isa; sa pangyayaring mamatay ang wika, kasamang maglalaho ang kalakip nitong kultura. Sa mahigit isang daan at pitumpu’t limang (175) wika na mayroon ang Pilipinas, ang ilan dito ay unti-unti nang naglalaho. Ngayong taon, umabot na sa apat na put-lima (45) ang bilang ng mga wikang nanganganib na tuluyang mawala. Kasabay nito, unti-unting nahihirapan ang lipunang unawain ang kasaysayan, kultura, at kinagawian ng mga Pilipinong katutubo na gumagamit nito hanggang sa kasalukuyan—nag-iiwan ng isang malaking hungkag na puwang sa kaalaman ng mga mamamayan.
Mga nanganganib na katutubong wika sa Pilipinas
Sa paglipas ng panahon, paunti nang paunti ang bilang ng mga taong gumagamit ng mga wika ng ating mga katutubo. Ayon sa Expanded Graded Intergenerational Scale (EGIDS) na sinusukat ang posibilidad ng pagkawala ng isang wika, mayroon tayong tatlumpung (30) wikang nabibilang sa grupo ng mga wikang nanganganib (threatened) na mawala. Bagaman ginagamit pa rin ang mga wika bilang pamamaraan ng pakikipagtalastasan, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga nagsasalita nito. Mayroon ding apat (4) na wikang kabilang sa grupo ng shifting dahil wala nang marunong gumamit ng kanilang wika kung kaya’t hindi na ito maaaring ipasa sa susunod na henerasyon. Lima (5) ang kabilang sa grupo ng moribund dahil ang mga nakakatanda na lamang ang marunong gumamit ng wika, habang lima (5) rin ang bilang ng mga wikang kasama sa grupo ng mga nearly extinct dahil halos wala nang nakapagsasalita nito at walang oportunidad ang mga katutubo upang paunlarin o palaganapin pa ang kanilang mga wika. Mayroon ding tig-isang (1) wikang nabibilang sa dormant—itinuturing na lamang bilang simbolo ang kanilang salita dahil wala nang buhay na nakikipagtalastasan gamit ito—at unattested—kulang ang pananaliksik at dokumentasyon upang masabi ang tunay nitong kalagayan. Samantala, mayroon namang dalawang (2) wikang extinct dahil hindi na ito ginagamit ng kahit sino.
| Sukat ng posibilidad ng pagkawala ng mga wika (EGIDS Stage) | Mga Wika |
| Threatened | Adasen Agta, Dupaninan Agta, Mt.Iraya Agta, Umiray Dumaget Alanganan Alta, Northern Alta, Southern Ati Atta, Faire Atta, Pudtol Ayta, Abellen Ayta, Ambala Ayla Magantsi Ayta, Magbukun Bangon Bogkalot Bolinao I-wak Ibatan Isinay Itneg, Inalod Kalgan Kalgan, Kagan Manide Manobo, Kinamiging Subanen, Eastern Sulod Tadyawan Yogad |
| Shifting | Bagobo-Klata Batak Nutuanon Sambal |
| Moribund | Arta Bontok, Northern Bontok, Southwestern Dumagat, Remontado Inagta, Alabat |
| Nearly Extinct | Agta, Katutubung Ata Ayta, Sorsogon Ratagnon Tagbanwa, Central |
| Dormant | Eskayan |
| Extinct | Agta, Dicamay Agta, Villa Viciosa |
| Unattended | Katabagan |
Ayon sa panukat na ito, pababa nang pababa ang tyansang maipasa ang mga ito sa kabataan at mas mapalaganap pa ang kanilang kultura sa bansa.
Sangandaan ng pamahalaan, kultura, at wika
Ang noong isang makulay at maliwanag na nayon, puno ng kasiyahan at pagdiriwang, ay dahan-dahang kumukulimlim. Dahil sa patuloy na impluwensiya ng imperyalismo kasabay ng pag-usbong ng komersyalismo, naapektuhan ang wika at kultura ng ating mga katutubo.
Isa nang halimbawa nito ang mga pangyayari noong ika-21 ng Agosto, taong 2020, kung saan mayroong kasong naiulat tungkol sa pang-aabuso at pantutortyur ng mga sundalo sa mga Aeta sa Zambales, kung saan pinakain sila ng dumi at ipinakulong matapos bombahin ang kanilang komunidad dahil sa pagtutol nila sa isinasagawang minahan sa kanilang lugar.
Sunud-sunod pa ang pagpatay sa mga katutubo at paglusob sa kanilang kabuhayan at tirahan gawa ng mga awtoridad. Kadalasan pang ginagamit ang kampanya ng gobyerno laban sa mga komunista upang mapalayas ang mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno. Kamakailan lamang, noong ika-16 ng Hunyo ng kasalukuyang tao, pinatay ng mga sundalo ang tatlong Lumad na nagsasaka lamang ng abaca nang maganap ang karumaldumal na pangyayari. Ayon sa mga awtoridad, binaril nila ang mga katutubo dahil sila ay ‘nanlaban’.
Napakaraming katutubo ang napipilitang lumipat ng titirahan sa ngalan ng huwad na pagsusulong ng kaunlaran sa bansa, sa kabila ng hinaing ng mga katutubo na matamasa ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno. Imbes na sila ay dinggin, paulit-ulit pang nilalabag ng mga awtoridad ang kanilang karapatang pantao.
Bunga ng pagmamaltrato sa mga katutubo, umabot na sa dalawang wika ang nawala sa nakalipas na mga taon. Ayon sa Expanded Graded International Scale (EGDIS), ang Agta Dicamay at Agta Villaviciosa ay tuluyan nang namatay.
Ang mga Agta ay nabibilang sa pangkat etnolinggwistiko ng mga Negrito at nakakalat ang kanilang grupo sa iba’t ibang parte ng Luzon. Noon, ang mga Agta Villaviciosa ay nakatira sa Villaviciosa na matatagpuan sa kanlurang Abra at bahagyang malapit sa Ilocos Sur. Sa kabilang banda, ang Agta Dicamay naman ay matatagpuan sa Ilog Dacamay, malapit sa mga bundok ng Sierra Madre. Ayon sa mga tala, ang kanilang wika at kultura ay tuluyang nawala noong taong 1960.
Tungkulin at papel bilang isang Pilipino
Habang ang wika at kultura ng mga katutubo ay nanganganib na mawala, nagiging banta rin dito at sa kanilang seguridad ang pang-aabuso ng mga awtoridad sa kanilang karapatan. Nakababahala ang sitwasyon ng ating mga kapatid na katutubo, gayunpaman, mayroon tayong kailangang iatim sa ating isipan: hindi pa huli ang lahat para sa kanila, at mas lalong hindi pa huli ang lahat para sa iyo.
Sa ngayon, mayroong malaking bilang ng mga grupong may nais na makatulong sa pangangalaga ng mga nanganganib na wika. Isa na rito ang pagsusumikap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na protektahan at ipalaganap ang mga ito. Ayon kay Pelagio, isang tagapanaliksik mula sa komisyon, sila ay mayroong layuning pagyamanin at palaganapin pa nang husto ang mga wika dito sa bansa—lalong lalo na ang mga sinasalita ng mga katutubo. Ganito rin ang pakay ng Defenders of the Indigenous Languages of the Archipelago (DILA).
Sa kabila nito, kailangan nating isabuhay ang ating mga pinaniniwalaan bilang mga mananalita ng wikang Filipino. Hindi lang natin ito kailangang gamitin at tanggapin; kailangan natin itong mahalin at pahalagahan. Ang wika ay isa sa mga pinakamahalagang kasangkapan sa ating pagkakakilanlan. Kung hahayaan lang nating mamatay ang wika ng mga katutubo, binibitawan natin ang pagkakataong lubos na makilala ang kulturang Pilipino.
Subalit hindi dapat nagtatapos dito ang ating pagsusumikap sa pagprotekta at pagsalba ng mga wikang nanganganib nang mawala. Kailangan din nating ayusin sistema ng ating edukasyon. Ang itinuturo sa mga paaralan ay isang produkto ng imperyalismong nagpapalala ng ating sitwasyon. Higit pa rito, kailangan nating panagutin ang mga abusadong indibidwal na inaapi at binabalewala ang karapatan ng mga kapwa nating Pilipino.
Kailangan nating pangalagaan ang yamang ito na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan. Sama-sama nating protektahan at ipreserba ang wika at kultura ng mga katutubo—oras na para ibalik ang kulay sa nayon.
SANGGUNIAN:
Agta, Dicamay. Ethnic Groups of the Philippines. (n.d.). Retrieved October 27, 2021, from http://www.ethnicgroupsphilippines.com/people/ethnic-groups-in-the-philippines/agta-dicamay/.
Agta, Villaviciosa. Ethnic Groups of the Philippines. (n.d.). Retrieved October 27, 2021, from http://www.ethnicgroupsphilippines.com/people/ethnic-groups-in-the-philippines/agta-villaviciosa/.
Bolledo, J. (2021, June 16). 3 Lumads, including 12-year-old, killed by military in Surigao – Karapatan. Rappler. Retrieved October 26, 2021, from https://www.rappler.com/nation/lumad-manobo-tribe-members-killed-by-military-surigao .
Commoner. (2021, August 27). Our local languages are dying out. here’s what’s at stake. Medium. Retrieved October 24, 2021, from https://mediacommoner.medium.com/our-local-languages-are-dying-out-heres-what-s-at-stake-67e62984563f.
Defenders of indigenous languages of the archipelago (Dila) – introduction. (n.d.). Retrieved October 24, 2021, from https://dila.ph/introduction.html.
Lingao, A. (2017, July 25). Duterte threatens to bomb Lumad Schools. cnn. Retrieved October 30, 2021, from https://cnnphilippines.com/news/2017/07/25/Duterte-threatens-to-bomb-Lumad-schools.html.
Manila Bulletin. (2021, August 14). Some of our languages are dying and what we are doing to save them. Manila Bulletin. Retrieved October 24, 2021, from https://mb.com.ph/2021/08/13/some-of-our-languages-are-dying-and-what-we-are-doing-to-save-them/.
Philippines, M. (2019, September 3). [opinion] our languages are in trouble, so what? Rappler. Retrieved October 24, 2021, from https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/philippine-languages-in-trouble-so-what.
Philippine Star. (2020, September 1). CHR to investigate alleged military maltreatment of Aetas in Zambales. Philstar.com. Retrieved October 26, 2021, from https://www.philstar.com/nation/2020/09/01/2039367/chr-investigate-alleged-military-maltreatment-aetas-zambales. Teves, C. (2019, August 1). KWF tightens bid to protect Indigenous languages. Philippine News Agency. Retrieved October 24, 2021, from https://www.pna.gov.ph/articles/1076754#:~:text=Earlier%2C%20Pelagio%20said%20most%20endangered,and%20Manobo%20Ilyanen%20in%20Mindanao.
