
Ni Jaemie Talingdan at Therese Catapang
Sa pagsagupa ng COVID-19 sa ating bayan noong mga nakaraang taon magpahanggang ngayon, hindi mabilang ang nawalang oras, oportunidad, at para sa iba, mga mahal sa buhay. Mula sa kanyang mga nakakaantig na pangaral hanggang sa mga nakatutuwang istoryang narinig natin mula sa kanya, sino ba namang makalilimot sa isang masiglang gurong palaging bumubuhay sa matamlay na paligid ng kanyang mga estudyante, katrabaho, kaibigan, at mahal sa buhay?
Bilang Guro
Kilala si Ser Bok Pioquid bilang makabayan at radikal na guro simula’t sapul sa Ateneo dahil sa kanyang taos-pusong pagmamahal sa bansa at kagustuhang makatulong sa komunidad. Noong 2016, matatandaan ang idinaos na noise barrage ng mga estudyante ng Ateneo High School bilang pagtutol sa paglibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ayon sa pagsasalaysay ni Benjo Camba, ang noong pangulo ng ASHS Sanggunian, lubos na sinuportahan ni Ser Bok ang kanilang desisyon na isagawa iyon, hindi lamang dahil siya ang noong moderator ng Sanggunian, kundi dahil tulad nila, alam din nitong hindi bayani si Marcos. Bagaman may ilang mga magulang na hindi ikinatuwa ang nangyari, dinepensahan ni Ser Bok ang mga lumahok sa noise barrage at pinangatwiranan na karapatan lamang iyon ng mga estudyante.
Bukod sa pagiging makabayang guro na bukal ang pagmamahal sa bayan, tumatatak sa puso’t isipan ng kanyang asawa, anak, mga katrabaho at estudyante kung paano siya nakapag-iwan ng marka sa kanilang buhay. Tulad ng sinabi ni Ma’am Michelle Pioquid, ang kabiyak ni Ser Bok, “Gusto niyang ipinapadama na importante lahat ng tao.” Hindi nabigo si Ser Bok na iparamdam sa kanyang kakilala at malalapit sa puso na espesyal sila sa anumang paraan. Bagkus, ating sariwain ang mga iniwang alaala ng isa sa mga taong nagbigay-buhay sa komunidad ng ASHS mula sa mga nakaaantig na kwentong ibinahagi ng mga mahal niya sa buhay.
Para sa kaniyang mga naging mga katrabaho, mga kaibigan, at mga estudyante, nakapag-iwan si Ser Bok ng mga mahahalagang aral, higit pa sa kaniyang mga itinuturo bilang guro sa Christian Service and Involvement Program (CSIP).
Bilang isa sa mga tagapayo ng Teatro Baguntao noon, hindi lamang ukol sa pag-arte ang mga ibinahagi niyang aral—itinatak niya sa mga miyembro nito ang mismong kabuluhan ng teatro. Ipinakita ni Ser Bok ang kahalagahan ng pagbibida ng mga kwentong Pilipino sa teatro upang makatulong at makapagpataas ng kamalayan tungkol sa iba’t ibang mga isyu sa bansa. Sa mga salita ng dating kapwa tagapayo niyang si Sir Cholo Ledesma: “He brought us out of our shell—of being elitist, ‘yung pagiging mayabang. He showed us that it doesn’t matter. What matters is you help, you raise awareness, you make theatre that has these Filipino narratives, these real experiences of hardship. You’re not going to get that from any theatre mentor.” Inihayag rin niya kung paano nakitaan ni Ser Bok ng potensyal ang bawat miyembro, gaano man karami o ka-kaunti ang kanilang kaalaman sa pag-arte, at tinulungan silang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.
Sa loob man o sa labas ng tanghalan, nakapag-iwan si Ser Bok ng bukod-tanging marka sa buhay ng mga taong kaniyang nakasalamuha’t nakilala noon. Mula sa kaniyang walang sawang suporta hanggang sa paraan ng pagpapakita niya ng tiwala sa kaniyang mga minamahal, hindi maikakaila ang positibong impluwensiya niya sa buhay ng iba, mapa-kaibigan man, katrabaho, estudyante, o kapamilya.
Ibinahagi ni Sir Ian Ganhinhin, noong guro ng agham sa ASHS, kung paano siya sinuportahan at pinaniwalaan ni Ser Bok bilang kaibigan at dating Student Activities Coordinator. Hindi man nakita ni Sir Ian noon ang kaniyang sarili sa isang posisyong bukod pa sa pang-akademiko lamang, ipinagkatiwala sa kaniya ni Ser Bok ang posisyon ng tagapayo ng Council of Student Organizations. Bagaman hinarap ng mga pagsubok dahil sa simula ng pagtanggap ng ASHS ng mga estudyanteng kababaihan, patuloy siyang ginabayan at sinuportahan ni Ser Bok sa kaniyang pag-unlad bilang tagapayo.
Bilang isang guro, hindi rin mawawala ang pababahagi niya ng karunungan sa kaniyang mga estudyante. Ngunit para kay Igo Verayo na isa sa mga mag-aaral ng 12-Kibe, ang huling pangkat kung saan nasilbing gurong tagapayo si Ser Bok, siya ay nabahaginan na ng mga mahahalagang aral bago pa man maging ganap na estudyante ni Ser Bok. Sa kaniyang paglaki, itinuring niya bilang kaniyang tito si Ser Bok, buhat ng pagkakaibigan nila ng kanyang ama. Sa isang exposure trip na kaniyang dinaluhan bilang parte ng kanilang student committee sa ikalimang baitang, tila nabago ni Ser Bok ang pananaw niya sa pagiging lider. Tulad ng sabi noon sa kanya ni Ser Bok, “Lahat ng tao mahalaga, lahat ng tao importante. We all play a part in how society makes a means for itself, not one person is inferior to the progress we experience as a whole.”
Bilang Kaibigan
Kahit tipong mga karaniwang araw sa paaralan ay nagiging espesyal dahil sa pagiging palakwento at palabiro ni Ser Bok. Tuwing tanghalian, ayon kay Ma’am Aileen Bernas, isang katrabaho at kasama sa eskwelahan ni Ser Bok, madalas magkwento si Ser Bok tungkol sa pamilya at mga paglalakbay niya. “Pero marami ring pagkakataon na ‘pag kasama namin si Ser Bok, nandyan ‘yung seryosong usapan,” dagdag ni Ma’am Aileen. Bukod sa pagiging palakwento, kaya rin ni Ser Bok pakibagayan kahit sino. “Kada pupunta yan sa opisina namin, madalas babati siya sa lahat ng kasamahan namin dito. Si Ser Bok kasi, kahit hindi niya pa ganun ka-close yung tao, lagi siyang parang hyper. Yung first impression ko sa kanya, parang feeling close kaagad siya kahit hindi niya pa ganun kakilala yung tao. Kinalaunan, natuwa ako sa kanya kasi ganun pa rin, hindi siya nagbabago.”
Samantala, nagbahagi naman si Sir Tootsie Delos Santos, katrabahong guro ni Ser Bok, ng nakatutuwang ala-ala kasama ang matalik na kaibigan. “Minsan kapag sarado na ang canteen, wala nang pagkain. Si Bok, nag-ooffer yan ng pagkain, tapos malalaman ko kinaumagahan, hindi pala sa kanya ‘yon, galing pala sa ibang cubicle, pero…‘yung mga cubicle ng mga teacher na kakilala niya rin at alam niyang iniiwan din lang.” Ayon kay Sir Tootsie, isa ito sa mga patunay kung gaano maaalalahaning katrabaho si Ser Bok na kaya niya pang magmala-Robin Hood sa mga sitwasyong iyon.
May mga pagkakataon ding mabilis mapansin ni Ser Bok kapag malungkot ang isang tao tulad ng naranasan ni Ma’am Carol Laforteza, isa sa mga malalapit na kaibigan at katrabaho ni Ser Bok. Ayon kay Ma’am Carol, niyaya siya noon ni Ser Bok magbisikleta bagamat tumanggi siya noong una dahil masyadong mataas ang bisikleta. Ngunit ginawan ito ng paraan ni Ser Bok dahil nayuyupi (folding) naman ang bisikletang gamit. Matapos ang ilang minutong pagbibisikleta sa palibot ng paaralan, unti-unting napagaan nito ang kanyang loob kaya’t sinabi ni Ser Bok kay Ma’am Carol, “Diba, sabi ko sa’yo kailangan mong magbike.” Nakatutuwang isipin na nagagawa pa rin ni Ser Bok na pasiglahin ang araw ng ilan sa pamamagitan ng maliliit na bagay.
Bilang Ama
Tulad ng espesyal na paturing ni Ser Bok sa kanyang mga katrabaho at estudyante, naguumapaw din ang kaniyang pagmamahal sa pamilya niya lalo na sa kanyang asawa at anak na si Ashley. Ni minsan ay hindi ikinahiya ni Ser Bok na ipahayag ang pag-ibig nito sa kaniyang pamilya tuwing kausap sila sa telepono habang kasama ang mga kapwa-guro, ayon kay Sir Tootsie. “[Araw-araw] ‘pag nasa faculty room [at] gabi na, maririnig ko sasabihin niya sa kanila na mahal niya sila. ‘Di siya nahihiyang sabihin ‘yon [kahit] marinig ng ibang tao. Very proud [din] siya sa anak [niyang] si Ashley.”
Hands-on, malambing at mairugin na ama kung ilarawan si Ser Bok. Itinuturing mang pangalawang magulang ng marami sa kaniyang trabaho bilang isang guro, wala pa ring mas hihigit sa kaniyang pagmamahal at pag-aaruga sa kaniyang anak. “Mapagmahal at makulit siyang tatay. Matulungin din, kasi kapag nahihirapan ako sa schoolworks ko, lalo na sa Filipino, tinutulungan niya ako, pati sa Arts at Music… Tapos ‘pag di ako nagigising, kinikiliti niya ko. Malambing talaga siyang tatay,” ika ni Ashley.
Tila bawat araw na kasama si Ser Bok ay nagiging espesyal ayon naman kay Ma’am Michelle, ang kabiyak ni Ser Bok. Higit pa sa pagiging magiliw at walang humpay na pagpapahayag niya ng pag-ibig, hindi rin napababayaan ni Ser Bok noon ang mga karaniwang gawain sa bahay at mga simpleng katungkulan bilang isang asawa. “Sobrang mapagmahal talaga ni Bok tsaka all-around yan. Ultimo paggupit ng buhok, kayang-kaya niya, ginagawan niya ng paraan [ngayong may pandmeya] dahil bawal lumabas. Talagang maalaga din siya—hindi pwedeng may nasasaktan [at] may napapabayaan,” ibinahagi ni Ma’am Michelle. Dagdag pa rito, hindi rin daw hinahayaan noon ni Ser Bok matapos ang araw nang hindi sila nagbabati sa tuwing may hindi pagkakaintindihan sa kanilang pamilya.
Tunay na kakaibang pagmamahal na walang katulad ang ipinamalas ni Ser Bok sa kanyang pamilya maging sa kanyang mga katrabaho, kaibigan, at estudyante, at ilan lamang ang mga kwentong ito sa napakarami pang buhay na naantig niya. Hindi maikakailang napakalaking kawalan sa ating komunidad ang pagkamatay ni Ser Bok, ngunit yumao man, habang buhay mananatili sa atin ang mga iniwang niyang aral at alaala.
