ABM seniors,  ipinagdiwang ang kanilang Paglaom

Ni Isabella Magno

Idiniwang ng mga mag-aaral ng Accountancy, Business, and Management (ABM) ng Ateneo de Manila Senior High School (ASHS) ang kanilang pagtatapos sa sekondarya sa unang bahagi ng Seremonya sa Pagtatapos kaninang umaga, Hunyo 3. 

Nagsimula ang seremonya sa pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas na agad namang sinundan ng pambungad na panalangin ni Fr. Braulio M. Dahunan SJ. 

Pagkatapos, sinundan naman ito ng recorded na mensahe ni Denyz Virj V. Del Villar, ang isa sa mga batch salutatorian na nagmula sa 12-Grodecky ng General Academic Strand. 

Ayon sa kaniya, ang pagtatapos na ito ay simula lamang ng mas lalong “malaki at mahalaga” pa nilang paglalakbay. 

My dearest batchmates, this is our starting line. This is our arena. And from this point on, how well we play is up to us,” ika ni Del Villar sa kaniyang talumpati. 

Nagbigay din ng talumpati ng pasasalamat ang isa pang batch salutatorian na si Deanne Gabrielle D. Algenio ng 12-Beyzym. 

Sa talumpati niya, pinasalamatan ni Algenio ang Panginoon, sa mga naging punong-guro para sa pagbibigay daan sa pag-unlad ng mga mag-aaral, sa mga guro at faculty members na nagsilbing role models, at sa mga kapwa niyang kamag-aral para sa pagkakaibigan, suporta, at pagmamahal. 

Matapos ang mga talumpating ito, iniharap ni Ginoong Luis Allan B. Melosantos, ang Assistant Principal for Academic Formation, ang mga tatanggap ng mga Gawad Kahusayang Panlarang na ibinibigay sa mga mag-aaral na nagpamalas ng “kahanga-hangang” akademikong kakayahan sa loob ng dalawang taon sa ASHS. 

Natanggap ni Miguel Lorenzo G. Baquiran ng 12-Anchieta ang parangal, kasabay ng kanyang pagkakahalal bilang batch valedictorian.  

Sa talumpati ng pamamaalam ni Baquiran, binigyang-diin niya ang pagdating sa totoong buhay kung saan ang katotohanan ay nailalagay sa alanganin, bilang mga nabigyan ng tamang aral, dapat na tumindig at manindigan sa tama. 

Ayon kay Baquiran, “When human rights and truth are on the line, there is no other choice but to stand loud and proud. […] We have all taken a stand, but the question now is how we move forward. Escape comfort zones to abolish unequal footings, such as the hill on which we stand.”

Naging pandagdag na ideya naman sa talumpati ang mensahe ng panauhing pandangal na si G. Albert C. Cuadrante, isang Union Bank Chief Marketing Officer. 

Inihayag ni G. Cuadrante na ang mga namamayagpag daw sa buhay ay ang mga taong hindi natatakot umalis sa kanilang comfort zones, ang mga marurunong tumanggap at maglutas sanhi ng pagkabigo, at ang mga mulat sa kanilang tunguhin sa buhay. 

I don’t expect you to have your purpose figured out. […] But as you enter adulting, it is important that you start thinking about your ‘why’,” dagdag pa niya. 

Sa huli, hinikayat niya ang mga nagsipagtapos at sinabing,  “Our purpose is never about ourselves,” kaya naman pinayuhan niya sila na dapat nilang itatak sa kanilang isipan na determinasyon, kamalayan sa sarili, at layong makatulong sa kapwa ang ilan sa mga pinakamahalagang hakbangin tungo sa pagkamit ng pagtatagumpay. 

Matapos nito, isinuot na ng mga nagsipagtapos ang medalyong may sagisag ng Ateneo de Manila; isang patunay na karapat-dapat ang isang nagtapos na maituring na isang Atenista.

Binasa na rin ng mga tagapayo ng bawat klase ng Larang ng ABM ang pangalan ng mga nagsipagtapos upang kunin ang kanilang mga diploma. Ang pagkakasunod-sunod ay: 12-Acquaviva, 12-Anchieta, 12-Beyzym, 12-Bobola, 12-Carvalho.

Samantala, isang oath-taking naman ang pinamunuhan ni G. Gilbert Ernani Cariño, pangulo ng Ateneo Alumni Association, upang pormal na tanggapin ang mga nagtapos sa organisasyon. 

Bilang pangwakas, natapos ang buong seremonya sa pag-awit ng Song for Mary at ang recessional na pinangunahan ng ABM Strand Coordinator na si G. Ferdinand Francis V. Verayo I, na siya ring nagsilbing guro ng palatuntunan.

Larawan ni Desaraie Potot at Billie Mercado

Leave a comment