Ni Isabella Magno
Suot ang togang simbolo ng wakas ng kanilang mga taon sa sekondarya, maagang gumayak ang senior classes ng Larang ng Humanities and Social Sciences (HumSS Strand) ng Ateneo de Manila Senior High School (ASHS) para sa kanilang Taunang Pagtatapos, Sabado ng umaga, Hunyo 4.
Kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, ang seremonyang ito ay dinaluhan ng mga nagsipagtapos mula sa mga klase ng 12-Grodecky, 12- Holland, 12-Kibe, at 12-Miki.
Nagsimula ang palatuntunan sa processional ng mga opisyal ng unibersidad, at ito ay agad namang sinundan ng Pambansang Awit at ng pambungad na panalangin na pinangunahan ni Fr. Braulio M. Dahunan SJ.
Pagkatapos, pormal nang pinroklama ng punong-guro ng ASHS na si G. Noel P. Miranda ang pagsisimula ng okasyong ito.
Kasunod nito, ipinakilala ang mga salutatoryan ng Batch 2022 ng ASHS na sina Denyz Virj V. Del Villar ng 12-Grodecky at Deanne Gabrielle D. Algenio ng 12-Beyzym, upang maging hudyat ng pagbibigay nila ng mensahe sa kanilang kapwa mag-aaral.
Sa Talumpati ng Pagbati ni Del Villar, sinabi niyang bagaman tunay na God gives his toughest battles to his strongest soldiers, hindi dapat mangamba kung hindi ikaw ang pinakamalakas sa lahat.
“The ability to recognize our weakness is a testament to our humanity. Vulnerable, yet powerful all the same. […] We may not be the strongest soldiers, [but] that’s okay. […] It was necessary and we had no other choice. […] It is the most important validation that symbolizes how far we’ve gone,” pagdiin ni Del Villar sa kaniyang mensahe.
Sa kabilang banda, isang pre-recorded video message naman ang ipinakita para sa Talumpati ng Pasasalamat ni Algenio, kung saan binanggit niya ang mga taong naging parte ng pagtatagumpay ng bawat estudyanteng nagsipagtapos sa pagkakataong ito.
Samantala, tinawag naman sa entablado si G. Luis Allan B. Melosantos, Assistant Principal for Academic Formation, upang ipresenta ang nakatanggap ng Gawad Kahusayang Panlarang, isang parangal para sa mag-aaral na nakaabot ng pinakamataas na ranggo sa kinabibilangang larang.
Sa Larang ng HumSS, si Denyz Virj V. Del Villar ng 12-Grodecky ang ginawaran ng James J. O’Brien SJ Award o Gawad Kahusayang Panlarang para sa HumSS Strand.
Matapos nito, nagbigay naman ng mensahe ang panauhing pandangal na si G. Jose Antonio P. Alonte at kaniyang sinabi naiiba ang mga galing sa Ateneo dahil ang mga prinsipyong mula sa paaralang ito ay ituturo sa iyong kung paano “magpakatao” at “maging katangi-tangi”.
“You are going to a place where everyone is smart, [but] you can stand out by being kind. Your kindness shall be your greatest differentiator, which you can show in a lot of ways. […] Positively impact those around you. I am certain that through kindness, you will make a difference,” pagtatapos ni G. Alonte sa kaniyang talumpati.
Pagkaraan nito, opisyal namang pinatunayan na karapatdapat ang mga mag-aaral sa pagtanggap ng diploma at sertipiko mula sa Ateneo de Manila nang pamunuan ni G. Miranda ang paglalagay nila ng medalyong may sagisag ng pamantasan.
Binasa na rin ng mga tagapayo ng bawat klase ng Larang ng HumSS ang pangalan ng mga nagsipagtapos kasabay ng isa-isa nilang pag-akyat sa stage.
Sinundan naman ito ng isang panunumpa na pinangunahan ni G. Gaudencio S. Hernandez Jr., Treasurer ng Ateneo Alumni Association, upang ganap na tanggapin ang mga bagong nagsipagtapos bilang mga bagong kasapi ng asosasyon. Pagkatapos nito, winakasan ang palatuntunan sa pamamagitan ng pag-awit ng Song for Mary at recessional na pinokralama ni G. Ignacio C. Soriano, ang guro ng palatuntunan at Strand Coordinator ng Larang ng HumSS.
Larawan nina Renee Tolentino at Earl Valenzuela
