Mga mag-aaral mula sa STEM, opisyal nang nagtapos

Ni Isabella Magno

Sa huling pagkakataon bilang mga mag-aaral ng Ateneo de Manila Senior High School, nagsama-sama ang mga Batch ‘22 na mag-aaral na kabilang sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM Strand) sa ASHS sa araw ng kanilang Taunang Pagtatapos, Hunyo 4. 

Ang programang ito ang huling bahagi ng serye ng mga Seremonya ng Pagtatapos para sa Taong 2021-2022, at dinaluhan ng mga magulang at mag-aaral mula sa senior classes ng STEM Strand: 12-Navarro, 12-Ogilvie, 12-Oldcorne, 12-Pantalia, 12-Pro, 12-Sullivan, 12-Walpole, at 12-Xavier.  

Ang unang bahagi ng okasyon ay ang processional na sinundan ng pag-awit sa Pambansang Awit ng Pilipinas at ng panalangin na pinangunahan ni Fr. Braulio M. Dahunan SJ, habang ang pormal na pagbubukas ng programa ay ipinroklama ng punong-guro ng ASHS na si G. Noel P. Miranda. 

Pagkatapos nito, nagbigay naman ng talumpati ang dalawang batch salutatorian na sina Denyz Virj V. Del Villar at Deanne Gabrielle D. Algenio sa pamamagitan ng pagpapalabas ng pre-recorded video message nila. 

Si Del Villar ang nagbigay ng Talumpati ng Pagbati, habang si Algenio naman ang nagsalita para sa Talumpati ng Pasasalamat. 

Sunod namang tinawag sa entablado si G. Luis Allan B. Melosantos, Assistant Principal for Academic Formation, upang ipakilala ang nakatanggap ng Gawad Kahusayang Panlarang, isang parangal na ibinibigay sa mag-aaral na nakakuha ng pinakamataas na ranggo sa kinabibilangang larang dahil sa ipinamalas nitong “kahanga-hangang”kakayahang pang-akademiko. 

Ginawaran ng Prudencio F. Macayan SJ award o Gawad Kahusayang Panlarang para sa STEM Strand si Joseph Emmanuel G. Lopez ng 12-Pantalia. 

Kasunod nito, ipinapanood na rin ang Talumpati ng Pamamaalam ng batch valedictorian na si Miguel Lorenzo G. Baquiran.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Baquiran na dapat nilang gamitin ang kanilang paninindigan at katapangan upang ipagpatuloy ang kani-kaniya nilang mga laban.   

Sa mensahe naman ng panauhing pandangal na si Hon. Stella Luz A. Quimbo, itinatak niya sa isipan ng mga magtatapos na sila ay mapalad dahil nakapag-aral sila STEM, lalo na ngayong ang susi sa maraming suliranin sa mundo ay isang kritikal na pag-iisip. 

You are so blessed for having attended the STEM Strand. […] Believe us — a scientific mind is going to be the comparative advantage wherever you end up in, whatever you end up doing. […] As STEM graduates, it is incumbent upon you to lead your generation in the fight against disinformation and fake news,” pahayag ni Hon. Quimbo. 

Pagkaraan nito, ipinasyang opisyal ang karapatan ng mga nagsipagtapos na tumanggap ng diploma mula sa ASHS kasama ng mga karapatang nauukol dito nang ito ay pagtibayin ni Fr. Roberto C. Yap SJ, pangulo ng pamantasan. 

Pagkatapos, pinasuot na sa mga mag-aaral ang medalyong may sagisag ng Ateneo de Manila at isa-isa na silang pinaakyat sa entablado, kasabay ng pagbasa ng kanilang mga tagapayo sa kanilang mga pangalan.

Sinundan naman ito ng isang panunumpa na pinangunahan ni G. Simon R. Paterno, Vice President ng Ateneo Alumni Association, upang ganap na italaga ang mga bagong nagsipagtapos bilang mga bagong kasapi ng asosasyon. 

Pagkatapos nito, winakasan ang palatuntunan sa pamamagitan ng pag-awit ng Song for Mary at recessional na pinokralama ni Ginang Josephine R. Sacluti, ang guro ng palatuntunan at Strand Coordinator ng STEM.