
Ni Isabella Magno
Nagsilbing hudyat ng pagsalubong sa isang bagong paglalakbay para sa mga seniors na nagmula sa General Academics (GA) Strand ang isinagawang Taunang Pagtatapos kahapon, na may temang Paglaom, isang salitang Waray na nangangahulugang pag-asa.
Pangalawa ang pagtatapos na ito sa mga serye ng seremonya para sa pangkat ng mga mag-aaral na magtatapos ngayong taon sa Ateneo de Manila Senior High School (ASHS) at kinabibilangan ito ng mga mag-aaral mula sa 12-Daniel, 12-Denn, 12-Evans, 12-Geronimo, at 12-Gonzalez.
Matapos ang processional ng mga dumalong opisyales ng unibersidad, ang okasyong ito ay pormal na binuksan ni Ginoong Noel P. Miranda, punong-guro ng ASHS.
Sumunod naman dito ang dalawang talumpati mula sa dalawang batch salutatorian na ibinahagi sa pamamagitan ng pre-recorded videos.
Ang Talumpati ng Pagbati ay inilahad ni Denyz Virj V. Del Villar (12-Grodecky), habang ang Talumpati ng Pasasalamat ay ibinigay naman ni Deanne Gabrielle D. Algenio (12-Beyzym).
Samantala, ang mga tatanggap naman ng Gawad Kahusayang Panlarang, isang parangal na ibinibigay sa mga nagpakita ng “nakamamanghang” akademikong kahusayan sa ASHS, ay ipinakilala ni G. Luis Allan B. Melosantos, Assistant Principal for Academic Formation.
Iginawad naman kay Niccolo Von Agujo ng 12-Daniel ang ang James P. Dunne SJ award o Gawad Kahusayang Panlarang para sa General Academics.
Pagkatapos nito, isang mensahe naman ang ikinintal ng batch valedictorian na si Miguel Lorenzo G. Baquiran mula sa 12-Anchieta ng ABM strand.
Sa kaniyang talumpati, sinabi niyang ang pagtatapos na ito ay isang simbolo ng paninindigan at katapangan ng ASHS community sa kanilang mga laban.
“Bagaman hindi maiiwasan ang mga pagkakataong ang ningas ng pag-asa’y naglalaho na sa kawalan, hangga’t nananatili ang ating lakas ng loob, ang lakas ng ating boses, [at] ang ating paninindigan, muli nating mapapasiklab ang apoy tungo sa isang umaalab na liwanag. […] Patuloy ang laban; liwanag ang mananaig,” bilin ni Baquiran sa wakas ng kaniyang talumpati.
Sa kabilang banda, isa pang mensahe ang ipinarating ng panauhing pandangal na si Dr. Marthony Precilla Basco.
Ipinaalala niya sa mga tagapakinig na ang pagiging Atenista ay hindi pagiging elitista, kaya naman ang bawat isa ay dapat na magsilbing liwanag mula sa Diyos at magpalaganap ng kabutihan para sa kanilang kapwa.
“Strive to go beyond the expectation. Hindi pwede ang ‘pwede na’. Be creative. Think within the box; think outside the box; and, think without the box,” dagdag pa ni Dr. Basco nang kaniya namang bigyang-diin sa mga nagsipagtapos ang kahalagahan ng paghahanap ng pagkakataong matuto sa bawat pagkakataon.
Matapos nito, pinatayo ng punong-guro ang mga kandidato at ipinasuot sa kanila ang medalyon na may sagisag ng paaralan, bilang pagpapatibay sa kanilang karapatang tumanggap ng diploma at sertipiko mula sa institusyon.
Sinundan naman ito ng pagbasa sa pangalan ng mga nagtapos, na isinagawa ng bawat tagapayo ng limang senior classes na napasailalim sa GA strand.
Isa namang oath-taking ang isinagawa ng mga bagong nagsipagtapos upang sila ay maitalaga bilang mga bagong kasapi ng Ateneo Alumni Association na pinamunuan ni G. Romeo A. Dalandan Jr., ang Trustee ng organisasyon.
Bilang pangwakas ng seremonya, inawit ang Song for Mary, kaalinsabay ng recessional of graduates na pinangunahan ng GA Strand Coordinator na si Binibining Caroline C. Laforteza, na siya ring nagsilbing guro ng palatuntunan.
