…dahil pagtapos ng ulan, may bahaghari

Pubmat ni Raymond Tayag

ni Renee Tolentino

[1] Mapupulang rosas na bumubusilak ang halimuyak. Iyan ang nadatnan mo pagbukas ng pinto. Sa pagmasid mo sa bawat talulot ng angking ganda ng bulaklak, unti-unti mo ring naririnig ang sigaw ng dugong dumadanak. Sa kabila ng ganda, may masalimuot na alaala. 

Nagpatuloy ka. Patuloy mong hinawakan ang tangkay ng rosas na puno ng tinik, galit, at dalamhati. Isang malalim na buntong-hininga at sinuob mo na ang pasilyong hindi tiyak kung saan papunta. 

[2] Sa iyong paglalakad, nahagip ng mata mo ang bukas na bintanang tila obrang pininta ng pinakamagaling na manlilikha—nakita mo ang tanawin ng dapithapong pinagara ng kahel na tinataglay niya. Dahil sa munting pag-asang dala ng ganda ng pagbaba ng araw, pinili mong maging matapang upang sugurin ang gabi at muling lumaban sa susunod na araw. 

Nakabibighani, tunay nga, kahit hindi maikakailang hindi mo pa masyadong kilala ang ginhawang dala dahil nga napaliligiran ng tinik ng mga rosas ang daanang iyong tinatahak. Gayunpaman, nagpatuloy ka. 

[3] Nagpatuloy ka. Sa sunod na mga yapak mo ay hindi na puro rosas ang nakapalibot sa’yo. Unti-unti, napansin mo ang mga mirasol na tumitingkad sa kulay na amarilyo, ‘sing liwanag ng araw na inaabot mo.

Pagkatapos ng tinik na dala ng mga rosas, niyakap ka ng ginhawang nakapaloob sa mga mirasol. Tila araw na mahahawakan, tila liwanag na mahahagkan.

[4] Nagpatuloy ka. Habang lumalayo, lumalago nang lumalago ang luntiang nasa paligid mo. Napuno ang pasilyo ng mga punong mula sa binhi ng pagdurusang bumunga ng hiwaga. Ituloy mo ang pag-ani sa regalong dulot ng hirap na pinaglaban ng kasaysayan—kahit maliit ang bunga, o munting dahon pa.

[5] Mistulang maaliwalas at maayos na ang paligid… ngunit, sa hindi inaasahan, kumulog nang napakalakas. Dala nito ang bughaw na ulap na puno ng ulan at sakuna. Muli kang nakaramdam ng takot. Sa bawat kulog ay para bang may kasamang sigaw—sigaw na tila ba ikaw ang pinupuntirya o inaalipusta. 

[6] Sa kabila nito, nagpatuloy ka. Sinuong mo ang bagyo hangga’t matanaw mo ang payong na kulay lila. Ito ang naging panangga sa malakas na patak ng ulan at mapanakit na sigaw na dala ng pagbuhos nito. 

Hanggang sa tumila na ang bagyo. Sa pagbaba mo ng iyong payong, nahagip ng iyong mata ang isang obra. Pagkatapos ng ulan, may bahaghari. Tinitigan mo ang obra at bumalik sa’yo ang paglalakbay mo.

[7] Sa unang tapak mo sa pasilyo, ang pagpatuloy mo ay mahalaga. 

Bumalik sayo ang bisyon ng pulang rosas na may tangkay na puno ng tinik na ‘singsakit ng panghuhusga ng mundo. Dinala mo ang hirap, dalhin mo ito sa ginhawa. 

Ang dapithapon at mirasol na iyong nakita, ito ang iyong antanda na lumakad at lumakad pa. Kay gandang magpatuloy hindi ba? Senyales ito na patuloy mong anihin ang pag-asa ng luntiang mga punong hiwaga ang tinatamasa.

Naalala mo ang bagyo, alam mong hindi pa iyon ang huling paghihirap kaya ihanda mo ang payong na iyong panangga. Huwag na huwag kang pumayag na maapi ng sistema, labanan mo sila kahit pa payong lang ang iyong sandata. Anong laban ng mapang-aping bagyo sa protestang pinaglalaban mo? Kaya magpatuloy ka.

[8] Palawakin mo ang sakop ng iyong paningin, hindi ka nag-iisa sa pasilyo, may kasama ka sa tinik, ginhawa, hirap, at pag-asa. 

Hindi ka nag-iisa sa pasilyo, may kasama ka.  At kasama niyo ang bahaghari.