Mga Tekstong Hindi Mabasa: Bakit Kailangan ang Filipinong Salin ng mga Pambansang Dokumento?

Thumbnail ni Raymond Tayag

Ni Billie Mercado

Kahit itinatag noong taong 1987, ang kasalukuyang Konstitusyon ng bansang Pilipinas ay wala pa ring salin sa wikang Filipino. Bagama’t ang Filipino at Ingles ay parehong mga opisyal na wika ng bansa, mukhang ang Ingles lamang ang ginagamit para sa mahahalagang pambansang dokumento. 

Binigyang pansin ito ng bagong halal na senador na si Robin Padilla, na kamakailan lamang ay nagpahayag na nais niyang magamit ang wikang Filipino sa mga dokumento ng pamahalaan at mga desisyon ng korte. “Parang hindi patas para dun sa mga kababayan natin na ‘di ko naman sinasabing hindi nakakaintindi ng English ano, kundi masyado kasing ‘yung may kinalaman sa batas, ‘yung mga English niyan masyadong hindi mo talaga din maitindihan. Kailangan na talagang magkaroon ng parehas na pagtrato sa salitang Filipino at English,” wika ni Padilla. 

Kilala ang mga Pilipino sa buong mundo bilang mga taong bihasa sa wikang Ingles, ngunit habang totoo na isa ito sa dalawang opisyal na wika ng Pilipinas, mahalaga rin na makamit ng bawat Pilipino ang mga dokumentong ito sa wikang Filipino, lalong-lalo na para sa mga taong hindi masyadong sanay sa paggamit ng wikang Ingles.

Gayundin, sapagkat ang ating Konstitusyon at iba pang mga pambansang dokumento ay nagsisilbing pundasyon sa pagtakbo ng gobyerno sa ating bansa, hindi ba nararapat na ang mga ito ay may bersyon sa isa pa nating opisyal na wika—o hindi kaya’y, ang ating tunay na sariling wika?

Para sa Pagkakapantay-pantay

Karamihan sa mga marunong magsalita at umintindi ng wikang Ingles nang walang kahirap-hirap sa Pilipinas ay ang mga edukadong Pilipino—sapagkat ang Ingles ay karaniwang natututunan sa mga paaralan. Bagaman ang Pilipinas ay palaging mataas ang ranggo sa buong mundo pagdating sa kahusayan sa wikang Ingles, mahalaga ring alalahanin na maraming Pilipinong hindi kasing angat sa lipunan tulad ng iba ay nahihirapan pa ring makipag-usap sa iba sa wikang ito. 

Ang mga Filipinong salin ng mga pambansang dokumento ay magbibigay ng pagkakataon sa masa, upang sila’y makisama sa pagpapaunlad ng bansa. Sapagkat, paano makakaambag ang bawat Pilipino sa pagpapabuti ng bayan kung wala silang makamit na Konstitusyon sa wika kung saan sila pinakakomportable?

Ang pagkakaroon ng parehong Ingles at Filipino na bersyon ng mga opisyal na dokumento—na ating dalawang opisyal na wika—ay makakatulong sa pagkamit ng isang sama-samang pakiramdam ng pagkakapantay-pantay, sa pamamagitan ng pagbasa sa mga ito sa wikang nakasanayan ng sarili.

Para sa Pagkakakilanlan 

Maliban sa posibleng pagbago ng mga ito sa persepsyon ng masa sa batas at sa pagpapalaganap ng isang klase ng pagkakapantay, ang pagsasalin ng mga pambansang dokumento sa wikang Filipino ay maaari ring makapukaw ng nasyonalismo. Sa pamamagitan nito, mas tunay na madadama ng maraming mga Pilipino ang pagiging bahagi nila ng isang bansang may sariling salita.

Ang pangunahing wika ng isang pangkat ay malaking bahagi ng identidad nito, sapagkat ipinapahiwatig nito ang isang katangi-tanging karanasan at kasaysayan. Ang pagtatanggol at pagpapalaganap sa paggamit nito sa araw-araw na buhay ay mahalaga sa pagpreserba ng mga Pilipino sa kanilang kultura.

Ang wika ay direktang konektado sa pagkakakilanlan ng isang tao, at kung gagamitin ito sa pambansang saklaw, maaari niyang ipagdiwang ang isang kolektibong pagkakakilanlan kasama ang kanyang mga kababayan.

Para sa Pagwawasak ng mga Maling Akala

Subalit napakahalaga ring malaman kung bakit nga ba na hanggang ngayon, ang mga dokumento tulad ng Konstitusyon ay mababasa lamang sa Ingles: mula noong panahon ng pagsakop ng Amerika sa Pilipinas, palaging mas mataas ang pagtingin sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino.

Maraming Pilipino ang nagtataglay ng maling paniniwala na ang kahusayan sa paggamit ng Ingles ay katumbas ng katalinuhan, kahit hinding-hindi naman ito totoo. Makikita pa rin ito ngayon, kung saan maraming mga paaralan sa buong bansa ay may mga “English only zones”— dito, bawal magsalita sa wikang Filipino ang mga mag-aaral, at at kung minsan ay pinagmumulta sila kung isasalita nila ito.

Pati ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ginagawang prayoridad ang pagpapanatili ng Pilipinas bilang isang English-speaking country, dahil sa kanyang palagay ay mas nakakatulong ito na iangat ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. Ngunit, ang tanging napatunayan niya sa inihayag niyang ito ay sadyang mababa rin ang tingin niya sa mga Pilipino na mas komportable na gumamit sa wikang Filipino.

Masasabi na kolonyalismong mentalidad pa rin ang sanhi ng mababang tingin ng maraming Pilipino sa sarili nilang wika at kultura. Kung hindi ito matutugunan, magpapatuloy ito sa pagbaluktot sa isip ng masa. 

Para sa Pagpapalaganap ng Ating Wika

Nakakalungkot na ang ating sariling wika ay tinitingnan na mas mababa kumpara sa Ingles; bagaman ang pagiging mahusay sa Ingles ay hindi naman isang masamang bagay, at sa katunayan mabuti rin na matuto ng ibang wika, ang pagkiling sa mga mas mahusay sa Filipino kaysa sa Ingles ay delikado hindi lamang sa mga indibidwal, kundi sa ating lipunan at sa mga iba’t ibang pananaw nito.

Ito ay isang panawagan para sa gobyerno na makita ang tunay na kinakailangan ng masang Pilipino ng bersyon ng mga mahahalagang dokumento sa wikang Filipino, lalong lalo na ang Konstitusyon. Sa pamamagitan nito, mas magiging bahagi ang mga karaniwang Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa.

Ngayong Buwan ng Wika, ipagdiwang natin ating sariling wika na Filipino—hindi lamang sa pagsasalita, kundi sana sa sistematikong pagpapatupad nito.