Ni Renee Tolentino
Sa pagtatapos ng buwan ng Agosto ay siya ring pagdaan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ngayong taon, umikot sa temang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” ang naturang kaganapan. Sa pagpasok ng buwan ng Setyembre, balikan muna ang yamang mensaheng dala ng tema, anong gandang-paraluman nga ba ang dala ng Katutubong Wika?
Mayaman ang Pilipinas, hindi lamang dahil sa mga tanawing nakabubusog sa tama o ‘di kaya’y dahil sa mga produktong lokal. Mayaman ang Pilipinas dahil taglay natin ang yaman ng pagiging iba-iba at may kanya-kanyang ipinagmamalaking kultura, at kasama na nga riyan ang malaking mapa ng Wikang Pambansa. Ayon sa Atlas ng mga Wika sa Pilipinas ng Komisyon ng Wikang Filipino, mayroong 130 na katutubong wika ang bansa—magkakaiba’t may kanya-kanyang gara.
Ang Perlas ng Pangunahing Wika ng Pilipinas
Tunay na kay rami ng wikang katutubong sa bansa ngunit tradisyunal ding tinatawag na mayroong walong pangunahing wika sa Pilipinas: Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Capampangan, Pangasinan, Sebwano, Tagalog, at Waray (Samar-Leyte). Minsan isinasama rin sa pangkat ang Mëranaw, Tausug, at Magindanaw. Sa mga wikang ito ay siyang perlas ng bawat isang rehiyon at bawat isang kultura sapagkat dala-dala ito ng milyong-milyong tagapagsalita. Ito’y naririnig sa bawat bagong araw at ito’y napakikilala bilang bahagi ng buhay ng bawat isa.
Naglalahong Bakas
Sa nabanggit na kaalaman ay hindi rin makaiilang malampasan ang katotohanang may mga katotohanan ang nawawala at sa kaso nga ng ating yaman mismo, mayroon nang limang katutubong wika sa bansa ang tuluyan nang namatay: Inagta Isarog ng Camarines Sur; Ayta Tayabas ng Tayabas, Quezon; Katabaga ng Bondoc Peninsula, Quezon; Agta Sorsogon ng Prieto Diaz, Sorsogon; at Agta Villa Viciosa ng Abra. Nararapat na sa susunod pang mga taon ay mas mapreserba ang mga natitirang wikang katutubo, hindi lang dahil sa yaman ito kundi dahil isa nga itong kasangkapan sa mas maunlad na bayan. Masasabing dala ng panahon ang pagkawala o pagbabago sa ilang wikang katutubo ngunit hindi sana madala ng impluwensiya nito ang katanyagan ng bansa pagdating sa pagpapalaganap ng sariling wika’t kultura.
Wikang Katutubo Bilang Aguhon ng Panahon
Aguhon–isang bagay na nakapagtuturo ng direksyon at pupuntahan, compass sa Ingles. Sa konteksto ng ating bansa, aguhon kung maituturing ang kaunlaran ng wika, pagkat ito ang nagmamaniobra ng bukas na hawak ang pagkakaisa.
Isipin ang bansang maunlad ang pagpapalaganap ng katutubong wika na kung saan masisilayan talaga ang pagkakaiba-iba ng mga kultura. Isipin din ang bansang hindi nawawala ang bakas ng mga katutubong wika na kung saan sa paglipas ng panahon ay mas lalo itong yumayaman at mas lalong napalalaki ang sinasakop nitong kaalaman. Kay ganda ng gayong bansa hindi ba? Na kung saan direksyon ng kaunlaran ang siya ring pag-unlad ng wikang kinagisnan.
Ngayon, isipin ang bansang may mga mamamayan na maging sariling wika ay hindi kilala, banyaga sa kanilang sariling salita? Maiisip ang bansang naliligaw, hindi ba? Kaya’t kahalagahan ng wikang katutubo ang magpatuloy sa bakas nitong maging kasangkapan sa pagtuklas at paglikha, kung saan hindi lang ito perlas, kung hindi isang aguhon kung maituturing. Aguhon sa bukas na may pagkakakilanlan—aguhon sa bukas ng pagpapatuloy sa yaman.
Bukas ng Bakas at Bigkas.
Wika—pangunahin, tradisyunal, katutubo, o kahit ano pa—ito ang nagsisilbing instrumento ng pagbabago at instrumento upang maukit ang yamang bakas ng kultura ng mga Pilipino, ito ang siyang marka, identidad, at karakter na taglay ng mga naninirahan sa bansa dahil ito rin ang ating aguhon at perlas na kay gara.
