Dula ng Teatro Baguntao: Meron pa bang Mabuting Mag-aaral

Ni Isabella Magno

Ibinada ng mga kasapi ng Teatro Baguntao (TBT) ang kanilang talento sa pagtatanghal sa pamamagitan ng isang napapanahong dulang, “Meron pa bang Mabuting Mag-aaral,” na inere sa Zoom noong Agosto 27 at Setyembre 3.

Tungkol sa Dula

Ang “Meron Pa Bang Mabuting Mag-aaral?” ay tungkol sa isang paaralan, ang Santa Maria Memorial School (SMMS), na dumaraan sa isang deliberasyon na umuukol sa iskolarsip ng isang mag-aaral, si Lucky Simplina (Agatha Meneses). Upang tulungan ang kanyang pamilya, at para na rin tulungan ang kanyang record bilang iskolar, si Lucky ay nagsisilbing tutor ng kanyang kapwa mag-aaral.

Ang dula ay umikot sa deliberasyon ng kung papanatilihin ba ang iskolarsip ni Simplina o hindi, kung saan naging tampok ang testimonya ng kanyang mga kapwa iskolar at mag-aaral: Sharon (Jane Tibon), Linda (Renee Tolentino), Jopay (Ashe Reposo), Faith (Iya Abaya), Yuri (Arthur Yoon), at Walter (CJ Isip).

Ayon sa mga testimonya ng ilang mga estudyante at faculty ng SMMS, si Lucky ay dumodoble bilang “Lucy” (Reddit account Lucy_BatchAngel20) na nagpapakalat ng mga answer sheet sa mga mag-aaral ng SMMS. Sa gayon, pinagbibintangan si Lucky/Lucy ng academic dishonesty—dahil dito, maaari siyang matanggalan ng iskolarsip.

Sa dulang ito, ang mga manonood ay binibigyan ng malaking pagkakataong makibahagi sa takbo ng dula bilang mga benefactor ng paaralan. 

Sa pamamagitan ng Zoom poll, ang mga manonood ang may hawak sa wakas ng dula dahil ang kanilang boto kung nararapat bang panatilihin ang iskolarsip ni Lucky/Lucy ang magiging basehan kung paano tatapusin ang pagtatanghal ukol sa paghusga sa pag-ayon ng bida sa passion, honor, at good moral character na hinihingi mula sa isang Mabuting Marian Scholar.

Ang dulang ito ay isang makabagong adaptasyon at “de/konstruksyon” ng The Good Person of Szechwan ni Bertolt Brecht, na unang itinanghal noong 1943. Halaw rin ito sa mga karanasan at ideya ng mga miyembro ng Teatro Baguntao, sa pangkalahatang panunulat ni Sabrina Basilio.

Koneksyon sa Komunidad ng ASHS

Sa isang pahayag na ibinahagi ni Cholo Ledesma, ang direktor at nagdisenyo ng mga tunog sa dula, nais ng TBT na hamunin ang bawat manonood na suriin ang sarili nilang mga pamantayan ng kabutihan, at maging bukas na rin sa pakikinig sa pananaw ng iba. 

Dagdag pa niya, nais nilang makintal sa pag-iisip ng bawat manonood ang tanong na , “Anong klaseng paraan ang maaari mong ipayo nang mabigyan ng masayang wakas ang mabubuting tao?”

Samantala, sinabi naman ni Ledesma na bagaman madami silang kinaharap na pagsubok habang ineensayo ang dula, ang mahalaga raw ay naging masaya ang mga kasapi ng TBT sa proseso ng kanilang paggawa. 

Sa ngayon, nasa proseso ang TBT sa pag-aakay ng mga bagong kasapi na makakasama pa nila sa mga susunod na pagtatanghal sa ASHS. “Kung palarin tayo at mas ligtas na magtanghal nang live sa loob ng ASHS campus, iyon sana ang aming gagawin. Pero kung kailangang online pa rin ang pagtatanghal, hahanapan pa rin namin ng paraan upang mag-eksperimento at sumubok ng mga bagong paraan ng pagtatanghal. Live man o online, patuloy pa rin kami sa pagkukuwento,” pagtatapos ni Ledesma sa kaniyang pahayag.

Thumbnail mula sa Teatro Baguntao