Sa Kahabaan ng SIRA Madre

Ni Harry Mercadero

“The Sierra Madre mountain range doing her thing,” sabi sa isang post mula sa Twitter. Umalingawngaw ng mga panawagan at paghanga sa kapangyarihang taglay ng Sierra Madre ang iba’t ibang plataporma ng midya. Ito ang parehong araw kung kailan tumama sa kalupaan ng Luzon ang bagyong Karding na siyang agarang humina nang makadaupang-palad ang bulubundukin. 

Kalasag kung ituring ang Sierra Madreng may habang 540 kilometrong bumabagtas sa mga probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, Laguna, at Quezon. Pinagtibay naman ang pananaw na ito ng Forest Foundation Philippines (FPP), isang grupong nagbabantay sa kalagayan ng mga ekolohikal na lugar sa bansa, nang kanilang isaad na may taas na 1, 266 metro sa ibabaw na lebel ng karagatan ang bulubundukin kaya mainam itong sanggalang sa mga bagyong nagmumula sa Pacific Ocean. Sa katunayan, hindi lang ngayong taon nag-ambon ng ganitong pagkakataon ang Sierra Madre, nasaksihan din ang parehong tagpo nang manalasa ang bagyong Lawin at Karen sa bansa. Noong namataan ang mga itong pumasok sa kapuluan ng Luzon nang taong 2016, agad din silang humina mula sa category 5 patungong category 3.

Pagbagtas sa Kahabaan ng SIRA Madre

Sa unang banda, nakapupukaw ang angkin nitong mga kagubutan, subalit kung sisipating maiigi, matatanaw ang nakakalbo nitong bahagi. Batay sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), magmula 1998 hanggang 2010, umabot sa 161, 240 ektarya ng kagubatan ang nalagas dito sa loob lamang ng 12 taon. Dagdag pa rito, ang 359, 486 ektaryang Natural Park ng hilagang Sierra Madre ay nagtatamo ng pinsalang umaabot sa 1, 400 ektarya bawat taon. Ayon sa parehong ahensiya, bunsod umano ito ng patuloy na paglapastangan sa angking yaman ng kabundukan bakas mula sa mga nakasisirang gawain tulad ng ilegal na pagpuputol ng puno, pagkakaingin, pangongolekta ng mga panggatong, ilegal na pangangaso, at paglobo ng bilang ng mga naninirahan dito.  Bagaman may mga artikulong nakalathala hinggil sa mga namataang kaso ng mga ilegal na gawain gaya ng nakumpiska nilang mga lumber sa Nueva Ecija, madalas bigo silang isiwalat ang mga taong nasa likod ng mga ito.

Kung lilingon sa sunod na banda, agad na sasalubong sa atin ang mga bantang umaaligid-aligid sa kabundukan.  

Nariyan ang pagbabadya ng proyektong pinondohan ng Tsina—ang Kaliwa Dam, sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” ng dating administrasyong Duterte. Layon umano nitong mabigyan ng sapat na supply ng tubig ang Metro Manila upang matugunan ang krisis nito sa kakulangan ng tubig. Ngunit, kapalit naman nito ay pagyurak sa mismong kagubatan at pagpapaalis sa mga katutubong naninirahan dito. Tinatayang nasa 1, 465 kabahayan sa Quezon at Rizal ang tuwirang maaapektuhan ng paglulunsad sa nasabing proyekto, habang 284 naman ang bilang ng mga maaaring malagay sa posibleng pagbaha o anumang sakuna sakaling mawasak ang mismong dam. Sa gayon, ang mismong pagpapasya sa pagsisimula at pagpapatuloy nito ay isang mariing pagsasawalang bahala sa kapakanan ng mga tao at mga likas na yamang nananahan sa bulubunduking kasalukuyang pumoprotekta sa atin mula sa mga bagyong dumarating. Isa pa, nanunukal din dito ang pangambang hatid ng lumalalang climate climate sapagkat habang tumitindi ang klima, nariyan ang bantang hatid ng mas malalakas pang bagyong paparating sa hinaharap. Kaya naman, ang pagsira sa isang bahagi ng bulubunduking sumasalag sa mga bagyo ay paglantad sa mga Pilipino sa mga posibleng delubyo.

Hindi lang din mga puno ang pinuputol ng proyektong ito kundi maging ang mga karapatang angkin ng mga katutubo. Batay sa isang panayam ni Engineer Ryan James Ayson, project manager mula Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), sinimulan na umano nila ang mga paunang hakbang sa pagtatayo ng Kaliwa Daw gaya ng paghuhukay at pagpuputol ng mga puno sa lugar. Gayunpaman, binigyang diin ni DENR Secretary Anotonia Yulo-Loyzaga na walang pahintulot o Free and Prior Informed Consent (FPIC) sang-ayon sa Indigenous Peoples’ Rights Act ng 1997 mula sa mga katutubong naninirahan dito kung kaya’t hindi mabibigyang bisa ang Environmental Compliance Certificate nito. Mula rito, mapagtatantong ang akmang pagsisimula sa dam ay pagtapak sa batas at mismong karapatan ng mga katutubong magpasya laban sa mga korporasyong ito.  

Sa pagbaybay naman sa kaibuturan ng bundok, masisilayan ang pusod ng pagkasira. 

Ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na umiiral ang mga aktibidad na siyang yumuyurak sa kabundukan ay ang kahinaan ng pagpapanatili at pagpapatupad ng mga batas. Noong 2020, sumiklab ang usapin ng pagpasok ng isang pribadong kompanya sa Masungi Georeserve, matatagpuan ito sa paanan ng Sierra Madre sa may Baras, Rizal. Kinilala ang kompanya bilang Roblu Inc. at iniulat na namataan umanong lumilibot ang mga armadong guwardiya nito sa 500 ektarya sa bandang itaas na bahagi ng protektadong lupain ng Marikina River Basin. Sang-ayon sa Proklamasyon Bilang 296 na inilabas noong 2011, idineklara bilang protektadong bahagi ng bulubundukin ang lugar na kanilang pinasok sa ilalim ng Batas Republika bilang 7586 o ang NIPAS Act. Namataan din ang pagtatayo ng Rublou Inc. ng mga bakod sa palibot ng bahaging ito, subalit sinabi ng Masungi Georeserve na wala umanong ipinakitang legal na dokumento bilang patunay na pinahihintulutan ang kompanya na gawin ito. 

Ugat din ng pagpapatuloy ng pagwasak sa bulubundukin ang lubhang pamamayagpag ng mga marahas na hakbangin upang sakupin ito. Hulyo ng taong 2021, si Kuhkan Maas, isang tanod sa kagubatan ng Sierra Madre, ay binaril sa ulo at leeg na halos ikamatay niya matapos ipagtanggol ang bahagi ng lugar na kaniyang binabantayan mula sa mga tauhan ng resort at mga kompanyang naghahanap ng paghuhukayan para sa itatayong istruktura. Sa ibingay niyang pahayag, binanggit niya na kung walang tanod sa lugar, posibleng nasakop na ng mga trespasser ang lugar. Marami na umano silang nahuling nagpuputol ng puno, nagsisiga ng kahoy, at nagtatayo ng mga istruktura para sa mga resort. Ganito kalubha ang mga nakakubling anino ng pandarambong ng mga kompanyang pilit kumakapit sa ngalan ng karahasan para lamang matamasa ang kanilang mga personal na adhikain. Batay sa tala ng Global Witness, 166 ang kinitil na tagapagtanggol ng mga lupain sa ilalim ng administrasyong Duterte simula 2016. 

Bagaman ito ang mga bagay na bubungad sa kahabaan ng bundok, hindi pa rin tuluyang nawawala ang diwa ng Sierra Madre—ang kahalagahan nito.

Ang mga karatig na daluyan ng tubig mula bundok o watersheds ay nagsisilbing patubig sa mga sakahang matatagpuan sa gitnang Luzon at Cagayan Valley. Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2019, ang gitnang Luzon ay may kabuoang 14.8 porsyentong agrikultural na produkto, ang pinakamataas sa bansa. Samantala, ang Cagayan Valley naman ay may 6.6 porsyento sa kabuoang halaga ng agrikultura ng bansa. Sa madaling salita, malaki ang ambag ng bundok upang patuloy na suportahan ang mga aktibidad na ito sa ngalan ng ating ekonomiya. Dagdag pa ni Federation of Central Luzon Farmers’ Cooperative (FCLFC) chairman Simeon Sioson, nagsisilbi din ang bulubundukin bilang pangga ng mga magsasaka sa mga hangin at ulan tuwing may bagyo.

Nakapaloob din sa Sierra Madre ang 40 porsyento ng kagabutan ng buong Pilipinas. Napakayaman nito sa iba’t ibang mga species ng hayop, maging mammal, ibon, o reptile man iyan. Higit sa lahat, nasa 10 milyong katao ang naninirahan sa loob at palibot nito, at labis silang nakadepende sa kabundukan para sa pagkain, tubig, gamot, tirahan, at kabuhayan. Karaniwan sa mga taong ito ay mga katutubo. Batay sa tala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), may 11 mga katutubong pangkat ang naninirahan sa Sierra Madre. 

Sa pagtatapos ng pagbatas sa kahabaan ng Sierra Madre, isa lang ang malinaw—nasa peligro ang kalagayan nito. Bagaman may mga inilulunsad ng aksyon gaya ng Proklamasyon Bilang 413 kung saan hinihikayat na magkaroon ng kamalayan at pagnanais na makisangkot sa pagsasaayos, panunumbalik ng kaayusan, at pangangalaga ng bulubundukin, kulang na kulang sa mismong implementasyon ng mga programa at batas tulad nito. Namumutawi pa rin ang karahasan at paglabag sa mga batas, sanhi upang patuloy na umiiral ang mga ilegal na gawain. Sa pamamayani nito, patuloy na makakalbo ang kabundukan at siyang banta sa pagdanas natin sa lumalalang epekto ng climate change.  

Batid na natin ang proteksiyong handog ng Sierra Madre sa tuwing may sakuna, ngunit ngayong siya naman ang nasa kapahamakan, sino ang proprotekta at sasagip sa kaniya?”

Thumbnail ni Peia Valdoz