
Ni Therese Bernal & Renee Tolentino
Pagdiriwang?
Noong nakaraang Huwebes, anim na oras bago pumatak ang Pebrero 24, 2023, idineklara ito ng Malacañang bilang special non-working day alinsunod sa Proclamation No. 167. Ayon sa proklamasyong ito, ang biglaang pagbago ng itinakdang araw para sa pagdaraos ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay ginawa para “mabigyang-daan ang ating mga kababayan na makinabang mula sa pagpahaba ng katapusan ng linggo” batay sa prinsipyo ng holiday economics—isang polisiyang unang ipinakilala ni Macapagal-Arroyo, ipinawalang-bisa ni Aquino, at ibinalik naman ni Marcos Jr.
Benepisyo nga ba, o tahasang pagbaluktot ng kasaysayan? Ayon kay Marcos Jr., inilunsad ang proklamasyong ito para “makinabang” ang sambayanang Pilipino—ngunit talagang nangyari ba ito, sa harap ng kabigla-biglaang desisyon at lantarang pagwawalang-bahala sa totoong kahulugan ng People Power para sa mga naging saksi nito? Bawat taon, inaalala natin bilang isang bayan ang mga nagdurusa’t pinabayaan sa ilalim ng rehimeng Marcos kada-25 ng Pebrero. Ngunit ngayon at naluklok na naman sa pagka-pangulo ang anak ng isang diktador na nakinabang sa mismong yaman at dugong kaniyang pinaslang, walang magawa ang pamilyang Marcos kung hindi “maging isa sa paggunita ng panahong naghati sa sambayanang Pilipino”—kaysa sa nararapat na pananagutan na hinihingi ng sambayanan.
Ang kahalagahan ng EDSA People Power ay hindi produkto ng isang simpleng “division”—ito ay isang protesta laban sa kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mga may hawak ng kapangyarihan sa lipunan at kung sino ang hindi. Ngunit subalit nito, marahil ay nilimot ng marami ang diwa ng anibersaryo nito kapalit ng patuloy na pagtalunang unang isinilang noong nakaraang eleksyon. Naging away na lamang ito ng kung sino ang may karapatan na ikasiya ang holiday o hindi. Imbis na alalahanin ang saysay ng kasaysayan, binabalewala ito para mas mahati pa ang lapian ng rosas at pula.
Pero subalit ng lahat ng ito, kahit tila gusto man ng iba na mabalot muli ng kadiliman at kalituhan ang diwa ng ating kasaysayan—mananaig pa rin sa alaala ng puso’t isip ng bawat Pilipino ang katotohanan.
Baliktarin man ang araw ng pagdeklara ng holidays, ibahin man ang takbo ng buwan ng Pebrero, hindi nakakalimot ang taumbayan sa paniniil ng isang Marcos at hindi magpapabulag ang masa sa tanikalang dala ng isang panibagong Marcos.
The people’s power weighs greater than the people in power. Sa ika-37 na anibersaryo ng EDSA People Power ay pinatunayan ng masang Pilipino na hindi sila magpapatinag sa mabubulaklak na salita ng isang Marcos—nasa lansangan pa rin ang kapangyarihan ng mamamayang nakikibaka. Noong araw ng Pebrero 25 ay ilang mga grupo ng estudyante ang kolektibong pinaalala sa sambayanan ang dahilan ng pag-alsa noon ng lipunan. Ilang grupo rin ang nag-alay ng kanilang oras sa Bantayog ng mga Bayani upang ipagdiwang ang araw ng katapangan at pakikipaglaban. Kasama rin ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMM), sa pangunguna ng mga Martial Law survivors na sina Boni Ilagan at Judy Taguiwalo sa pag-gunita ng anibersaryo ng People Power. May ilang bayan din tulad ng Quezon City ang nagkaroon ng seremonya upang gunitain ang paglaya at paglaban ng masa.
Sa kabila ng harap-harapang historical distortion, nasa atin pa rin ang ilaw ng alaala ng EDSA. Never Again. Iyan ang paulit-ulit na ibinibigkas upang alalahanin ang pagbaklas ng Pilipinas mula sa kadena ng paniniil—Never Forget. Nasa masa ang laban.
