Buwan ng Wika 2023, inilunsad sa ASHS

Larawan ni Joline Rumbaoa

Ni Arabella Balderama

Noong Lunes, Agosto 14, pormal na sinimulan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Ateneo Senior High School (ASHS) sa pamamagitan ng pagbasag ng palayok na bahagi ng kulturang Pilipino.

Pinamunuan ng Kagawaran ng Filipino ang pagbubukas na ginanap sa unang palapag ng gusali ng ASHS, kasama ang ilang miyembro ng Alunsina—ang komite sa ASHS na nakaatas sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga wika at kultura ng Pilipinas.

Nagkaroon din ng pagkakataong makakuha ng kendi, sorbetes, at taho ang komunidad ng ASHS hanggang matapos ang takbo ng programa.

Ang tema ng selebrasyon para sa taong 2023 ay “Salupongan” — isang salitang nagmula sa wikang Manobo na nangangahulugang pagsasalubong.

“Ipaalala ng Salupongan na gamitin natin ang kapangyarihan ng ating wika at kulturang Pilipino upang magkaisa,” saad ni G. Noel Miranda sa kaniyang paunang talumpati.

Ipinaliwanag ni Bb. Aileen Dacut, guro sa Filipino at bahagi ng komiteng Pinasulong, ang kahulugan ng tema at pati na rin ang mga aktibidad na dapat abangan para sa paparating sa paggunita ng Buwan ng Wika. 

“Bakit ito ang naging tema? Kasi gusto natin na ang Filipino ay interdisciplinary. Kapag sinabing interdisciplinary,  nakikita mo ‘yung halaga ng wika at kultura, hindi lang dahil ito ay asignatura kundi makikita mo siya sa pagne-negosyo, sa ekonomiya, sa politika, sa agham, at teknolohiya,” pagpapahayag ni Bb. Dacut.

“Kaya siya naging intersection kasi ang apat na strand, yung ABM, GA, HumSS, at STEM ay nakikita nating parang nagsasalubong. Iba’t ibang disiplina ito pero nagkakaisa ‘yung layunin natin at ito ‘yung tunguhin tungo sa maunlad na kinabukasan ng bansang Pilipinas,” dagdag pa niya.

Ilan sa mga nabanggit na mangyayaring patimpalak ay ang “Harana” para sa ika-11 baitang at “Origs” para sa ika-12 baitang na isinasagawa kada taon.

Dagdag pa rito, mayroong mga bagong aktibidad na maaari ring salihan ng mga guro, administrasyon, at iba pang empleyado ng ASHS.

“Dapat kusa natin itong nakikita bilang mga Pilipino na talagang tumubo sa Pilipinas. Dapat sa mga nangyayari sa lipunan, alam natin kung gaano kahalaga ‘yung pagsasalita natin, ‘yung pagiging bukas ang kaisipan,  lalo na sa pagbabahagi ng mga kritisismo sa mga nangyayari sa ating lipunan,” pagsasalaysay ni Bb. Dacut ng kaniyang pananaw ukol sa kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

“Hindi lang natin siya nakikita dahil requirement ito sa klase. Tingnan din natin ‘yung mas malawak pang puwedeng marating, lalo na sa pagiging boses sa uring nasa laylayan at inaapi,” pagwawakas niya.

Kasalukuyan ding ginaganap ang patimpalak na “Videokehan” sa unang palapag ng ASHS tuwing recess, kung saan maaaring mag-uwi ng Starbucks Gift Card ang sino mang makakuha ng 100 na iskor.