Ni Nikolai Ordoña
Muling nagpatupad ng taas-presyo ang iba’t ibang kumpanya ng langis noong Martes, Agosto 15, ang ikalimang sunod na linggo ng pagtaas-presyo ng gasolina at ikaanim naman ng diesel at kerosene.
Nadagdagan nang PHP 1.90 ang kada litro ng gasolina, PHP 2.50 ang kerosene, at PHP 1.50 ang diesel.
Kabilang sa mga kumpanyang nagtaas-presyo ang SEAOIL, Pilipinas Shell, at Caltex, habang walang pagbabago sa presyo ng kerosene ang Cleanfuel, UNIOIL, Petro Gazz, at Jetti Petroleum. Sa kabilang dako, walang anunsyo ng taas-presyo ang Petron, Phoenix, Total, at Flying V.
Dahil dito, mula sa simula ng taong 2023 ay umabot na sa PHP 13.40 ang itinaas ng gasolina, PHP 8.60 sa diesel, at PHP 5.14 sa kerosene, ayon sa ulat ng Department of Energy (DOE).
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero ng DOE Oil Industry Management Bureau, maaari pang magpatuloy ang taas-presyo ng langis sa susunod na dalawang buwan, lalo ngayong ikalawang kalahati ng taon kung kailan mas mataas ang pangangailangan sa mga produktong petrolyo.
Isa pang sanhi ng taas-presyo ay ang pagbabawas ng produksyon ng krudo ng Saudi Arabia, ang pinakamalaking taga-angkat ng langis sa buong mundo.
Apela ng mga tsuper
Sa gitna ng sunod-sunod na taas-presyo ng langis ay nanawagan ang iba’t ibang transport organization na magkaroon ng PHP 2 na dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan sa buong bansa.
Kabilang sa mga grupong ito ay ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop & Go Transport Coalition, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
Samantala, ang grupong PISTON ay nagsagawa ng protesta at nanawagang alisin ang excise tax sa petrolyo at ipawalang-bisa ang Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law upang magkaroon muli ng kapangyarihan ang pamahalaan na makontrol ang presyo ng langis.
Inanunsyo naman ng pamahalaan na magbibigay ito ng fuel subsidies bilang tulong sa mga apektadong operators at drivers.
Ayon kay Executive Director Robert Peig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, makatatanggap ng fuel subsidies ang mga sumusunod:
- Modern Jeepney: PHP 10,000
- Modern UV Express: PHP 10,000
- Traditional Jeepney and taxi: PHP 6,500
- School/Shuttle/Tourist Service/TNVS: PHP 6,500
- Delivery Rider: PHP 1,200
- Tricycle Driver: PHP 1,000
Inaasahan ng Department of Transportation na maibibigay na ng Department of Budget and Management ang kinakailangang pondo bago matapos ang buwan ng Agosto.
Larawan mula sa Philippine Star
