
Ni Arabella Balderama at Alex Lauricio
Noong Biyernes, Agosto 18, ginanap ang Misa ng Espiritu Santo sa ikatlong palapag ng Formation Learning Center (FLC), kung saan nagtipon ang buong komunidad ng Ateneo Senior High School (ASHS) para salubungin ang taong panuruan nang bitbit ang mga biyaya ng banal na Espiritu.
Ang pagdiriwang ay pinamunuan ni Fr. Bobby Yap, ang Pangulo ng Mataas na Paaralang Ateneo de Manila, kasama sina Fr. Bong Dahunan at iba pang mga Hesuwitang pari. Katuwang din nila ang Campus Ministry Office at Ateneo Liturgical Ministry.
Bago ang pormal na pagsisimula ng selebrasyon, inilahad muna ang pitong biyaya ng banal na Espiritu: Karunungan, Pagka-unawa, Pagpayo, Kaalaman, Katatagan, Kabanalan, at Banal na Pagkatakot sa Diyos.
Naging sentro ng homiliya ni Fr. Bobby Yap ang pagmumuni ukol sa tema ng taong panuruang ito—ang konseptong unang nanggaling kay Fr. Pedro Arrupe, ang pagiging persons for and with others.
“In your time here, you will be exposed to a wide range of experiences, disciplines, and perspectives. You will be challenged to think critically, to ask difficult questions, and to seek truth, justice, and reconciliation,” saad ni Fr. Bobby nang paalalahanan niya ang komunidad ng ASHS sa kahalagahan ng tema ngayong taon.
“Seek out opportunities to serve, to uplift and to empower those in need. Be the voice for the voiceless, the source of hope for the despairing, the source of love for the lonely, and stewards of our groaning creation,” dagdag pa niya bilang panghihikayat sa mga mag-aaral na maging instrumento ng positibong pagbabago.
Nagkaroon din ng seremonya para sa pagsisindi ng kandila na pinangunahan ni Fr. Bong Dahunan. Mga kinatawan mula sa mga sektor ng Ateneo ang humawak sa kandila, kasama na ang mga magulang, guro, mag-aaral, at iba pang empleyado.
Sa kabilang dako, ipinakilala rin ang natatanging benepisyaryo ng misa—ang Alon and Araw Club, isang organisasyong naglalayong makapagbigay ng maraming oportunidad, tulad ng edukasyon, sa mga batang nangangailangan sa Zambales.
Ilan sa mga klaseng naging susi sa tagumpay at kagandahan ng misa ay ang 12-Denn, na gumawa ng mga biswal na presentasyon; ang 12-Holland, na nakaatas sa pagbasa ng mga banal na kasulatan; at ang 12-Solinas, na lumikha ng disenyo para sa dekorasyon ng FLC.
Pulang Misa
Hinuhudyat ng pagdiriwang na ito ang bagong simula—pagdating sa ASHS, idinaraos ito para sa pag-uumpisa ng bagong taon sa eskuwelahan. Hindi lamang ito kita sa ating institusyon; ito ay isang tradisyong isinasagawa rin ng ilan pang mga Katolikong paaralan sa Pilipinas. Itinuturi rin ang mga pulang suot ng mga pari bilang sagisag at alaala ng Pentecoste.
Dagdag pa rito, ang pulang kulay ng misa ay nanggaling sa isang simbolismo ng Espiritu Santo sa Bibliya, partikular na sa ikalawang libro ng mga Gawa.
”May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy, at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila,” ang apoy na ito ay nagpapahiwatig na muli dapat tayong sumiklab para mapanatili ang alab na pinupuno tayo ng pag-asa.
