
Ni Arabella Balderama
Noong Martes, ika-22 ng Agosto, inilunsad ang “Agapay” bilang opisyal na tema para sa taong panuruan 2023-2024 sa pamumuno ni John Benedict Maxino, ang Pangulo ng Sanggunian.
Ang programa ay pinangunahan ni Hazel Medina at Millie Salita na sinundan ng pambungad na panalangin mula kay G. Tootsie Delos Santos.
Alinsunod ang “Agapay” sa katagang “persons with and for others,” ang isa sa mga katangiang pinaiiral ng mga Atenista.
Ayon sa Pangulo ng Sanggunian, noong unang inilahad sa kanila ang katagang ito bilang basehan ng tema, maraming suhestyon ang nailatag sapagkat sandamakmak na pagpapakahulugan ang mayroon dito tulad ng care, helping each other, donations, at iba pa.
“Ang pagiging persons for and with others ay hindi natatapos sa donasyon, o bilateral na relasyon. Hindi sapat ang pagiging dilat, kinakailangan ay mulat,” saad ni Maxino.
“Ang tema ng taong panuruang ito [ay] naglalayon na mas pagtibayin ang pagiging magkakaugnay ng buong komunidad ng ASHS—ang mga mag-aaral, ang Sanggunian, kaguruan, non-teaching staff, custodians, at buong administrasyon,” dagdag pa niya.
Pinili ang “Agapay” dahil layunin nitong payabungin ang kultura ng bayanihan sa paaralan, maiparamdam sa mga mag-aaral na tunay silang ka-bahagi ng komunidad, at magsilbing kasangga ng kapwa sa pagpapaunlad ng sarili at lipunan.
Ikaw ka-agapay, bawat paglalakbay
Kasabay ng paglulunsad ng tema ang pagtatanghal ng awiting “Agapay” na likha ng Music Industry Organization (MIO).
Batay sa pahayag ng Presidente ng MIO na si Jackie Ferrer, sinasalamin ng kanta ang hugis ng ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng komunidad ng ASHS habang hawak-kamay na naglalakbay.
“Marahil sa kauna-unahang pakikipag-ugnayan, nakatakda na tayo’y estranghero pa lamang ngunit sa paglipas ng oras, nakikilala at kinikilala natin ang isa’t isa, at dito nabubuo ang matibay at matapat na relasyon,” pagpapaliwanag ni Ferrer.
Ipinapahiwatig niya na ang “Agapay” ay nagsisilbing tulay na sumusuporta sa pagbuo ng mga kabanata ng paglalakbay sa ASHS.
“[Maligaw man sakali, basta’t nandiyan lagi. Andito ako, nag-aantay. Tayo’y magpatuloy, pagka’t ikaw kaagapay.] Nagusuhan ko talaga ‘yon kasi noong nasa process kami ng pagsulat ng kanta, talagang umiiral na yung konsepto na walang iwanan. Basta may kasama ako, ‘yon lang ang mahalaga,” paglalahad naman ni JC Villafuerte, ang Bise-Presidente ng MIO, ng kaniyang paboritong taludtod ng awitin.
“Talagang message siya ng unity tsaka ng pagiging isa, hindi lang bilang isang estudyante pero bilang Pilipino at bilang tao mismo,” pagsasalaysay niya.
Sa kabilang dako, ibinahagi rin ng MIO na kasalukuyan nilang tinatrabaho ang paglalathala ng “Agapay” sa mga pampublikong plataporma gaya ng Youtube at Spotify.
