Alalahanin, Gunitain—Ang Ika-48 na Taong Pagtatanghal ng Sinta!

Likha ni Luis Sinangote

Nina Alex Lauricio at Kate Quiambao 

Alalahanin, gunitain—Ito ang tumatak sa isip ng lahat ng manonood sa katapusan ng ika-48 na taong pagtatanghal ng Dulaang Sibol ng kanilang dula, ‘Sinta!’ Itong huling palabas ay napuno ng lungkot at saya, dahil para sa ilang mga aktor, ito na ang kanilang huli—kumbaga isang huling regalo bago sila’y sumariling-landas.

Mga dalawa o ‘di kaya’y tatlong dekada na ang nakalipas mula noong unang nagtanghal si Mitzie Lao bilang Sinta sa sinaunang Dulaang Sibol at ang kanilang pagtatanghal ng Sinta! Ngayon, muli natin siyang makikitang naglalakad sa entablado upang ipakilala ang modernong mga pangalan at mukhang magtatanghal ng Sinta! 

Itong iterasyon ng Sinta! ay nakakita ng pagbabago ng mga linya’t drama upang umangkop sa mga bagong karanasan sa kasalukuyan. Kasama na rito ang mga pagbibiro at ilang pagbanggit ng mga meme mula sa Tiktok, Facebook, at kung saan pa man. Tunay na inangkop ito para sa lahat ng mga tao upang maintindihan nila at makakonekta rito, mapa-bata man o matatanda.

Ang Sinta! ay kilala bilang orihinal na likha ni Ginoong Onofre “Sir Pagsi” Pagsanghan. Idineklara sa tanghalan na ito ay isang alaala para sa kaniyang asawa, na kamakailan lang ay sumakabilang buhay. Ito ang unang beses sa kasaysayan ng Sinta! na nagkaroon ng father-daughter duo na umarte sa entablado—si Oreta at ang kanyang ama. 

Nababagay lamang na ang huling pagtatanghal ng Sinta! ngayong taon ay isinagawa ni Kaiser Cortina bilang si Narding, at si Marga Oreta bilang Sinta. Kilala si Kaiser bilang ang kasalukuyang pinuno ng Dulaang Sibol, samantala ito naman ay ang huling palabas ni Marga bago siya tumuloy sa kolehiyo. 

“Alalahanin, gunitain”

Kilala si Narding bilang binatang taglay ang kisig at talino, at sa kabilang bakuran ng kanilang bahay ng kanyang ama, nandoon naman si Sinta, isang dalagang agaw-tingin ang ganda. 

Ang kwentong Sinta ay isa tungkol sa pagbabalik-tanaw at sa pag-ibig—mistulang Romeo at Juliet—ngunit may halong pagtalakay sa mga isyung panlipunan sa bansa. Kasama ng kanilang mga ama, sa mundo ni Narding at ni Sinta, tila sila’y unti-unting sinampal ng katotohanan sa tulong ni Matanglawin.

Upang matuloy ang kasal ni Narding at ni Sinta, kinailangang matapos ang away ng kanilang mga ama—nilinang ni Matanglawin ang isang plano, magkakaroon ng kunwaring panggagahasa kay Sinta, at dito ay matutumba ni Narding ang mga aktor na nananakit kay Sinta. Ang eksena’y natapos nang matagumpay—ngunit nalaman ng magkasintahan na lahat ng ito ay plano lamang.

Gagawa na lang kami ng sarili naming buwan,” Giit ni Sinta matapos nilang malaman na sila’y niloko ng kanilang ama, at kahit buwan ay siyang pineke. 

Ramdam sa boses nila Narding at Sinta ang galit na nasira ang kanilang mundo. Bakas sa kanilang mukha ang luha’t lungkot na sila’y pinaglaruan ng kanilang ama. Walang taglay na lakas si Narding, at walang panganib ang tinakasan ni Sinta.

Ang magkasintahan ay hindi nagkasunduan sa ilang mga problemang kanilang hinarap, at tuluyang umalis si Narding upang tumungo sa kanyang sariling landas—ang ‘mundo.’ Nang maiwang mag-isa si Sinta, niloko siya muli ni Matanglawin, habang binugbog naman nito si Narding. Matapos makabalik si Narding, napatanong si Sinta—

Anong nangyari sa’yo?” Giit ni Sinta.

Ang nangyari sa’kin ay ang mundo.” Sagot ni Narding.

Matapos na tumungo sa landas ng ‘mundo’ si Narding, bumalik siyang bugbog at lasing sa kaniyang sinta. Malaking tema sa dulang ito ay ang pagpapakita na ang katotohanan ng mundo ay siyang puno ng dusa at mga hinagpis—hindi tulad ng mga librong binasa ni Sinta na puno ng pagpapanday ng mga kabalyero, o yaman ng mga kaharian—

Hindi. Ang mundo ay siyang mapanglaw na gubat ng ibig na manloko at paglaruan ang buhay ng sinumang makikilahok dito. Ang ibigan ni Narding at ni Sinta ay isa na ginawa sa mundo ng alamat at pabula, at ginawang mitsa ang pagsikat ng araw sa tanghalan bilang pagsapit ng katotohanan—isang sampal ng realidad, ang realidad na punong puno ng problema at dusa.

Kahapon natin, sariwain,

ng puso nati’y wala pang galos,

pangarap natin, wala pang gapos—

alalahanin, gunitain.” 

Sa simula ng pagtatanghal, tayo’y inanyayahan ng tagapagsalaysay na pansamantalang talikuran ang kasalukuyan upang sariwain ang mga alaala ng nakaraan. Sa bawat paglingon natin sa kahapon, tila may tanging awit na sumasalubong—isang awit na nagsisilbing susi sa pinto ng mas malalim na pang-unawa sa paghakbang sa kasalukuyan. At sa bawat patak at paglipas ng oras, ang awit na ito’y unti-unting nag-uukit ng ating kinabukasan. 

Nais din natin bumalik sa mundong ibig na yakapin tayo, malaya sa sakit at takot. Kung saan masagana ang mga hardin ng mga itay nila Narding at Sinta. Kung saan ang tumatagos sa ere ay ang tinig ni Sinta, hindi ang kanyang tili o ang tunog ng kahoy na bumagsak sa katawan ni Narding. 

Lahat tayo—tulad nila—ay nagnanais na mamuhay sa mundong ibig na gawin tayong masaya, na gusto nilang balik-balikan: “Alalahanin, gunitain.

Bagamat sa hulihan ay nakita natin na naging maayos ang lahat ng tauhan sa kuwento, nananatili itong isang matinding alaala ukol sa katotohanan ng mundong mapanglaw—isang mundong ibig tayong gamitin at lokohin, ngunit parte pa rin ng buhay. Ito ay parte ng pagmamahal hindi lamang para sa kasintahan, kundi para rin sa ating sarili at pamilya. 

Giit ni Matanglawin, “Bakit ba kailangan ang binhi ay matabunan, at pagluksuan ng ulan bago maging halaman?

Para magmahal, kailangan natin masaktan. Para magmahal, kailan natin makita ang totoo—at ang katotohanan ay puno ng dusa at hinagpis.

Huling Mga Salita

It’s about appreciating and acknowledging that both hurt and joy exist when you love someone—and it’s beautiful.” Sagot ni Oreta, ang Sinta sa totoong buhay.

Bagama’t mananatili sa tanghalan ang kwento nina Narding at Sinta, ang mahika at mga aral na kanilang iniukit sa puso’t isipan ng mga manonood ay kanilang dadalhin saan man sila pumunta. Manatali man ang boses ng Dulaang Sibol sa entablado, nakatatak pa rin ang tinig ni Sinta sa ating mga alaala.

Sa kasamaang palad, sa susunod na taon pa natin muling masasaksihan ang pagtatanghal ng Sinta! kasabay ng mga bagong mukha ng Dulaang Sibol. Para sa ngayon, sa lungkot at sayang ipinamalas ng mga taga-tanghal, tila ito’y isang regalo bago silang lahat ay sumariling-landas—at kung maging alaala lamang ito, sana ito ay kanilang “alalahanin, gunitain.