Ni Arabella Balderama
Noong Martes, Agosto 22, tatlong transport groups ang naghain ng pormal na petisyon para sa PHP 5.00 na taas-pasahe sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office sa lungsod ng Quezon.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Organizations ang dagdag-singil na PHP 5.00 sa unang apat na kilometro ng biyahe at karagdagang PHP 1.00 para sa mga susunod na kilometro.
Bunsod nito, maaaring tumaas ang minimum fare mula PHP 12.00 hanggang PHP 17.00.
Sa kabilang dako, hinimok din ng transport groups ang LTFRB na maglabas ng kautusang nagsasaad ng pansamantalang pisong dagdag sa kasalukuyang minimum fare na PHP 12.00 habang hinihintay ang paunawa at pagdinig ng kanilang petisyon.
Bukod sa mga dahilan tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, binanggit din nila ang “increased paying capacity” ng mga mamamayan alinsunod sa minimum wage increase na ipinatupad kamakailan sa Metro Manila.
“Clearly, by granting this provisional fare increase the transport workers will experience the long years of prayer for a reasonable income to at least ease their everyday fuel expenses, higher costs of operation and to provide a sustainable living to their families,” saad ng petisyon.
Masusing pagsusuri
Binigyang-diin ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na bukas ang kanilang ahensya para dinggin ang apela ng mga transport group sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Subalit, binanggit niya na kailangan din nilang balansehin ang epekto ng pagtaas ng pamasahe sa mga komyuter.
“Naunawan namin (ang urgent petition), pero sana magkaisa sila. Una surge fee, then may sumulat 2 pesos fare increase, then kahapon P5 flag down plus P1 per 4 kilometer naman,” wika ni Guadiz.
“Hindi nagkakaisa ang kanilang request kaya mapipilitang pakinggan ang lahat [ng] ito para malaman ang fare increase,” pagpapatuloy niya.
Nauna nang iminungkahi ng LTFRB ang pagsasailalim ng mga petisyon sa karagdagang pagsusuri ng iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Nakatakdang magpulong ang LTFRB Board para sa pisong dagdag-pasahe sa Agosto 29, habang ang paunang pagdinig sa petisyon ay gaganapin sa Setyembre 12.
Dalawang linggo na ang nakararaan nang maglatag ang ilang transport groups, kabilang ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop & Go Transport Coalition Incorporated, at The Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, ng liham na humihiling ng PHP 2.00 dagdag-pasahe para sa lahat ng dyip sa buong bansa.
Kaugnay ng isyung ito, idineklara ng pamahalaan ang pagpapatupad ng fuel subsidy program para sa mga tsuper na inaasahang maipamigay sa katapusan ng Agosto.
Larawan mula sa Philippine Star
