FIBA World Cup 2023, opisyal nang nagbukas

Ni Nikolai Ordoña 

Opisyal nang nag-umpisa ang FIBA World Cup 2023 sa Pilipinas, ang ikalawang beses na pangungunahan ng bansa ang itinuturing pinakamalaking kompetisyon ng basketball mula 1978.

Idinaos ang seremonya ng pagbubukas noong Biyernes, Agosto 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, kung saan nagtanghal ang iba’t ibang OPM artists tulad ni Sarah Geronimo, The Dawn, Alamat, at Ben&Ben.

Para sa paunang labanan ng paligsahan, nagwagi ang Italy laban sa Angola, 81-67.

Sinundan ito ng inaabangang laro ng Gilas Pilipinas at Dominican Republic na umabot sa 38,115 manonood—kabilang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumati rin sa mga manlalaro ng bansa. Sa huli ay nagtagumpay ang Dominican Republic sa iskor na 87-81.

Ayon sa datos ng FIBA, ang mga nanood sa nasabing laban ang pinakamataas na naitala mula sa 32,616 na dumalo sa 1994 World Championship sa Canada, kung saan nagwagi naman ang Estados Unidos laban sa Russia.

Kasabay ng laro sa Philippine Arena ang paghaharap sa SM Mall of Asia Arena ng iba pang mga koponan. Doon ay nanalo naman ang Montenegro laban sa Mexico (91-71) at Lithuania laban sa Egypt (93-67). 

Bilang suporta sa Philippine Sports Commission, ang Light Rail Transit ay magkakaroon ng libreng sakay para sa mga atleta, coach, delegado, organizers, media, security, at iba pang kalahok sa FIBA World Cup. 

Hinikayat din ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga guro at mag-aaral na suportahan ang koponan ng Gilas Pilipinas. Bibigyan sila ng kalahating porsiyentong diskwento sa pagbili ng ticket sa premium upper box, regular upper box, at general admission.

“Sama-sama nating suportahan ang mga atletang Pilipino sa darating na FIBA World Cup 2023! Sabay nating isigaw: Puso para sa Bayan,” wika ni CHED Chairman Popoy De Vera.

Laban, Pilipinas

Ayon kay Gilas Pilipinas Coach Chot Reyes, naging mahirap para sa koponan ang pagkakatanggal ni Jordan Clarkson dahil sa dalawang foul. Nakakuha ang manlalaro ng 28 puntos, ngunit sa kanyang pagkakaalis ay hindi na nakabawi ang bansa laban sa Dominican Republic.

“We played well. We gave ourselves a chance to win. Some calls didn’t go our way, but that’s part of the game,” wika ni Clarkson.

Sa kabila ng pagkatalo, naniniwala pa rin ang koponan na makakabawi ito sa susunod na laban.

“Maganda naman ‘yung laro ng team, may mga lapses lang talaga. Kailangan lang namin i-correct ‘yon, so bounce back [kami] next game,” pahayag ni June Mar Fajardo na nakakuha naman ng 16 na puntos.

Para sa FIBA World Cup 2023, 32 na mga koponan sa buong mundo ang maghaharap sa Pilipinas, Japan, at Indonesia upang makamit ang Naismith Trophy na ipinangalan mula sa lumikha ng basketball na si James Naismith.

Hinati ang mga bansa sa walong pangkat na may tig-apat na koponan. Ang dalawang magwawagi sa bawat pangkat ay maghaharap sa ikalawang bahagi ng kompetisyon simula Agosto 31 para sa quarterfinals. Ang mga natira naman ay magtatapat sa classification round.

Pansamantalang ititigil ang mga laro sa Setyembre 4 habang papunta ng Maynila ang mga nagwaging koponan sa Japan at Indonesia. Ang huling bahagi ng kompetisyon ay gaganapin sa Mall of Asia Arena hanggang sa pagtatapos nito sa Setyembre 10, 2023.

Larawan mula sa Philippine Daily Inquirer