Alaala ng Paglalakad

Pubmat by Ericka Villaseñor

Ni Alex Lauricio 

Sa mga mabatong lakaran sa kampus ng Ateneo, ramdam natin ang ihip ng hangin sa pag-apak sa mga nahulog na sanga ng mga puno. Dinig natin ang tunog ng pira-pirasong bumubulok na dahon sa semento patungo sa ASHS. Lakad man o takbo, sa bato’t semento o ‘di kaya’y ladrilyo, ito ang karaniwang eksena na nakikita natin sa ating araw-araw.

Ngunit itong karanasan na ito ay isa sa maraming marahil ay hindi karaniwan sa iba—simple dahil hindi sila biniyayaang makaranas ng ganoon. Sa kabila ng paglalakad, sila ay gumugulong o gumagamit ng tungkod.

Si Joaquin “Kiel” Viquier ay isang estudyante sa ASHS na tinuturing alaala ang paglalakad. Bagama’t ang kaniyang silid-aralan ay matatagpuan sa ikatlong palapag ng ASHS, ang simpleng lakad ng nakaraan ay ngayon naging isang mahirap na pagtahak.

Ang pagtahak niyang ito ay kinakailangan niyang gawin dala-dala ang tanso’t bakal na gumagabay sa kanyang paglalakad. Ito ay ang mga saklay (crutch) na nanganganib na madulas sa tag-ulan ng Pilipinas, at ang pag-ikot ng gulong ng wheelchair na dumadaan sa mga rampa nakapalibot sa Ateneo.

“My ankle is fractured—” sinimula ni Kiel. “I’m not allowed to place any weight on it. I’m limited to only wheelchair use right now, or crutches.”

Simula ng ika-21 ng Hulyo ay nagbago ang mundo ni Kiel dulot ng isang aksidente; lumipas ng ang mga araw ng pagtatakbo’t paglalaro sa isports, dahil ang kaniyang araw-araw ay napunta naman sa paghabol sa pahinga, at pagkatapos noon ay nabigyan naman siya ng isang regalong yari sa bakal—ang wheelchair.

“I really took walking for granted, just realizing I can’t do simple things without some form of support from objects or people is really hard. Since I was also the type to move around it really does put into perspective that I can no longer do these things.

Inilalarawan ni Kiel ang unang linggo matapos ang kaniyang aksidente bilang ‘masakit.’ Sa sobrang lala nito ay nasa unang palapag lang siya ng bahay dahil ang anumang galaw niya ay nagresulta sa matinding sakit. Sa kabilang palad, salamat sa kaniyang pamilya na tumulong sa kanyang kumain at maligo, kinaya niyang magtiis sa unang linggong ito ng pagbabago.

Pagdating naman sa kaniyang araw-araw sa ASHS, naging klaro sa kanya na marami sa kaniyang mga nakasanayan ay kinailangang baguhin. Wala na ang mga araw na makakalakad siya mula FLC at ASHS, dahil diretso hatid siya sa lobby ng paaralan, at sabay tinutulungan ng guwardiya.

“The guards here are really willing to help you.”

Kapansin-pansin sa simula ng araw at sa pagtapos ng klase ang kabutihang loob at asal na ipinamamahagi sa atin ng mga guwardiya, at tatak sa ating isip kung paano natin sila kilala—“Hi pal!” At sa mga katulad ni Kiel, sila naman ay tumutulong na igulong siya mula isang lugar patungo sa iba.

Dahil ang 12-Bobola ay hindi matatagpuan sa unang palapag ng paaralan, kinakailangan niyang umakyat, at siya ay ang ilan sa mga pinapayagang gumamit ng elebeytor.

“The elevator has been a big help, especially going up and down. I can’t imagine doing this without an elevator.

Si Kiel ay mayroong elevator pass, isang permiso mula sa administrasyon ng Ateneo na pinapahintulot siyang makagamit ng elebeytor sa ASHS at sa FLC. Ito ay isa lamang sa dami-daming inisyatibo ng paaralan upang maserbisyuhan at mabigyan ng pagkakataon ang mga kagaya ni Kiel. 

Maliban sa elebeytor, mayroong mga rampa para sa mga may wheelchair, at may mga hawakan sa banyo bilang alalay. Ang Physical Education (PE) ng Ateneo ay may ibang programa para sa mga taong hindi maaaring makadalo sa PE. Tinatawag nila ang programang ito bilang ‘Hope.’

I’ve really noticed how people tend to stare. The need to rely on other people is another emotional toll.” Giit ni Kiel.

Ayon kay Kiel, tanggap niya na maraming mga matang sumisilyap sa kanya o sa kaniyang mga kagamitan, ngunit ‘natural’ man lang na ang tao ay nauusisa sa mga bagay na bihira lang nila makita, ramdam pa rin ni Kiel ang kaniyang pagkakaiba mula sa mga taong nanonood sa kaniya.

Hindi maiiwasan ang mga sandaling mas napapansin ang sarili pagkatapos tumingin sa iba—bakit kaya ganito? Tunay man na ang mga tauhan sa ASHS ay handang magbigay ng tulong, marahil na iniisip ng tinutulungan na ang oras ng kaniyang mga kaibigan ay mas mabuting ibigay sa iba. Hindi lamang iyon, minsan ay hindi naman kailangan ng tulong ay pilit tulungan ng iba.

“But I really do appreciate the fact that I have friends to help me and I’m really grateful for that.”

Ang kulturang mayroon ang ASHS ay isa na handang makinig at tumanggap ng sinuman. Ang samu’t saring populasyon ng ating paaralan mula sa iba’t ibang sektor at kalagayan sa buhay ay nakagawa ng isang atmospera na lubos na ipinapamalas ang mabubuting asal.

Ang mga kaibigan ni Kiel ay ang mga kalakad niyang bumubuhat sa mga saklay o ‘di kaya’y tumutulong sa kaniyang gumulong mula isang lugar patungong iba. Giit pa niya, sinumang tao sa ASHS—kahit hindi niya man kilala—ay handang magbigay tulong sa kanya.

Ngunit hindi lamang limitado sa tulong ang maaari mabigay ng ibang tao sa mga taong may parehong karanasan kay Kiel—minsan, ibig nilang gawin ang paglalakad at paggalaw o anuman nang sila lang. Hindi porket sila ay iiba ay hindi na nila kaya. Malugod na respeto ang pag-unawa at pag-intindi na kayang-kaya nila gawin ang mga bagay na iyon.

“The walkways—like papunta doon [FLC], it’s a bit slippery if I use my crutches. I can relatively use my crutches but they tire me out more.”

Malayo na ang narating ng ASHS ngunit kagaya ng sabi ni Kiel, ay marami pang maaaring gawin upang mas mapabuti at mas mapadali ang buhay ng mga taong iba ang kakayahan. Madali man sa ating mga mata ang paglalakad, ngunit saka lang natin mauunawaan ang hirap na idinadanas niya at ang mga katulad niya.

Kung iisipin nating ito ay karanasan lamang ng mga taong pansamantala lang ang kapansanan, paano naman kaya ang mga iba na may mas malaking balakid sa kanilang kakayahan na mas permanente? Mahirap isipin ang mga paghihirap na idinaranas nila, at iba ang kanilang kwento mula kay Kiel.

Bulong sa Hangin

Ang kwento ni Kiel ay isa sa maraming samu’t saring karanasan ng mga taong iba ang kakayahan sa ASHS—at ito ay isang iglap lamang sa buhay ng mga taong hinahadlangan ng kanilang kakayahan. 

Bulong sa hangin ang kanilang karanasan, ngunit sana ay masimulan natin ang pagiging mulat sa mga ito, upang sila’y mabigyan pa ng angkop na respeto at unawa. ASHS, marami pang kwentong kagaya ng sa kanila na hindi natin malalaman, ngunit ating tingnan ito bilang isang magandang pagkakataon na sila’y matulungan.

Ngunit ating tandaan—hindi natatapos ang pagbibigay tulong sa mga nangangailangan—ito dapat ay mitsa ng pag-umpisa ng pagbabago sa ASHS, hindi lamang sa mga pasilidad, kundi sa pagiging mulat at pagbibigay respeto at unawa sa mga hinagpis ng mga taong iba ang kakayahan.

Ang kanilang kakayahan ay hindi nakabase sa mga bagay na nagbibigay limitasyon sa kung anong kaya nilang gawin; angkop na respeto ang dapat mabigay sa kanila dahil marami silang mga harang na dinadanas.

Kung sila ay nakararanas ng araw-araw na tanong na  “Kaya mo ba?” Ang tanong naman dapat sa ating sarili ay “Kaya ko bang tumulong sa iba?