
Ni Alex Lauricio
Mula sa mga nayon ng ating bansa, nanatili ang mga bansag na palaro ng ating kultura sa gitna ng dayuhang impluwensiya. Mula sa mga balat ng niyog at buko ng mga nangingisdang komunidad hanggang sa mga sigay na ginagamit sa sungka—heto ang lima sa narakaraming palarong Pinoy mula sa dakong nakaraan hanggang sa kasalukuyan.
Birit nga ng Autotelic— “’Di ba, ang sarap makipaglaro?”
Sungka
Sa mga sinaunang mangingisda sa tabing-dagat, ang kanilang mga araw ay puno ng trabaho; langoy dito, punta roon. Naglalakad sa baybayin ng mga isla, naghahanap ng mga isda o ‘di kaya’y alimango na maaaring mahuli. Sa mga bakas ng kanilang paa, nakakita sila ng mga sigay o seashell, at dito nagsimula ang paglikha ng Sungka.
Bagama’t ginamit ito ng mga mangingisda noon para mapalipas ang oras sa pagbabangka sa dagat, binalik nila ito sa kanilang mga komunidad at naituro bilang palaro. Sa isang mahabang kahoy—karaniwan Narra o niyog—may 14 na butas, at sa magkabilang dulo naman ay mayroong dalawang imbakan, isa para sa bawat manlalaro.
Mula sa 98 na sigay, maaaring pumili ang bawat manlalaro kung ilan ang kanilang ilalagay sa mga butas na inilaan sa kanila; anim kada manlalaro.
Upang manalo, dapat mas marami kang maimbak na sigay sa iyong imbakan. Pipili ka ng butas at kung ilang sigay ang naroroon, ilalapag mo silang lahat paikot sa sungkaan, at kung saan ka man huling nakapunta, makukuha mo lahat ng sigay doon. Upang manalo, dapat mas marami kang naimbak na sigay kaysa sa iyong kalaban.
Kadang-Kadang
Mula sa mga isla ng Visayas o ‘di kaya’y sa mga patag ng mga rehiyon ng mga Tagalog sa bandang hilaga ng Luzon, ang Kadang-Kadang ay nanatiling isang ehemplong halimbawa ng katutubong laro.
Bagama’t may iba’t ibang bersyon at pangalan ito sa arkipelago ng Pilipinas, ang kadang-kadang ay simpleng laro lamang—ang mga manlalaro ay magkakarera gamit ang mga tungkod na gawa sa kawayan. Nangangailangan nito ng matinding balanse at kasanayan, at kadalasan ay kung ‘di marunong ang manlalaro ay makakauwi sila sa pistang punong-puno ng mga sugat.
Bagama’t maaaring gamitin ang dalawang mahahabang kawayan bilang tungkod sa palaro, sa ibang parte ng Pilipinas ay gumagamit naman ng bao ng niyog na kanilang binutasan at nilagyan ng tali bilang hawakan ng mga manlalaro.
Luksong Baka at Luksong Tinik
“Lulukso, baka sakaling abutin,”
Sa parehong laro, nangangailangan kang tumalon, o kagaya nga ng pangalan ng laro, ‘lumukso’ sa mga balakid o obstacle—at ang mga balakid na ito ay ibang mga nakikilahok sa laro. Kapag ika’y matagumpay na nakalukso mula sa isang panig papunta sa kabila, mas magiging mahirap ang susunod mong lukso.
Sa Luksong Baka, isa lamang ang taya—at sa kabila na siya ay nasa lapag o nasa lupa, siya’y tatayo at yuyuko pababa upang siya’y talunan. Maaari gamitan ng kamay ang mga tatalon upang tumalbog mula sa likod ng taya. Kapag natamaan o hindi tumuloy ang talon ay magkakaroon naman ng bagong taya.
Sa kabiang dako naman, sa Luksong Tinik ay higit pa sa isa ang taya at sila ang haharang sa mga tatalon gamit ang kanilang mga kamay. Sa kada isang talon na hindi natatamaan o nasisira ang harang, magdaragdag ng isa pang kamay sa harang.
Teks & Jolens
Sa mga probinsya, naging at nananatiling sikat ang teks at jolens na nabibili sa tindahan sa kanto, at nilalaro sa mga eskinitang hindi pa nasementohan. Kailangan mong matutong mampitik—dahil sa dalawang larong ito, kailangan mong ipitik ang pamato mo.
Sa isang bersyon ng larong jolen, nakabilog ang ilang mga bola sa lupa. Kailangan mong pitikin ang jolen mo para makalabas sila sa bilog, at kung ilan man ‘yung nakuha mo, sayo na ang mga jolen na iyon. Mga makukulay na bola na may disenyo ay mga tinataya, para ma-enganyo yung iba na sumama at makilaro.
Ang teks naman o ‘texted game cards’ ay ang mga maliliit na mga kard na binebenta sa tindahan na kinokolekta ng mga bata. Sa isang punto, imbes naman na ikolekta, ninanais nilang ipaglaban ang kanilang mga teks laban sa teks ng ibang tao.
Pipili sila ng tatlong teks na magiging ‘pamato.’ Pagkatapos dito, ipapapitik nila ito sa ibang manlalaro, at kung ilan ‘yung lumabas na ang harap ng teks ay nakikita, makukuha nila ang teks ng kalaban nila.
Dahil dito, madalas nagkakaubusan ng mga teks sa mga tindahan. Para lang makakita ng mga kard sa daanan ay nakalilimutang idampot ar dahil sa sobrang lakas ng pitik ay napa-aray! na lang sa sakit at pumasok na lamang sa bahay.
Ang mga palarong ito ay mahahalagang bahagi ng ating kultura—isang kulturang sariling atin at pinaghirapang ipasa ng ating ninuno para lang maranasan at malaro ito ng mga sumusunod na henerasyon. Ating sikapin na ito’y mararanasan pa ng mga bata ng kinabukasan.
