
Ni Kate Quiambao
Sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, isang bagay ang patuloy nating nasasaksihan: patuloy na nawawaldas ang salapi ng bayan sa iba’t ibang proyekto na hindi naman agad na nangangailangan ng kagyat na aksyon at resolusyon galing sa taumbayan, lalo na sa pamahalaan. Isang patunay dito ang kamakailang rebranding ng Kagawaran ng Turismo (DOT) ng panibagong slogan na pinamagatang, “Love the Philippines.” Sa inilunsad na inisiyatibo, layunin ng kagawaran na muling maipakilala ang bansa ngayong unti-unti itong bumabangon mula sa pinsalang dinala ng pandemya sa mga nagdaang taon.
Alinsunod sa DOT, naglaan ang pamahalaan ng Php 49 milyon para sa pagpapatupad ng bagong kampanya sa turismo. Ito’y binahagi sa paglikha ng logo, pagpapatupad ng global, rehiyonal, at lokal na pag-aaral, at iba pang bahagi ng kampanya. Isa sa mga pangunahing resulta ng kampanyang ito ay ang pagkakamit ng malawakang atensyon ng DDB Group Philippines, ang kompanyang namahala sa pagbuo ng makabagong slogan. Dahil nakatanggap ito ng iba’t ibang tugon mula sa mga Pilipino, mariing isinasaalang-alang natin ang tanong: Ito na nga ba ang pinakaangkop na paraan upang muling maibangon ang industriya ng turismo sa ating bansa?
Ang mga dapat lutasin
Upang tunay na magkaroon ng pagmamahal sa Pilipinas, mahalagang kilalanin muna ang sariling bansang kinalakihan. Sa tala ng DOT, humigit-kumulang sa 2,002,304 na mga turista ang dumating sa Pilipinas mula Enero 1 hanggang Mayo 12, 2023. Ipinapakita ng mga datos na mas mataas ito kumpara sa tunguhin noong nakaraang taon na 1.7 milyong bisita, na nagsisilbing tanda na unti-unti nang umuunlad ang sektor ng turismo sa bansa.
Bukod dito, nakita rin sa isang survey na isinagawa ng Consumer Report Philippines 2023 na 53.6% ng mga Pilipino ay nag-aalala sa mga isyu kaugnay ng kalusugan at kaligtasan sa paglalakbay ngayong taon. Sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19, 76.6% naman ng mga tumugon ay nagsabi na nararamdaman nilang ligtas ang paglalakbay sa ibang bansa. Ipinapakita nito ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa mga hakbang na ginagawa ng kinauukulang awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan nila sa pagbiyahe sa kabila ng pandemya.
Subalit nito, sa loob ng Pilipinas, maraming mga hamon ang kinahaharap ng industriyang malinaw na hindi maaaring maresolba lamang sa pamamagitan ng pagtatakip ng kampanyang “Love the Philippines.” Sa halip, kinakailangan ang mas maagap at praktikal na hakbang mula sa pamahalaan. Isa na rito ang mga umusbong na suliranin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa taong ito. Noong Enero 1, hindi maiwasan ang pagkabahala ng 65,000 pasahero dahil sa pagkansela, paglipat, o pagkakaantala ng 361 na mga flight papunta at mula sa Maynila. Bilang pangunahing tagapagtatag ng turismo, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga paliparan sa pag-aalaga sa mga turista, kaya’t napakahalaga na mapanatili ang maayos na operasyon nito.
Maliban dito, hindi maikakaila ang hinaharap na pagsubok ng bansa sa larangan ng transportasyon at trapiko. Araw-araw, malaking oras ng buhay ng mga Pilipino ang nauubos sa paglalakbay patungo sa kanilang mga eskwelahan, trabaho, at iba pang maaaring destinasyon. Isang malaking hamon dito ay ang kakulangan sa kalidad na imprastraktura, pati na rin ang pangangailangan ng malalimang pag-aayos sa mga kalsada na tila laging may mga sira at nangangailangan ng pag-aaksyon. Malaki rin ang impluwensiya ng sistema ng pampublikong sasakyan sa pangkalahatang daloy ng buhay sa bansa, kaya’t mahalagang maisaayos ito nang mas mainam at epektibo.
Saan ba napunta ang pera ng masa?
Sa pagsusulong ng pamahalaan para mapabuti ang sektor ng turismo, mahalagang maging mapanuri ang mga pinuno sa pagpili kung aling mga aspeto ang dapat bigyan ng prayoridad at paglaanan ng pondo mula sa mamamayan. Tulad na lamang ng ganitong sitwasyon kung saan sa halip na gamitin ang pondo para maumpisahan ang pagpapaunlad at pagdagdag ng mga sistema at kagamitan sa mga paliparan at sa iba’t ibang paraan ng transportasyon, mas nagtuon naman ng pansin ang pamahalaan sa paggawa ng kampanyang hindi naman ganap na naging matagumpay.
Batay sa pananaliksik, napatunayan na gumamit ang DDB Philippines ng iba’t ibang tanawin mula sa Thailand, Indonesia, at Dubai sa kanilang binuong promotional video para sa kampanya. Ang insidenteng ito ay nakaakit sa atensyon ng ibang bansa, tila mas nakaakit pa nga sa nagawang kampanya. Kaya naman agad na naglabas ng pahayag ang kampanya at sinabing, “While the use of stock footage in mood videos is standard practice in the industry, the use of foreign stock footage was an unfortunate oversight on our agency’s part. Proper screening and approval processes should have been strictly followed. The use of foreign stock footage in a campaign promoting the Philippines is highly inappropriate, and contradictory to the DOT’s objectives,” Dahil sa sitwasyong ito, hindi maiiwasan ang pagtataka ng mga tao kung napupunta nga ba sa tamang mga proyekto ang mga binabayad nilang buwis.
Pagdating sa usapin ng alokasyon, naging kontrobersyal ang desisyon na baguhin ang logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), isang kilalang korporasyon na pagmamay-ari ng pamahalaan. Ang naturang ahensya ay naglaan ng Php 3 milyon para sa pagpapalit ng logo na tila hindi katumbas ng halaga nito. Bagaman may malaking bahagi ang korporasyon sa pagpapaunlad ng industriya ng turismo sa pamamagitan ng casino operations sa bansa, nagdulot ng pagtataka ang biglaang pagpapalit ng logo sa gitna ng iba’t ibang pangangailangan na maaaring paglaanan ng pondo mula sa buwis ng mga mamamayan.
Ang mga pangyayaring ito ay malinaw na nagpapakita ng maling pagtutok ng pamahalaan at kakulangan ng wastong pasiya para sa kabutihan ng bayan. Hindi dapat ito hinahayaang dumausdos lamang; bagkus, dapat humingi ng pananagutan mula sa mga namumuno at patuloy na gamitin ang boses upang ipaglaban ang pagpapabuti ng pamamahala. Hindi rin madali ang pagmamahal sa Pilipinas kung patuloy na kinakaharap ng mga Pilipino ang ganitong mga sitwasyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ito’y nagsisilbing paalala na mahalaga para sa bawat isa na gamitin ang kanilang mga karapatan upang makuha ang nararapat na pagtrato at pagbabago mula sa mga nahalal na pinuno.
