Ni Ace Dizon

Larawan ni Zyle Cadiz
Bilang pampinid na palatuntunan ng Buwan ng Wika, nagtipon-tipon ang mga mag-aaral ng Ateneo Senior High School (ASHS) noong Oktubre 24, Martes, sa Formation Learning Center.
Winaksan ang paggunita ng Pinoytuntunan, na may temang “Filipino at mga Wikang Katutubo: Mina ng Kaalaman sa Paglinang, Pagtawid-habi sa iba’t ibang Larangan” sa taong ito, sa pamamagitan ng mga pagtatanghal at anunsyo ng mga nagwagi sa samot-saring patimpalak.
Pinamunuan nina Shua Palad, Chi Rumbaoa, Steph Mejia, at Ino Maxino ang seremonya.
Nagbigay ng pangwakas na pananalita si G. Noel Miranda upang magpasalamat sa partisipasyon ng bawat isa sa naturang programa mula pa noong Agosto.
‘Salupongan’
Ibinahagi sa isang bidyo sa gitna ng programa ang kahulugan at kahalagahan ng tema ayon sa kontekstong pangkasalukuyan.
Ayon sa nasabing presentasyon, ang salupongan ay nagmula sa salitang Manobo na salo na nangangahulugang pagsasama-sama, at pongan na ang ibig sabihin ay pagkakaisa.
Nag-ugat din ito sa wikang Kapampangan na salupong—nangangahulugan namang interseksyon. Ang interseksyong ito ay naglalarawan sa isang lugar kung saan nagsasalubungan ang mga landas ngunit hindi nagsasalpukan, bagkus ay nagku-krus ng mga linya gaya ng paghahabi ng tela.
Inaasahan na sa pagsasalubong na ito ay makabubuo ng “kolektibong kamalayan at pagkilos tungo sa isang lipunang may bukas at pantay na oportunidad sa lahat ng karapatan.”
Hinihikayat ng tema na mag-salupongan ang iba’t ibang larang na kinakatawan ng mga strands “upang magkakapit-bisig na humabi ng isang lipunang walang naiiwan sa pagsubok.”
Mga pagtatanghal
Maraming organisasyon, partikular na ang mga kabilang sa Performing Arts District, ang nagtanghal upang magbigay-aliw sa mga manonood.
Nagkantahan ang Music Industry Organization, Symphonic Ensemble, mga miyembro ng administrasyon, at kaguruan ng ASHS. Tumugtog din ang mga nanalong pangkat sa Harana at Origs, pati ang mga nakakuha ng 100 puntos sa Videokehan.
Naghanda rin naman ang Indayog ng Atenistang Kabataan ng sayaw. Nagkaroon din ng Sayaw Pinoy kung saan hinikayat ang pagsabay ng bawat isa sa mga nangunguna ng sayaw.
Sa kabilang dako, ang mga tagapayo at presidente ng bawat klase ay naghanda ng kasuotan para sa rampa ng Bihis Pinoy.
Mga nagwagi
Narito ang mga itinanghal na kampeon sa mga patimpalak na isinagawa sa kahabaan ng Pinoytutunan:
Buhay na Museo: 11-Garnet at 12-Miki
Pinakamahusay na biswal para sa Harana: 11-Gavan
Pinakamahusay na musika para sa Harana: 11-Escribano
Pangkalahatang nagwagi para sa Harana: 11-Escribano
Pinakamahusay na liriko para sa Origs: 12-Carvalho
Pinakamahusay na biswal para sa Origs: 12-Carvalho
Pinakamahusay na musika para sa Origs: 12-Carvalho
Pangkalahatang nagwagi para sa Origs: 12-Carvalho
Mga napili para sa Bihis Pinoy: 11-Grande at 11-Realino; 12-Ogilvie at 12-Grodecky
