Ni Beatrix Bautista

Likha ni Aoi Reyes
Kalabog ng dibdib dulot ng naghuhuramintadong puso ang siyang umalingawngaw sa muling pakikipagsapalaran para sa kinabukasan. Bitbit sa magkabilaang mga kamay ang patong-patong na gawaing iisang petsa lamang ang hangganan. Nang umapak sa kanlunga’y walang magawa kundi muling humarap sa iskrin kahit pilit na hinahatak ang mga paa ng malambot na kutson, isabay mo pa ang unan na katoto. Hinaing ng katawan ay pahinga, sigaw naman ng utak ay takbo subalit anong magagawa kung mistula nang lantang gulay sa loob lamang ng dalawang buwan.
Kaya naman isang malaking buga sa hangin ang nagawa nang malamang may naghihintay na dalawang araw na pahinga mula sa pag-aaral—ang tinatawag na Dialogues on Student Formation for Sem 1 (DSF). Dulot nito, hininto ang pagbibigay ng mga akademikong gampanin sa mga mag-aaral gayundin ay sinarado muna ang mga opisina sa SHS sa loob ng dalawang araw.
Dalawang buwan na rin ang nakaltas sa kalendaryo simula noong nagbukas ang mga pinto sa akademikong taong 2023-2024 sa Ateneo de Manila Senior High School (ASHS). Sa taong ito, malaking hakbang ang kinailangang tahakin ng mga nasa ika-11 at ika-12 na baitang. Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan na ang mga junior ay tila ba’y nakalanghap ng bagong halimuyak mula sa kapaligiran habang ang mga senior naman ay binati ng mga estranghero sa kanilang silid at sistemang taliwas sa kanilang nakasanayan noon. Pag-reshuffle ng mga pangkat, mas maagang pagpasok na naging 8:30 AM mula 9:20 AM, mas matagal na pag-uwi (isang dahilan ang mga sesyon sa kaniya-kaniyang organisasyon), at semestral na paggrado ay ilan lamang sa mga konotasyong ganap na bumaliktad ang mundo sa ASHS. Kaya naman tayo’y magbalik-tanaw sa mga piyesang bumuo sa nakaraang dalawang buwan sa paaralan bago isakatuparan ang DSF.
Tulad ng mga mag-aaral mula sa ika-11 na baitang, tila kakaibang simoy ng hangin din ang bumati sa presensya ng mga senior. “Nakakapanibago kasi napakabilis ng transition nung grade 11 kami to grade 12 kasi parang nasanay ka na sa isang sistema tapos papalitan na lang agad-agad,” saad ni Shua Palad mula sa 12-Gonzalez. Sa kabilang banda, sa iskedyul naman nakaramdam si Stephen Materum ng 11-Hurtado ng pagkapanibago.
Kaakibat ng mga panibagong pamamalakad at mga tuntunin ang pagkilala ng mga mag-aaral sa mga hamong inilunsad ng kanilang akademiko gayundin ng sariling mga balakid. Sa likod ng makulay na maskarang pinaskil sa tinayong pader na pundasyon ay dugo’t pawis, siphayong nagkukubli sa mga mata’y nagparamdam nang ‘di nagpaalam.
Para kay Shanelle Ko ng 12-Holland, malaking aspeto ang ginampanan ng problema sa transportasyon sa mga hamong naranasan niya sa nakalipas na mga buwan. Ani niya’y madalas na gumigising siya ng mas maaga para lamang makipag-unahan sa malakas na dagundong ng bell ng eskwelahan. Itong nabanggit na karanasan ay siya namang pinagtibay ni Palad na mas maaga na ring bumabangon sa umaga upang maabutan ang mga nakahilerang tricycle sa 7/11.
“Kaya kahit man nakakapagod ‘tong mga akademikong gampanin, mas nakakapagod maging commuter ngayong taon,” pagbahagi niya.
Bagamat unti-unti nang sumipol ang anino ng mga kadenang maaaring pumigil sa pagguhit ng mga ngiti sa mga mag-aaral na ito, naroon pa rin ang koneksyong nabuo nila sa mga kaibigang sadyang nagpahiwatig na mayroong bahaghari matapos ang malupit na pagbuhos ng ulan. Walang buwis ang may kakayahang tapatan ang mga taong kasangga nila sa labang katumbas ng karera ng buhay.
“Tumatak sa’kin ‘yung relationships na nabuo ko with my classmates kasama na rin ‘yung sa organization na sinalihan ko. Naging mas masaya ‘ko pag kasama ko sila at patuloy kong aalagaan ang relasyong ito,” ani Stephen.
Bukod dito, isang magandang memorya ang iniwang bakas ng Senior High School Orientation Seminar (SHOrSem) gayundin ng kani-kanilang mga organisasyon sa landas na kanilang tinatahak. Kung ang pagsali sa paligsahan sa sayaw sa ibang bansa ang hindi malilimutan ni Shanelle, ilista mo na ang pagiging host ni Shua sa SHOrSem bilang pangyayaring kailanma’y hindi maglalaho sa kanyang magagandang alaala. Wika niya’y matagal na niyang inaasam ang oportunidad na ito at kakaiba ang haplos sa kanyang puso nang makita niya ang mga junior.
Kaya naman matapos magdaan ang dalawang buwang nagmistulang mga dahong madaling kumawala sa mga puno tuwing taglagas, nagpataw ang unibersidad ng DSF subalit hindi pa rin maiwasan ng mga mag-aaral na hindi ipagsawalang bahala ang mala bundok na gawain sa paaralang naghihintay sa kanilang presensya. Nakagapos ang mga kamay gamit ang magagaspang na lubid, at kung pipiliting kitilin ay tiyak na hindi kaaya-aya sa inaasahan ang kakailanganing tumahan.
Parehong nakapagpahinga naman sina Shua Palad at Shanelle Ko ngunit mas malaki ang nabigay na oras para sa mga kinakailangan nilang tapusin bago pumasok sa eskwelahan. “Mas maraming oras pa rin ang inilaan ko sa schoolworks,” saad ni Shanelle. Ginawa rin ni Shua lahat ng backlogs niya dahil inamin niyang kahit papaano’y nakapag-enjoy siya noong sabado’t linggong lumipas bago ang DSF. Bagkus sa panig ni Stephen ay binanggit niyang nag-aral at nag training lamang siya ng mga panahong iyon.
Nang tinanong ang tatlo kung sapat na ba ang dalawang araw na pahingang handog ng DSF ay bahagyang naiiba ang kanilang mga pananaw sa isa’t isa. Para kay Materum, “siguro pwede naman na ang dalawang araw,” pero hangad naman ni Palad na sana’y naging mas maaga inilunsad ang DSF—noong mga panahong kasagsagan ang lagnat, ubo, at sipon sa ASHS. Ayon sa kanya, “maaaring mas kaunti sana ang nahawa sa mga sakit at hindi na kailangan pang pumasok para sa quizzes at requirements.” Siya nga rin ay kabilang sa mga nakaranas ng lagnat at sipon ngunit nananatiling buo ang loob na pumasok sa kanyang klase upang hindi mapag-iwanan sa mga pagsusulit. Hindi na nga nakagugulat kung bigla-biglang makaririnig ng mga pagbahing o pag-ubo sa mga silid-aralan ng mga oras na iyon. Sa kabilang dako, suhestiyon ni Ko na sana’y ipinaabot man lang sa tatlong araw ang DSF sapagkat masyadong mabigat ang workload sa paaralan kung kaya’t hindi malabong hindi nakakuha ng sapat na pahinga ang karamihan.
Sa likod ng mga halakhak at sakripisyong bumubuo sa piyesang nagtatagpi-tagpi sa nakalipas na tatlong buwan sa ASHS, namumutawi pa rin sa mga isipan ng mga mag-aaral ang ideyang pagsusumamo sa malalambot na kutsong matagal na pinapangarap ng mga katawan. Inaasahan din nilang hindi agarang papatak ang mga minuto sa semestral break na tila ba’y nakikipag unahan sa mga sasakyang hinahabol ang ilaw trapiko sa Katipunan nang sa gayon ay magpakasasa sa mga oras na kasama nila ang kanilang mga pamilya gayundin ang mga kaibigan.
“Makatulog ng mahimbing! At magpahinga lang sa bahay kasama ‘yung family ko,” muling ungkat ni Shanelle Ko sa panayam.
