ANG NOCHE BUENANG ‘OK’ NA

Dibuho ni Thea Natividad

Isinulat ni Daniele Santos

Hindi lingid sa ibang bahagi ng mundo ang natatanging paraan kung paano ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Pasko. Ika nga, talagang magkaiba ang pagdiriwang ng Christmas kaysa sa pagdiriwang ng Pasko. 

Sa kabilang banda, lingid pa rin sa kaalaman ng iba na iba-iba pa rin ang pamamaraan ng pagdiriwang ng iba’t ibang sektor ng lipunan o mamamayan sa bansa, gaya na lamang ng mga taga-Pampanga. Ang Pampanga ay kilala sa bansag na ‘Christmas Capital of the Philippines’ dahil sa malikhaing mga parol na nagmula rito. Ang iba naman ay umaalis pa ng Pilipinas at dumadayo sa ibang bansa upang ipagdiriwang ang Pasko. Kung gayon, hindi maikakaila na ang pagdiriwang ng Pasko ng bawat sektor ay maaaring nakaangkla sa kulturang kinagisnan at pansariling kagustuhan.

Subalit, ano nga ba ang mangyayari sa iyong Pasko kung ang iyong kulturang kinagisnan at pansariling kagustuhan ay hindi umaayon sa iyong pinansyal na katayuan? Paano nga ba ipinagdiriwang ng ating mga kapatid na below minimum at minimum-wage workers ang Pasko sa kabila ng kultura at tradisyon ng Paskong Pilipino?

Ang Pasko ay Sumapit

Tuwing ang Pasko ay sumasapit, ang mga Pilipino ay talagang nagsisiawit. Ito ay sa kadahilanang ang mga Pinoy ay kilala sa pagkakaroon ng maaga at mahabang pagdiriwang ng Pasko. Sa pagpatak ng unang araw ng Setyembre ay agad na bubungad sa mga mata ang iba’t ibang makukulay na parol, mga nagsisikantahan na kabataan, at simoy ng hangin na nagmula sa pagluluto ng puto bumbong at bibingka. 

Ganyan ang itsura ng tipikal at kinaugaliang Pasko ng bawat Pilipino. Bukod pa rito, ayon nga sa kantang Ang Pasko ay Sumapit, “Nang si Kristo’y isilang, may tatlong haring nagsidalaw, at ang bawat isa ay nagsipaghandog ng tanging alay,” bahagi rin ng kulturang Pilipino ang pagbibigay ng handog o aguinaldo tuwing sumasapit ang Pasko. Pagbibigay man ito ng regalo sa mga kamag-anak o kahit sa mga ‘nangangaroling,’ ang diwa ng pagbibigay ng regalo tuwing Pasko ay sumasalamin sa kulturang Pilipino. 

Higit sa lahat, isa rin sa mga pangunahing tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko ay ang tinatawag na Noche Buena o ang pagsasalo-salo ng bawat pamilya sa bisperas ng Pasko o ang gabi bago ang mismong araw ng Pasko. Ang kadalasan na mga inihahanda ng mga Pilipino at makikita sa mesa tuwing Pasko ay ang hamon, macaroni salad, Filipino spaghetti, leche flan, fruit salad, queso de bola, puto bumbong, bibingka, at marami pang iba. 

Hindi maikakaila na ang kultura at mga tradisyon na ito ay ilan sa mga aspekto ng ating pagka-Pilipino na siyang nagpapanatiling buhay ang diwa ng Pasko.  

Pasko Na Naman…

Tunay ngang kay tulin ng mga araw, Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang. Kasabay ng matulin na pagtakbo ng mga araw ay ang kasing-tulin nitong pagtaas ng mga bilihin, lalo na ng mga noche buena items, na nagsimula nang umakyat noong Oktubre.

Samantala, naglabas naman ang Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) ng listahan ng suggested retail price (SRP) ng mga pagkaing pang-noche buena. Ayon sa listahan, ang pinakamurang spaghetti pasta (200g) at sauce (250g) ay nasa P25.00 at P23.55. 

Para sa iba, ang ganitong presyo ay mumurahin na. Subalit, para sa pangkaraniwan at below minimum o minimum-wage na pamilyang Pilipino, mumurahin at sasapat nga ba ang pang-noche buenang ito?

Tuloy na Tuloy pa rin ang Pasko?

Batay sa tala ng Rappler noong Setyembre, ang minimum-wage sa Metro Manila ay nasa P610 kada araw. Ayon naman kay Leng*, isang below minimum-wage worker at on-call housekeeper, ang kaniyang kinikitang P600 kada araw ay hindi sapat sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Dahil hindi sapat ang P600 para sa pangangailangan ng kaniyang pamilya sa pangkaraniwang araw, kinailangan nilang magtiis sa kung ano man ang nailapag sa mesa ngayong Pasko.

Hindi na rin nakakasasabay si Leng sa isa sa mga tradisyong pamimigay ng aguinaldo. Giit niya, “Wala namang naitatabing pera na saving.” Dagdag pa niya, ang 200g spaghetti pasta at 250g sauce ay hindi rin sapat sa kaniyang pamilya na may siyam na miyembro kaya kaniyang isinaad na, “Kung ano lamang ang kayaning maihanda na pagsasaluhan sa noche buena, ok na rin, basta may maihain lang sa mesa.”

Sa kabilang banda, ayon naman kay Mae*, isang call center agent at online seller na nagbebenta ng donuts, ang kaniyang kinikitang P1075 kada araw ay hindi rin sapat sa pangangailangan ng kaniyang limang anak. Bukod pa rito, ang mataas na bilihin ngayong Pasko ay higit na nakaaapekto rin daw sa kaniyang negosyo. Giit niya, “Super affected kasi iyong budget mong puhunan. Kailangan taasan din ang tinda sa price na afford pa rin ng ibang tao [nang] ‘di ka rin naman malulugi.” Dahil dito, isa rin ang pamilya ni Mae sa mga nahirapang makaranas ng kasiglahan ng Pasko ngayong taon

Kampana ng Simbahan

Ngayong tapos na ang Pasko, nawa’y dinggin pa rin natin ang kampanang tuluyan tayong ginigising, upang tayong lahat ay mamulat sa araw-araw na kinahaharap ng mga minimum-wage workers ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Hayaan nating tayo’y magising sa katotohanan na higit na naaapektuhan ng mataas na bilihin ang mga Pilipinong minimum-wage workers at maliliit na negosyante, at maglaan ng pagsusumikap na maibsan man lang ang kanilang mga paghihirap sa ating mga munting paraan.

Kaya’t habang pinakikinggan natin ang kampana ng Simbahan, dinggin din natin ang kanilang kwento. ‘Pagkat sa ngalan Pasko, mahalagang tayo pa rin ay makatutulong sa kapwa.