Muling Pag-alab ng Sulo: Ang Panunumbalik ng Youth For Christ sa ASHS

Likha ni Ericka Villaseñor

Ni Beatrix Bautista

Maraming Atenista ang kasalukuyang nakakatikim ng makulay at maunlad na “org life” sa Ateneo de Manila Senior High School. Mula SHOrSem hanggang recruitment week, ilista mo na ang mga senior na nagpupursiging palamutihan ang kanilang booth ng mga dekorasyong aagaw sa atensyon ng mga junior. Kaya huwag kalilimutang pagalain ang tingin para hindi makaligtaan ang kanilang mga gimik na hihimok sa’yong sumali sa kanilang organisasyon. Bagamat mayroong humigit kumulang 50 na mga org sa ASHS, patuloy pa rin itong nadadagdagan o ‘di kaya naman ay may nanunumbalik—katulad na lamang ng Youth For Christ (YFC) na muling binuhay ngayong taon ng core officers nito.   

Ang Youth for Christ ay noon pa itinatag bilang isang pandaigdigang organisasyon sa labas ng paaralan. Sa angking pangalan nito ay tiyak na magkakaroon na ng ideya kung ano at para kanino ang kanilang layunin: pasiklabin ang pag-ibig ni Kristo upang magkaisa ang mga tao, lalo na ang mga mag-aaral, sa pamamagitan ng pagtuklas sa kanilang mga sarili. Subalit ang kaibahan nito sa Ateneo Liturgical Ministry (ALM) ay isinasagawa naman ng YFC ang pagpundar ng mas malalim na koneksyon sa Diyos sa tulong ng pakikibahagi sa iba at pagtatag ng pananampalataya sa sarili gayundin sa kapwa sa halip na serbisyo.

Bilang bagong organisasyon sa ASHS, marubdob ang damdamin ni Uno Angeles, miyembro ng YFC at estudyante sa 12-Pro, na ipakilala at anyayahan ang buong komunidad ng ASHS na sumali sa YFC. Ibinahagi ni Uno na lumaki siya sa pamilyang pinapaigting ang Katolisismo kaya naman hangad niyang maging kabahagi ng komunidad kung saan kinagisnan ang kaparehong sitwasyon.

Inungkat din niyang bukas ang mga pinto ng YFC para sa malayang talakayan ng mga paksang itinuturing na kalapastangan sa Diyos sa ilang mga konteksto. Dulot nito, ang samahang ito ay naglalayong tugunan ang mga katanungang sensitibo sa mata ng mga tradisyunal na simbahan gamit ang boses ng mga kabataan at ipabatid ito sa mga matatanda upang suklian ng opinyon. 

Kung paghahambingin, totoong hindi nalalayo ang misyon at bisyon ng YFC kumpara sa ALM. Kumbaga’y iisa man ang destinasyong nais nilang puntahan, magkaiba pa rin ang byaheng kanilang patutunguhan. Ang ALM ay nakatutok sa praktikal na aspeto ng paglalapit ng mga miyembro sa Diyos sa paraan ng paninilbihan sa mga misang ginaganap sa loob ng paaralan, pag-awit sa koro, mass reading, donation drive, at iba pang mga aktibidad na sumasailalim sa serbisyo sa ngalan ng Diyos. 

Kaya naman ang tampok at naiibang katangian ng YFC na magbibigay dito ng espasyo kapag itinabi sa pagkahaba-habang linya ng mga organisasyon sa ASHS ay nilalapit nito ang mga miyembro sa bisig ng Diyos sa tulong ng pagninilay at paglalahad ng mga teoretikal na usapan at perspektibong magsisidhi sa mapagunlak na diskusyon. 

It is essentially a place of discussion on whatever topics of the Catholic faith arise, no matter their level of blasphemy, as answering questions—or at least attempting to—at least brings a deeper understanding of the topic, no matter how small it is,” pagpapaliwanag ni Uno. Binibigyang-diin nito ang kahalagahang maliwanagan ang mga indibidwal sa kanilang mga katanungan ukol sa angking pananampalataya at relihiyon nang sa gayon ay mahanap nila ang direksyon ng daang inukit ng Maykapal.

Bagamat inamin ni Uno na hindi siya makapagbibigay ng sapat na detalye pagdating sa mga proyektong maaaring asahan ng mga mag-aaral sa YFC sapagkat miyembro lamang siya rito, nabanggit niya namang kasalukuyang tinatrabaho ng organisayon ang ilan sa mga “external” nilang gawain. Kabilang dito ang mga open forum o malayang talakayan tungkol sa Scriptures at debateng may kinalaman sa mga kontradiksyon at hindi kawastuhang nakapaloob sa Bibliya. 

Muli niyang inungkat na ang YFC ay destinasyon para sa mga mayroong kinakaharap na sagabal sa pagtuklas sa kanilang pananampalataya, kabataang mapagtanto ang kanilang potensyal bilang taga-paglingkod ng Diyos, nagnanais na palalimin ang angking pag-unawa sa Maykapal gayundin sa Kanyang mga turo, o naghahanap lamang ng lugar para pagtambayan habang pinapalago ang sariling prinsipyo. 

Pinagsusumikapan din nilang magtatag ng isang pamilya mula sa malawak na komunidad ng mananampalataya upang maging malapit sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga nakakaaliw at nakakalibang na mga aktibidad. Ang Youth for Christ ay bukas ang mga palad para sa lahat; wala itong pinipiling karapat-dapat na miyembro upang manilbihan sa Panginoon sapagkat naniniwala silang ang bawat indibidwal ay may kaakibat na kakayahang maglingkod nang taos puso. 

It is an organization for everyone! Therefore, if you are looking for any org that addresses any of the aforementioned goals, be sure to consider us and our global counterpart of the same name!” Panghihikayat na mensahe ni Uno Angeles para sa mga taong hindi pa nababatid ang tunay na kakanyahan ng YFC.

Iilan lamang ang mga organisasyong sa ASHS na hinahandugan ng pagkakataon ang mga miyembrong tuklasin ang dahilan sa likod ng kanilang pananampalataya at may pakay na pagbuklod-buklurin ang mga tao sa wangis ni Kristo. Sa huli, hindi lamang kapupulutan ng kadalubhasaan o kasanayan sa pamumuno ang mga organisasyong iyong sinalihan, sapagkat ito rin ay isang oportunidad para madiskubre ang sariling hilig at pag-alabin ang pusong tumulong sa kapwa at paglingkuran ang dakilang manlilikha. 

Walang mali sa pagsali sa mga organisasyong nakabihag sa iyong talento, ngunit huwag ipagsantabing kilalanin ang mga organisasyong naglalayong hulmahin ang mga kabataan bilang mga indibidwal na malaya mula sa kasalanan at paghihirap na natamo sa nakaraan, gayundin ang pagtanggap sa anyayang maging mananampalatayang inaasahan ng Diyos.