ANG KARAPATANG IPINAGKAIT, SA “DESERVING” IPAGAGAMIT?

Ni Dani Santos

Noong ika-2 ng Setyembre 2023, nagbigay ng mungkahi si Finance Secretary Benjamin E. Diokno na i-reserba na lamang ang programa ng libreng edukasyon ng pamahalaan para sa mga “deserving” na mag-aaral. Ito ay dahil sa 34% na dropout rate na naitala ng Commission on Higher Education (CHED) mula 2016 hanggang 2022, na nagdulot ng matinding tensyon sa pampublikong pondo. 

Giit pa ni Diokno, “The present regime is unwieldy, inefficient, and wasteful. An indicator of wastefulness is the rising dropout rate.” Ani niya, ang naturang programa ay hindi mabisa sapagkat maraming mag-aaral ang hindi umano “committed” o hindi talagang nakatuon sa kanilang pag-aaral. 

Subalit, ano nga ba ang saklaw ng programang libreng edukasyon na ito? Sino-sino nga ba ang sakop ng programang ito? Ano ang mga pananaw ng mga mag-aaral na Pilipino, lalo na ang mga papasok sa kolehiyo, hinggil sa mungkahi ni Finance Sec. Diokno? Ano ang mga nararapat na aksiyon na kinakailangang gawin upang matugunan ang suliranin na ito?

BATAS REPUBLIKA BLG. 10931

Ang programang libreng edukasyon na pinupuna ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno ay ang Batas Republika Blg. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) Act. Ito ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at isinabatas noong ika-3 ng Agosto 2017. Ang batas republikang ito ay naglalayong pagkalooban ng libreng matrikula o tuition fee ang mga mag-aaral mula sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs), at technical-vocational institution.

Ayon naman kay CHED Chairman Prospero de Vera III, sa loob ng limang taon na pagpapatupad ng RA 10931, nagbunga ito ng pagtaas o pagdagdag sa partisipasyon ng mga mag-aaral sa mataas na edukasyon. Dagdag pa niya, umakyat sa 41% ng mag-aaral ngayon ang naka-enroll sa mga unibersidad kumpara sa 30% noong mga nakaraang taon. Ayon kay de Vera, “it is the best anti-poverty strategy.”

DAPAT KARAPAT-DAPAT?

Sa kabilang banda, bahagi ng mungkahi ni Diokno sa pagrereserba ng programang libreng edukasyon para sa mga “deserving” at “committed” na mag-aaral ay ang pagdaraos ng isang nationwide examination upang malaman kung ang mga mag-aaral na Pilipino ay kwalipikado o pasado ba sa mga subsidies ng pamahalaan. Ngunit, paano nga ba malalaman o masusukat ang pagiging karapat-dapat ng isang tao batay lamang sa kaniyang iskor sa pagsusulit? Nasasaklaw nga ba ng nationwide examination na ito ang pagsubok sa karakter ng mag-aaral? 

Ang mungkahi ng pagsasagawa ng nationwide examination upang mapagkalooban ng libreng edukasyon ay hindi sukatan ng pagiging “deserving” at “committed” ng isang mag-aaral, na ang siyang mga hinahanap ni Diokno sa mga estudyanteng Pilipino. Ngunit ano nga ba ang maibibigay ng mga iskor ng examination na ito kung hindi ang talas ng isip ng isang tao? Hindi nito maididikta ang karakter ng mga mag-aaral. 

Dagdag pa ni Diokno, ang kasalukuyang pagpapatupad sa batas na ito ay “anti-poor” at ang kaniyang mga iminungkahing reporma para sa RA 10931 ay naglalayong paunlarin pa ang financial sustainability nito, at masigurong makikinabang dito ang mga “most deserving” o pinakakarapat-dapat na mag-aaral. Subalit, taliwas ito sa nakasaad sa Artikulo XIV Seksyon 1 ng 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas na nagsasabing, “Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon.”

EDUKASYON BILANG KARAPATAN

Si Leigh Amante, iskolar mula sa STEM 11-Wright, ay isa sa mga nadismaya nang mabalitaan ang mungkahi ni Diokno. Giit niya, “Hindi ako sang-ayon sa kaniyang pahayag sapagkat naniniwala ako na ang edukasyon, anuman ang antas, ay isang karapatan at hindi isang pribilehiyo.” Sa kasamaang palad, kahit pa ang paniniwalang ito ay nakaukit na sa ating konstitusyon, ito pa rin ay mahirap makamtan, lalo na kung mas nangingibabaw ang ibang pangangailangan kaysa tawag ng edukasyon.

Every person has the right to education and financial status should not prohibit this right. Limiting the ‘deserving’ students will not lessen the dropout,” para naman kay Arianne Co mula sa STEM 11-Wright, na naging dismayado rin sa mungkahi ni Diokno. Kung kaya’y ang tamang aksiyon na dapat gawin ng pamahalaan ay masiguro na ang bawat Pilipino ay nakatatanggap ng edukasyon, ano man ang kalagayang pampinansyal nito.

Ayon naman kay Santino Palafox mula sa HumSS 12-Gonzalez at incoming college student mula sa Ateneo de Manila Senior High School (ASHS), “The filtering of beneficiaries for free college education is one way of limiting the opportunities of Filipino families who have the hopes of being able to elevate their family from their current living conditions.” Sa parehong paraan, ang pagrereserba ng programang libreng edukasyon para sa mga “deserving” na mag-aaral ay hindi lamang isang malaking hadlang para sa mag-aaral na Pilipino na makamit ang kanilang mga pangarap, ngunit sinasara rin nito ang pinto sa mga Pilipino upang umunlad sa kanilang buhay. 

Dagdag pa ni Palafox, “This proposition, to be straightforward, is one that is very much anti-poor. There is no such thing as a Filipino citizen who is “undeserving” of receiving education. If anything, the problem lies within how the government misuses the funds of the public.” Gayundin, hindi talaga maiiwasang magtaka kung ang programang libreng edukasyon at mataas na dropout rate nga ba ang dahilan kung bakit may strain ngayon sa pampublikong pondo. Maaaring may iba pang salik na nakaaapekto rito, gaya ng inflation, ekonomiya, mataas na porsiyento ng kawalan ng trabaho, at iba pa. Ngunit, bakit nga ba nasa sektor ng edukasyon ang kamalian kung ang pera ng bayan ay hawak naman ng pamahalaan? 

Pahayag pa ni Amante, “Ang ironic lang ng kaniyang pahayag kasi may kakayahan ang gobyerno na maglaan ng pondo para sa ibang bagay, ngunit kapag libreng edukasyon ang usapan, tila tinitipid nila ang mga estudyante at gusto pa nila itong ibigay na lamang sa mga ‘deserving’ students.” Sa katunayan, tila hindi nga nagdalawang-isip ang pamahalaan nang sila ay mag-invest sa Maharlika Wealth Fund (MWF), na maaaring maging isang mapanganib na patibong para sa pondo ng bayan. Tila ang ating pamahalaan ay nasasayangan sa pagpopondo ng edukasyon ng mga Pilipino, ngunit hindi sa pagwaldas nito sa hindi matukoy na mga proyekto. 

Giit pa ni Co, “I believe that reevaluating the country’s budget should be done and checked [to determine] if the allocation of the budget should be fixed. Secondly, research on why there are high dropout rates should be conducted. The government should also take action on the findings they get from these studies to maintain inclusivity in giving scholarship opportunities to Filipinos.” Kung gayon, sa halip na pag-aksayahan ng pamahalaan ang pondo sa hindi dapat paglaanan ng pondo, nararapat na pagtuunan nila ng pansin ang pagsusuri ng sa mga dahilan ng mataas na dropout rate sa Pilipinas, at pagpapatupad ng nararapat na aksiyon gamit ang mga datos na kanilang malilikom upang matugunan ang isyung ito.

ISKOLAR NG BAYAN, HINDI NG PAMAHALAAN

Gayunpaman, makikitang iba’t iba rin ang naging pananaw o opinyon ng bawat isa tungkol sa isyung ito. Subalit, tila nakaligtaan ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno na ang pampublikong pondo ay binubuo ng dugo’t pawis ng bawat Pilipino. Patunay ito sa kasabihang, “ako ang nagsaing, iba ang kumain.” Mga Pilipino nga ang naghirap, ngunit ito’y ginastos ng mga korap. 

Sa kabilang banda, ayon kay Palafox, “Free college education should not have a strain on public funds.” Ang pagbibigay ng libreng edukasyon ay hindi na dapat kinukuwestiyon, sapagkat ito ay isang karapatan na dapat ipinagkakaloob sa bawat isa, “deserving” man o hindi, “committed” man o hindi. 

Higit sa lahat, ang edukasyon ng bawat mag-aaral ay bunga ng dugo at pawis ng mga Pilipino. Kaya’t sila ay mananatiling mga iskolar ng bayan, hindi ng pamahalaan. Ang mga naturang iskolar ng bayan ngayon, ay ang mga “deserving” na pinuno ng bansa sa susunod na panahon. 

Leave a comment